SISIMULAN na ngayong huling bahagi ng 2024 ang paggawa sa North Manila Bay Nature-based Flood Mitigation Solution sa palibot ng isla ng Pamarawan sa Lungsod ng Malolos.
Mismong si Kingdom of the Netherlands Ambassador to the Philippines Marielle Geraedts ang nanguna sa paglulunsad ng proyekto na dinisenyo ng isang kumpanyang Royal Haskoning DHV.
Sinagot ng Netherlands Enterprise Agency ang paggawa sa detailed engineering design ng proyekto habang mamumuhunan ng inisyal na halagang P130 milyon ang pamahalaang lungsod ng Malolos upang isakatuparan ito.
May halagang P70 milyon ang nakatakdang gugulin mula sa 2024 City Budget habang ang kapupunan ay magmumula sa panukalang 2025 City Budget.
Ayon kay Mayor Christian Natividad, layunin ng proyekto na mabawasan hanggang tuluyang mawala ang matagal nang problema ng lubos na paglubog sa tubig ng isla ng Pamarawan.
Magiging proteksiyon din aniya ito upang mapangalagaan ang isla sa mga daluyong tuwing may habagat at malakas na bagyo.
Nagsilbing pilot area ang Malolos ng proyektong North Manila Bay Nature-based Flood Mitigation na itinaguyod sa tulong ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga, na nagbikis upang tugunan matagal nang problema sa pagbabaha sa pamamagitan ng agaran at pangmatagalang solusyon.
Base sa inisyal na detalye ng proyekto, mayroon itong tatlong bahagi: ang Green Embankment, Sediment Trapping Units at ang Enhanced Breakwater Structures.
Sa Sediment Trapping Units, ibabalik ang balanseng ekolohikal kung saan muling magtatanim at pakakapalin ang bakawan sa loob ng mga kwadrong gawa sa kawayan.
Sa susunod na 15 taon, makakaya na nitong pigilin ang pagpasok ng tubig dagat sa isla at makakalikha pa ng sangtuwaryo para sa mga isda, hipon, alimango at alimasag na dadagdag sa kabuhayan ng mga residente.
Para matiyak na hindi ito aanurin o wawasakin ng malalakas na alon, magkakaroon ng mga Enhanced Breakwater structures sa harapan ng mga sediment trappings habang sa kabilang bahagi ng isla, maglalagay ng Green Embankment o ang putik na natural na isasampal ng mga alon sa pagdaan ng panahon upang maging natural na dike. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)