MAGKASABAY na sinumulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang magkabilang dulo ng Doña Remedios Trinidad (DRT) – Dingalan Bypass Road sa bahagi ng Bulacan at Aurora.
Sa ulat ng DPWH sa isinagawang project site inspection ng Regional Project Monitoring Committee (RPMC) ng Central Luzon Regional Development Council, nasa 22.64 porsyento na ang nagagawa sa DRT section na pinasimulan noong Enero 2024.
Inilahad ni DRT-Dingalan Bypass Road Project Engineer Billy Sunglao na may inisyal na P350 milyon ang ginugol sa proyekto para sa naturang bahagi mula sa Pambansang Badyet ng 2024 habang nasa P687 milyon ang nailaan para sa Dingalan section mula sa mga Pambansang Badyet ng 2022, 2023 at 2024.
May kabuuang 67.93 kilometro ang haba ng DRT-Dingalan Road mula sa bayan ng DRT sa Bulacan, tatawid sa Papaya na ngayo’y tinatawag na General Tinio sa Nueva Ecija, hanggang sa Dingalan sa Aurora kung saan matatagpuan ang Dingalan Port na nakaharap sa Karagatang Pasipiko.
Mangangailangan ng P26.12 bilyon para makumpleto ang proyekto kung saan hindi pa naisasaayos ang road right-of-way sa bahagi ng Papaya.
Kaya’t iminungkahi ng RPMC, sa pamamagitan ni Fernando Cabalza na pinuno ng Project Monitoring and Evaluation Division ng National Economic and Development Authority Regional Office 3, na mai-apply sa mga foreign lenders ang pagpopondo sa proyekto sa pamamagitan ng Official Development Assistance.
Ito’y upang mapabilis ang pagsasakatuparan ng proyekto nang hindi lamang iaasa sa taunang pambansang badyet.
Isinusulong din ng RPMC na subukang amyendahan ang mga country partnership strategy o mga loan programs para sa Pilipinas tulad ng mga inihanda ng Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency o sa Korea International Cooperation Agency upang maipasok ang pagpopondo para sa DRT-Dingalan Bypass Road.
Samantala, base sa pagtataya ng DPWH, mabubuksan sa trapiko ng inisyal na mga bahagi nito sa DRT na 19.27 kilometro at sa Dingalan na 10.20 kilometro sa taong 2028.
Kung mareresolba nang mabilis sa bahagi ng Papaya na tumatawid sa bulubundukin ng Sierra Madre sa habang 38.46 kilometro, posibleng mabuksan sa trapiko ang kabuuan nito pagpasok ng mga taong 2030s. (CLJD/VFC, PIA Region 3-Bulacan)