MATAPOS ang magkasunod na bagyong Julian at Leon, puspusan ang isinasagawag relief at rehabilitation efforts ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno sa lalawigan ng Batanes upang tulungang makabangon ang mga mamamayang lubhang nasalanta.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ay agad nagpadala ng karagdagang relief goods sa lalawigan ng Batanes sa pamamagitan ng C295 at Black Hawk air assets Philippine Air Force at ng BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard.
Puspusan din ang isinasagawang clearing operations sa mga naiwang pinsala ng bayong Leon lalo na sa mga kalsadang naharangan ng mga natumbang mga kahoy at natabunan ng landslide.
Ayon sa inisyal na ulat ng Department of Human Settlements and Urban Development, may dalawang totally damaged houses sa Batanes at 559 ang mga partially damaged.
Ayon kay Regional Director Grace de Vera, tatanggap ng tig-P30,000 ang mga may totally damaged houses at P10,000 naman sa mga partially damaged.
“May listahan na tayo pero kailangan nating ivalidate yung listing na ibinigay ng LGU. Meron kaming team na papupuntahin sa Batanes para ivalidate ang mga ito, so after na navalidate ay naka stand by lang naman yung aming pondo para dito,” pahayag ni De Vera.
Ayon sa RDRRMC Region 2, umaabot na sa mahigit p47 milyon ang naipapamahaging tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan sa mga nasalanta ng bagyo sa Cagayan Valley, kabilang na ang mga relief good mula sa DSWD, non-food items mula sa Office of the Civil Defense, mula sa mga Lokal na Pamahalaan, at maging ang galing sa ilang Government Owned and Controlled Corporations.
Agad ding nagsagawa ng power restoration efforts ang Batanes Electric Cooperative. May mga ilang komyunidad na agad naibalik ang kanilang linya ng kuryente subalit nagpapatuloy parin ang pagkukumpuni sa mga nasirang mga linya bunsod ng bangis ng dalawang magkasunod na bagyo. (OTB/PIA Region 2)