MAGSASAGAWA ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Occidental Mindoro ng kampanya upang maitaas ang kamalayan ng mga katutubo sa probinsya kaugnay ng 2025 national and local elections.
Paliwanag ni NCIP Provincial Director Julito Garcia, dapat maipaliwanag lalo na sa mga bagong botanteng katutubo ang kahalagahan ng halalan sa pagkamit ng higit na kaunlaran ng bansa lalo na ang epekto nito sa pamumuhay ng Indigenous Peoples (IPs).
“Dapat maintindihan ng ating mga katutubo na magagamit nila ang kanilang boto upang suportahan ang mga kandidato na may magandang programa para sa kanila at sa iba pang vulnerable sector,” ayon kay Garcia.
Upang maisagawa ang election education campaign, sinabi ni Garcia na makikipag-ugnayan ang NCIP sa mga ahensya ng pamahalaan at iba pang tanggapan na maaaring tumulong para maayos itong maisakatuparan.
Dagdag pa niya na bukod sa Commission on Elections (Comelec), plano nilang hingin ang tulong ng mga opisyal ng barangay kung saan may pamayanan ng mga katutubo, gayundin ang mga uniformed personnel, at iba pang sektor gaya ng academe at media.