KAYANG paramihin ng Pilipinas ang maritime fleet nito at palakasin ang presensya sa West Philippine Sea (WPS), kung ikokonsidera nito ang pag-upa sa mga sasakyang pandagat, sa halip na bumili ng mga ito.
“Bilang developing nation, mas makabubuti para sa atin na umupa ng mga sasakyang pandagat mula sa ibang bansa at mga kumpanyang nasa ganitong larangan,” ayon kay Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino, sabay sabing mas magiging mabilis at mura ang naturang opsyon para sa bansa.
Hindi na bago ang naturang konsepto, ayon kay Tolentino, dahil kahit umano ang mga superpower gaya ng France at United Kingdom ay umuupa ng mga barko para sa kanilang naval fleet.
Normal din umano ito sa mga commercial airline, na kumuha ng leased aircraft imbis na bumili ng mga bagong eroplano.
“Bukod sa mas mahal, maaaring umabot hanggang limang taon ang proseso ng pag-order at pagpapagawa ng bagong barko. Samantala, ang leased vessels ay di hamak na makukuha nang mabilis, at maipapagamit kaagad sa ating mga tropa,” paliwanag ng senador.
Aniya, maraming global companies ang nasa negosyo ng pagpapaupa ng mga barko na maaaring gamitin bilang patrol vessels, frigates, at kahit medical ships.
Isinulong ni Tolentino ang panukala, matapos ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal, na ngayon ay pinalilibutan ng Chinese vessels.
Suportado ni Tolentino ang pullout ng coast guard vessel, pero nanawagan din ito sa pamahalaan na pag-aralan ang muling pagde-deploy ng barko sa bahura, para mapanitili ng bansa ang presensya nito sa naturang teritoryo.
“Binanggit ko noong Linggo na tama lang na makapagpahinga muna at makapagpagamot ang crew ng BRP Teresa Magbanua, gayundin para mapagawa ang mga nasirang bahagi ng barko. Pero mahalaga ring pag-aralan ang pagpapanatili ng ating presensya sa Escoda Shoal,” pagtatapos ni Tolentino.