BILAGGO man ng pagkakamali ng kahapon, hindi ito hadlang sa pag-abot ng susi tungo sa magandang bukas.
Binibigyan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng pagkakataon ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na hubugin ang kanilang hinaharap. Sa pamamagitan ng College Education Behind Bars (CEBB), nabibigyan ng tsansa ang mga PDLs na makatapos ng pag-aaral kahit nasa loob sila ng selda.
Ayon kay JO1 Priszalia Manengyao ng Baguio City Jail Female Dormitory (BCJ-FD), katuwang nila ang Benguet State University sa pagpapatakbo at pagpapatupad ng naturang programa para sa mga PDLs.
“Naisip namin paano na pag natapos na ‘yong PDL sa senior high school. That’s why we implemented also CEBB dito po sa BJMP-CAR [dahil] nais po namin na i-enroll yung mga PDL natin na graduate na ng Senior High School,” ani Manengyao.
Ang mga PDLs na nagnanais mapabilang sa programa ng CEBB ay kinakailangan magpasa ng mga katibayan na magpapatunay na sila ay nakapagtapos ng Senior High School.
Ayon kay Manengyao, ito ay paraan ng kanilang pagtulong sa mga PDLs upang makapagbagong buhay at paglabas nila ng bilangguan ay may maganda silang hinaharap.
“Gusto po namin ipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral at hindi maging hadlang ang kanilang pagkakakulong upang hindi po nila tapusin ang kanilang pag-aaral. Naniwala po ang BJMP na kahit na [andito] po sila sa loob, maaari rin po nilang tapusin ang kanilang pag-aaral sa tulong po naming mga jail officers and of course ng ating mga partner agencies tulad po ng Benguet State University,” saad ni Manengyao.
Dalawa sa mga PDLs ng BCJ-FD ay kasalukuyang naka-enroll sa ilalim ng CEBB. Ang 39-anyos na si ‘Faith’ na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Tourism at si ‘Rabb’, 32-anyos, na kumukuha ng kursong Public Administration.
Ayon kay Faith, may schedule silang online class, mayroon ding module, at may monthly face-to-face classes sila.
Malaking tulong anila sa mga gaya nilang PDLs ang nasabing programa upang mapabuti ang kanilang buhay habang sila ay nasa loob ng pasilidad at higit lalo sa kanilang paglaya.
“Nasa ‘yo kung gusto mong magbago kasi lahat naman ng tulong is ino-offer dito and ‘yung future mo kasi is ikaw din naman ang pipili kung gusto mo ng magandang future kaya hindi dahilan ang pagkakakulong para masira ang future mo,” sabi ni Faith.
Hindi nagsasawa ang pamahalaan upang magabayan ang mga minsan ay naligaw upang mahanap ang tamang landas tungo sa magandang pagbabago.
Ang pamahalaan, may pakialam. Sa pamamagitan ng kanilang mga programa, ilang buhay ang natutulungan. Sila ang nagpapatotoo na hindi selda ang magbibilanggo ng pag-asa at pangarap ng isang taong may pagpupursige at nais magkaroon ng magandang bukas. (DEG/Sonmer Lei Sandino at John Paul Moyano, PIA-PHINMA UPang Interns)