ISINAGAWA ang Pampublikong Konsultasyon ng Ortograpiya ng Bugkalot/Eg̓ongot sa Brgy. La Conwap, Nagtipunan, Quirino. Kasama sa gawain na ito ang mga opisyal mula sa DepEd Dibisyon ng Quirino, Nueva Vizcaya, at Aurora; Opisyal ng Brgy. La Conwap, Nagtipunan, Quirino at Brgy. New Gumiad, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya; at mga IPMR at Tribal Leader iba’t ibang komunidad ng Bugkalot/Eg̓ongot sa Quirino, Nueva Vizcaya, at Aurora.
Kalahok sa konsultasyon ang tinatayang 80 na mga Elder at mga miyembro ng mga komunidad. Tampok sa programa ng konsultasyon ang paglalahad ng nabuong Ortograpiya ng Bugkalot/Eg̓ongot na isinulat ng mga guro na Bugkalot/Eg̓ongot at Bugkalot Bible Translators Team. Mayroon ding kultural na pagtatanghal mula sa mga kabataang Bugkalot/Eg̓ongot.
Sinimulan ang pagbuo ng Ortograpiya ng Bugkalot/Eg̓ongot noong 2019 sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino, Translators Association of the Philippines, DepEd-Dibisyon ng Quirino at mga katutubong Bugkalot sa Quirino. Nagsagawa ng mga virtual ng pulong at workshop sa panahon ng pandemya noong 2020 kasama ang ilang kinatawan mula sa Nueva Vizcaya. Taong 2023, isinagawa ang face-to-face na workshop kasama na ang mga elder na kinatawan ng mga Bugkalot/Eg̓ongot mula sa tatlong probinsiya (Quirino, Nueva Vizcaya, at Aurora), kinawatan ng Bugkalot Bible Translators Team, mga guro mula sa dibisyon ng tatlong probinsiya.
Mataas ang pagnanais ng buong Bugkalot/Eg̓ongot na magkaroon ng pagkakaisa sa sistema ng kanilang pagsulat sa kabila ng ilang mga dialectal variation ng kanilang wika. Ito ang nagbunsod sa pagsasagawa ng pampublikong konsultasyon upang maisaayos mapagkasunduan ang sistema ng pagsulat ng kanilang katutubong wika. Tinitingnan din nila na ang pagkakaroon ng isang opisyal na ortograpiya ay instrumento upang patuloy na mapalakas ang kanilang katutubong wika.
Ipagpapatuloy ang konsultasyon hanggang ngayong araw, Agosto 22, 2024.