Ang ubi tinalinting, ay isang katutubo at di pa gaanong kilala at napapakinabangan na pananim sa Quezon.
Ang pagpapaunlad ng mga produktong nagmula sa ubi tinalinting, kabilang ang Pancit Lopez, ay isang malaking bahagi ng proyektong “Development of an S&T-based Gender-responsive and Crisis-resilient Root and Tuber Crops Value Chain through a Participatory Market Chain Approach (PMCA).”
Sa pangunguna ni Dr. Lorna Sister mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), ang proyekto ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DoST-PCAARRD).
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa LGU ng Quezon Province at ng Department of Trade and Industry (DTI), ang proyekto ay lumikha ng isang inclusive, gender-responsive, at public institutions-led na value chain para sa ubi tinalinting. Mabibili na rin ang mga produktong ubi tinalinting at inaasahan ang patuloy na pagpapaunlad sa mga ito.
Kasabay ng pagdiriwang ang lokal na pamahalaan ng Lopez, sa pangunguna ni Municipal Mayor Rachel Ubana, ay nagpasalamat sa DOST-PCAARRD sa suporta nito sa mga magsasaka, noodle-and flour-processors, at mga livelihood groups sa bayan ng Lopez.
Sa naging mensahe ni DoST-PCAARRD Executive Director Reynaldo Ebora, binigyang pansin niya ang mga inisiyatibo ng Konseho sa paglalatag ng mga inobasyon at teknolohiya na higit na nakatutulong sa mga kababaihan sa larangan ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman. Kabilang sa mga ito ang ‘sustainable’ na paggamit ng mga katutubong ugat na pananim gaya ng ubi tinalinting sa Lopez, Quezon.
Umaasa rin ang mga miyembro ng Lopez Federation of Rural Improvement Club (RIC) at grupo ng Pancit Lopez production sa magandang kinabukasan ng kanilang kabuhayan sa ubi tinalinting.
Binanggit ni Bb. Minerva Segui, presidente ng pederasyon, na ipagpapatuloy nila ang produksyon ng harina na gawa sa ubi tinalinting. Dagdag pa niya, ang tagumpay nito sa mga susunod na taon ay magsisiguro ng magandang kinabukasan para sa kanila at sa susunod na henerasyon.