NAGBIGAY ng pahayag si Senador Loren Legarda sa naganap na Senate hearing sa dating mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo kung saan siya ay dumalo kahapon, Setyembre 9, 2024. Ito ang kanyang pahayag.
“Katotohanan ang nais nating malaman sa isyung kinasasangkutan ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Paano siya nakakuha ng Philippine passport at birth certificate? Maaari bang may mga ahensya sa gobyerno na pinasok na ng mga sindikato?
“Malaman lamang natin ang mga kasagutan dito ay magiging malaking pag-usad na ito sa kaso. Huwag nating hahayaang maubos ang oras ng Senado sa patuloy na kasinungalingan at panlilinlang. Gaya ng aking sinabi sa hearing kanina, hindi rin natin mapoprotektahan si Alice Guo sa mga sinasabi niyang banta sa kanyang buhay kung siya ay patuloy na magsisinungaling sa ating mga pagdinig.”