INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na pag-ibayuhin ang paghahanda sa mga kalamidad matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine sa malaking bahagi ng Luzon.
Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa lalawigan ng Batangas, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapahusay sa early warning system, pagrebisa sa master plan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at pagpapatupad ng Standard Operating Procedure sa dahan-dahang pagpapalabas ng tubig mula sa mga dam bago pa man dumating ang bagyo upang maiwasan ang matinding pagbaha.
“Nagbigay direktiba na rin tayo sa DPWH, DENR at iba pang mga ahensya na rebisahin ang mga Flood Control Masterplan. Ito ay upang kayanin ng mga imprastraktura natin ang matinding pagbaha na nangyari kada-isang daang taon, ngunit ngayon ay nagiging mas madalas na.”
Kaugnay nito ay nanawagan ang ilang mga negosyante at mangisngisda sa bayan ng Laurel sa pamahalaan na tulungan silang makapagsimula muli mula sa pinsalang dinulot ng bagyong Kristine sa kanilang negosyo at kabuhayan.
Sa panayam ng PIA Calabarzon kay Mang Gilbert Velasco, may-ari ng mga tindahang natabunan at niragasa ng bagyo, hangad nila na mabigyan sila ng pinansyal na tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng loan upang kahit papaano ay makapagsimula silang muli sa pagne-negosyo matapos ang matinding landslide na sumira sa kanilang tindahan, mga kagamitan at produkto na nagdulot ng malaking pagka-lugi sa kanilang kita.
Para naman kay Jimmy, isang mangingisda mula Barangay Gulod, hiling niya ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa kanilang mga naninirahan sa gilid ng lawa habang hindi pa sila nakakabalik sa pangingisda at paghahanap-buhay.
“Pangingisda lang ang aking ikinabubuhay kaya habang nakalubog pa ang bangka ay sana mayroong ibinibigay na relief, pagkain, at malinis na tubig mula sa pamahalaan.”
Sinuguro naman ng Pangulo sa mga mangingisda at manggagawa na naging biktima ng bagyong Kristine na may angkop na tulong na inihahanda ang DA na agaran ding ipapadala sa kanila.
“Ang administrasyong ito ay patuloy din na nagsisikap na mapadali ang sistema at mabigyan ng access ang LGUs sa mga pondo, kagaya ng NDRRMC fund, para makabawi at mapaayos ang mga nasirang kagamitan, pasilidad, o hanapbuhay na dulot ng likas na sakuna,” pagtitiyak ng Pangulo.
Dagdag ni PBBM: “Makakaasa kayo na ang pamahalaan ay patuloy na kabalikat ninyo sa pag-ahon mula sa hamon na ito.”
Sa ngayon, may mga isinasagawang assessment ang ilang ahensya ng pamahalaan upang matukoy ang kabuuang pinsala at ang mga kinakailangang hakbang para sa rehabilitasyon at tulong sa mga apektadong lugar. (CM,CH/PIA-4A)