30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Sen Imee Marcos nanawagan ng pananagutan para sa P132 B pondo ng Bicol para sa flood control

- Advertisement -
- Advertisement -

TINULIGSA ni Senadora Imee Marcos ang malalang pagbaha sa Bicol sa kabila ng ₱132 bilyong pondong inilaan ng gobyerno mula pa 2018 para sa flood control ng rehiyon.

“Hindi katanggap-tanggap na ₱132 bilyon ang itinalaga para sa mga proyekto ng flood control sa Bicol, ngunit lubog pa rin sa baha ang mga komunidad at patuloy ang pagdurusa ng mga pamilya. Karapatan ng publikong malaman kung saan napunta ang mga pondong ito,” sabi ni Senadora Marcos.

Ayon sa 2024 General Appropriations Act, ₱31.94 bilyon ang natanggap ng Bicol para lang ngayong taon, na may kabuuang pondo sa nakalipas na anim na taon na halos ₱133 bilyon. Umabot sa ₱86.6 bilyon ang inilaan sa loob lamang nitong huling dalawang taon, ngunit matinding pinsala pa rin ang iniwan ng bagyong Kristine sa rehiyon, kung saan nalantad ang hindi sapat na mga imprastraktura at kawalan ng solusyon sa malubhang pagbaha.

Nanawagan ang senadora sa mga ahensya ng gobyerno, partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na ipaliwanag ang estado ng mga proyekto at tiyaking nagamit nang husto ang mga pondo. Sinang-ayunan din niya ang panawagan ng ilang senador na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa aktwal na paggamit ng flood control badyet, na tatalakayin sa mga badyet hearing sa Nobyembre.

“Para sa pambansang badyet ng 2025, kailangan natin ng mga epektibo at maayos na plano na tutugon sa mga banta ng pagbabago ng klima–hindi ang mga lumang pamamaraan na patuloy na inilalagay ang buhay, tahanan, at kabuhayan sa panganib,” diin pa niya.

Samantala, pinabulaanan ng pinuno ng House Committee on Appropriations at Ako-Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co ang bilyon-bilyong alokasyon para sa Bicol. Ibinida ni Co na si Speaker Martin Romualdez ng Kongreso ang nasa likod ng mga inisyatiba ng gobyerno para matugunan ang matinding pagbaha. Kinwestyon ni Marcos ang mga pahayag at hinikayat ang masusing imbestigasyon sa paggamit ng mga pondong ito.

“Malinaw na itong mga ‘makabuluhang proyekto’ ay hindi umaabot sa mga komunidad kung saan ito pinakakailangan. Dapat may managot, hindi lang puro satsat,” diin ni Marcos, nagpapahiwatig ng mga kakulangan sa diskarte ng administrasyon. Suportado ng senadora ang kabuuang pagsusuri sa nalalapit na mga badyet hearing para masagot itong hindi nagkakatugma at wala sa hulog na mga prayoridad.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -