26.1 C
Manila
Linggo, Oktubre 6, 2024

Mga panganib sa pamamahala ng dayuhang utang ng Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Setyembre 16, 2024 na ang pamamahala ng dayuhang utang ng Pilipinas ay maagan na maipatutupad sa kabila ng dumaragdag na dayuhang utang ng bansa matapos ang nakaraang ikalawang kwarter ng taong kasalukuyan.

Ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kabuoang dayuhang utang ng Pilipinas ay umabot na sa halagang $130.18 bilyon nitong ikalawang kwarter ng taon. Ang halagang ito ay mas mataas ng 1.15 % sa naitalang dayuhang utang noong unang kwarter ng taon. Ang dayuhang utang noong ikalawang kwarter ay halos kapantay ng 28.9% ng GDP ng bansa sa parehong panahon. Kung ihahambing sa ibang bansa, mababa ito sa 37.1% na naitala ng Thailand sa kasalukuyang taon at sa 56% na naitala ng Malaysia sa parehong panahon. Batay sa pamantayang ito makakayanan ng ating bansa na mabayaran ang mga bayarin (principal at interest) sa dayuhang utang dahil ang pambansang kita ng Pilipinas ay mabilis na lumalaki.

Ang ikalawang pamantayan ng magaan na pamamahala ng mga bayarin sa dayuhang utang ay ang debt service ratio (DSR). Ang DSR ay ang halaga ng babayarang principal at interest sa bawat taon bilang porsiyento ng halaga ng eksport at primary income ng bansa. Ang primary income ay kita mula sa produktibong sangkap na pag-aari ng mga Filipino na ginagamit sa produksiyon sa ibang bansa. Ayon sa ulat ng BSP halos 9.5% lamang ng halaga ng ating eksport at primary income ang kinakailangan upang mabayaran ang mga bayarin sa ating mga eksternal na utang. Dahil maliit lamang ito kakayanin ng ating mga kita mula sa pagluluwas at kita sa paggamit ng ating mga yamang tao at capital sa ibang bansa upang tustusan ang mga bayarin sa mga dayuhang utang.

Ang ikatlong pamantayan ay ang halaga ng kabuoang international reserve ng bansa upang tapatan ang halaga ng short term debt nito. Ayon sa ulat ng BSP ang ating short term debt ay umabot sa halagang USD 27.39 bilyon samantalang ang Gross International Reserves (GIR) ng bansa ay umabot na sa halagang USD 105.19 bilyon sa ikalawang kwarter ng kasalukuyang taon.Samakatuwid, ang halaga ng ating GIR ay halos 3.84 na beses kalaki ng halaga ng mga short-term debt ng bansa. Samakatuwid, makakayanan bayaran ng Pilipinas ang lahat ng mga short term debt nito gamit ang pondo sa GIR kung ang bansa ay sisingilin ngayon ng mga pinagkakautangan nito.

Kahit magiging magaan ang pamamahala ng dayuhang utang ng Pilipinas batay sa tatlong pamantayang ginamit, may mga panganib pa ring hinaharap ang bansa sa pamamahala ng dayuhang utang nito. Una, kahit na ang GDP ng Pilipinas ay mabilis na lumalaki ang sector ng agrikultura ay may matamlay na lagay. Nagtala ito ng negatibong 2.3% na paglaki noong ikalawang kwarter ng 2024 at patuloy na bumababa ang ambag nito sa GDP simula pa noong nakaraang taon. Kung hahatakin pababa ng agrikultura ang paglaki ng ekonomiya nanganganib ang pangunahing kakayahan ng bansa upang bayaran ang mga obligasyon nito sa mga dayuhang utang.


Ikalawa, ang netong eksport ay nagtala ng negatibong P61 bilyon noong ikawalang kwarter ng 2024. Ito ay nagpapahiwatig na mas mataas ang ating inaangkat kaysa ating iniluluwas. Mas mabilis din ang porsiyento ng paglaki inaangkat kaysa porsiyento ng paglaki ng ating eksport. Ang ganitong sitwasyon ay nagpapabagal sa paglaki ng ating GDP at ang kakayahan ng ating eksport na tustusan ang principal at interest ng mga dayuhang utang ng bansa. Hindi lamang magpapabagal sa paglaki ng GDP ang mabilis na pagtaas ng inaangkat at mabagal na paglaki ng eksport ay maaaring magpabagal sa paglaki ng laan ng mga dayuhang salapi (international reserve) ng bansa.

Ikatlo, kung magkakatotoo ang pinangangambahang resesyon sa Estados Unidos at ang paglala ng resesyon sa ibang malalaking ekonomiya, lalo pang babagal ang paglaki ng ating eksport at bibigat ang kakayahang makapagbayad ng Pilipinas sa mga obligasyon nito sa dayuhang utang nito.  Samantala, ang depresasyon ng US dolyar bunga ng pagbababa ng US Federal Reserve ng mga pinagbabatayang interest rate ay makapagpapagal din sa pambansang kita, at eksport ng Pilipinas. Kung sakaling ang US dolyar ay makararanas ng apresasyon, makapagpapataas ito sa halaga ng mga utang ng  Pilipinas mula sa Estados Unidos at mapagpapaliit sa halaga ng ating utang sa mga bansang nakararanas ng depresasyon ng kanilang salapi.

Ika-apat, ang patuloy na paglaki ng ating inaangkat ay magbibigay ng bigat sa kakayahan ng Pilipinas magamit ang kita nito sa eksport upang tustusan ang debt burden nito. Gayon din ang mangyayari kung magpapatuloy ang fiscal deficit ng pamahalaan dahil kakailanganin ang paglaki ng dayuhang utang upang makapag-angkat na tutustos sa fiscal deficit.

Samakatuwid, ang mga pangyayari sa labas at loob ng bansa ay maaaring makapag-ambag sa pagbigat ng pamamahala ng dayuhang utang ng Pilipinas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -