27.5 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Higit 1,000 indibidwal sa Occidental Mindoro, nakinabang sa murang bigas ng pamahalaan

- Advertisement -
- Advertisement -

UMABOT sa 1,170 indibidwal sa bayan ng Sablayan ang nabiyayaan ng murang bigas na handog kamakailan ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) sa National Irrigation Administration (NIA) Compound sa Brgy. San Vicente, Sablayan.

Sinabi ni Edwin Arevalo ng NIA na nabili ng mga Sablayeño ang bigas sa halagang P29 bawat kilo.

“Naka- pack ang mga itinindang bigas sa tig-10 kilo kada bag at nagkakahalaga ng P290 bawat pack,” sabi ni Arevalo.

Gaya ng idinaos na KNP sa ibang dako ng bansa, prayoridad din sa KNP sa Sablayan na bentahan ng murang bigas ang mga senior citizen, solo parent at mga may kapansanan o Persons with Disability (PWDs).

Ayon pa kay Arevalo, ang bigas na ibinenta sa KNP ay mula sa mga magsasakang napili ng NIA sa ilalim ng Rice Support Program (RSP) – Contract Farming.

Paliwanag ng opisyal, pawang kasapi sa Irrigators’ Association ang mga magsasakang kabilang sa contract farming at pinagkalooban sila ng NIA ng farm inputs na nagkakahalaga ng P50,000, kasama ang mga binhi at pataba.

Dagdag pa niya, ang inaning palay ng mga kinontratang magsasaka ay awtomatikong binili ng NIA sa presyong P20 hanggang P21 bawat kilo ng basa o bagong aning palay.

Sa programa sa radyo ng Philippine Information Agency, inilahad ni Arevalo na aabot sa 57 ektaryang sakahan ang kasama sa RSP ng NIA.

Dahil nasa limang ektarya pa lamang ang umani at ipinagbili sa nakaraang KADIWA, sinabi ni Arevalo na higit 50 ektarya pa ng palay ang inaasahang makakapag-supply ng murang bigas sa lalawigan at umaasa na sana ay di mapinsala ng peste at masamang panahon ang mga nasabing pananim na palay.

“Basta’t may mga aanihing palay tayo, asahan ng ating mga mamamayan na magsasagawa pa ang NIA ng KADIWA ng Pangulo sa iba’t ibang bayan sa lalawigan,” dugtong ni Arevalo.

Ang napagbentahan sa Kadiwa ng Pangulo ay gagamiting karagdagang pondo para sa pagpapatuloy ng Rice Support Program ng NIA, pahayag pa ni Arevalo. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -