GINUNITA noong ika-30 ng Agosto 2024 ang ika-128 anibersaryo ng Labanan sa San Juan del Monte. Ang maikling programa ay idinaos sa Dambanang Pang-alaala sa Pinaglabanan sa Lungsod ng San Juan.
Noong Agosto 30, 1896, naganap ang labanan sa San Juan del Monte na pinangunahan ni Andres Bonifacio. Ang labanan na ito ay kinikilala na isa sa mga panimulang himagsikan laban sa mga Kastila.
Matapos ang pagtutuos sa San Juan del Monte, sumunod ang ibang katipunero sa iba pang bahagi ng Pilipinas sa pagkubkob at paglaban sa mga Kastila.
Naging Panauhing Pandangal si Igg. Jude Acidre, Kinatawan ng Tingog Partylist sa Mababang Kapulungan. Kasama sa programa ang Punong Lungsod ng San Juan, Francisco Javier Zamora, Tagapangulo ng NHCP, Regalado Trota Jose, Jr., Kinatawan ng Lungsod ng San Juan Ysabel Maria Zamora, Ikalawang Punong Lungsod Angelo Agcaoili, at Hepe ng Kapulisan sa Lungsod ng San Juan PCol Francis Allan Reglos.
Ang programa ay nagsimula sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas, na sinundan ng pagsisindi ng walang hanggang alab ng kalayaan. Ang ikatlong bahagi ng programa ay ang pag-aalay ng mga bulaklak sa Spirit of Pinaglabanan Monument, at pinakahuli ay ang pagbibigay mensahe ng Panauhing Pandangal.