UMABOT na sa 519,441 o mahigit 95 porsyento ng mga Antiqueño ang nairehistro sa Philippine Identification System o PhilSys upang magkakaroon ng kani-kanilang National ID.
Sa kabila nito ay patuloy pa rin sa pag-arangkada ang mga tauhan ng Philippine Statistics Authority sa pagpunta sa kasuluk-sulokan ng mga pamayanan sa probinsya upang irehistro ang sinumang nais magkaroon ng National ID na magagamit bilang katibayan ng kanilang pagkakakilanlan sa anumang pakikipag-ugyanan o transaksyon sa mga tanggapan ng pamahalaan o pribadong sektor.
Ayon sa Provincial Statistics Officer ng PSA na si Randy Tacogdoy, ang pagkakaroon ng National ID ay malaking tulong lalo na sa bahagi ng lipunan na madalas nahihirapang makipag-transact at makakuha ng serbisyo sa mga tanggapan sa kadahilanang hinahanapan sila ng dalawa o higit pang opisyal na ID o patunay ng pagkakakilanlan. Kalimitan, sila yaong nakatira sa mga malalayong lugar, mga mahihirap, mga kasapi ng katutubong pamayanan, mga matatanda at mga may kapansanan.
Ito ay isinabatas upang magiging susi sa makabagong pamamaraan ng pagbibigay at pagtanggap ng mga serbisyo – pribado man o sa gobyerno, at upang mapadali sa paglipat sa tinatawag na “digital economy” kung saan pwedeng ang mga pakikipag-ugnayan ay hindi na nangangailangan ng mga papel, presensya o pisikal na pera.
Pinagbabawal din ng batas o Republic Act No. 11055 ang hindi pagtanggap ng National ID bilang opisyal at natatanging paraan ng pagkakakilanlan ng isang tao.
Ang hindi pagtanggap nito ay may kaukulang kaparusahan na pagkakulong na hindi bababa sa anim na buwan hanggang dalawang taon o multa na hindi bababa sa P50,000 hanggang P500,000, o magkasamang kulong at multa ayon sa kapasyahan ng husgado.
Kaparehong kaparusahan ang kaakibat sa sinumang hindi awtorisadong nag-iimprenta o gumagawa, naninira o namemeke ng National ID. (AGP/PSM/PIA Antique kasama ang ulat mula sa PSA)