UMAABOT sa 459,328 Palawenyo ang rehistrado na sa Konsultasyong Sulit at Tama (KonSulTa) Package provider ng PhilHealth, ayon kay Atty. Jerry Ibay, Regional Vice President ng PhilHealth-Mimaropa at Batangas.
Ang nasabing bilang ay katumbas ng 35.66 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Palawan na 1,288,140 na target ng PhilHealth na mairehistro. Katumbas din ito ng 48.52 porsiyento ng kabuuang bilang na 946,629 na mga nairehistro na sa rehiyong Mimaropa.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ngayong Setyembre 10, 2024, sinabi ni Ibay na ang KonSulTa Package ay ang pinalawak na primary care benefit ng PhilHealth ayon na rin sa Republic Act 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act.
Ipinaliwanag din ni Ibay na hindi lamang para sa head of the family o sa mga asawa nito ang maaaring maka-benepisyo sa Konsulta Package, ngunit maging ang mga bagong panganak ay maaari na ring mairehistro kung ang mga ito ay mayroon ng birth certificate.
“KonSulTa is more preventive rather than curative, ayaw na po ng Philhealth na ma-ospital ang mga pasyente, hindi naman po sa ayaw naming magbayad, kaya lang napakahirap po sa tao at doon sa pamilya na nakikita niya ang kasama niya sa bahay na may sakit,” paliwanag pa Ibay.
Ang mga pangunahing serbisyo sa ilalim ng Konsulta Package ay ang konsultasyon; serbisyong pangkalusugan para makaiwas sa sakit; at referral sa mga ospital.
Sakop din ng package na ito ang initial at follow-up primary care consultations, health screening at assessment, piling laboratory o diagnostic services, at piling mga gamot batay sa reseta ng doktor.
Ayon pa sa kanya, narating na nila ang mga isla sa Palawan partikular na ang mga isla sa bayan ng Linapacan upang hikayatin ang mga mamamayan ng Palawan na magrehistro sa mga KonSulTa Package Provider. Tanging ang Pag-asa Island sa bayan ng Kalayaan sa West Philippine Sea ang hindi pa nila napuntahan.
Sa kasalukuyan, ayon kay Marian Carlos, Information Officer ng Philhealth-Palawan, na nasa 37 na ang KonSulTa Package Providers sa Palawan. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)