26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Cordillera RDRRMC, nanawagan sa mga residente na sumunod sa preemptive evacuation

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN ang Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa mga residente sa mga naninirahan sa mapanganib na lugar na sumunod sa preemptive evacuation na ipinatutupad ng mga pamahalaang lokal.

Kasunod ito ng pananalasa ng bagyong Nika kung saan malaking bahagi ng rehiyon ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 at 3.

Binigyang-diin ni Office of Civil Defense-CAR Regional Director at Cordillera RDRRMC Chairperson Albert Mogol ang pagtalima rin ng mga residente sa anumang ipag-uutos ng mga pamahalaang lokal na preemptive evacuation.

“Patuloy po tayong makinig sa mga anunsyo at sundin po ang tinatawag natin an preemptive evacuation. Huwag na ho nating hintayin na andiyan ‘yung ulan, andiyan ‘yung flooding bago tayo mag-evacuate,” paalala ni Mogol.

Sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government-CAR Regional Director Araceli San Jose na inabisuhan nila ang mga local chief executives sa rehiyon na ipatupad ang preemptive o forced evacuation kung kinakailangan.

“Alam naman po natin na ang ating mga rescuers ay mga tao din ‘yan. Maaari din silang malagay sa panganib. So habang puwede po tayong pumunta sa mga evacuation centers, pumunta na po tayo kaagad,” pakiusap ni San Jose.

Nanawagan din si San Jose sa mga LGUs na siguruhing kumpleto ang basic facilities sa mga evacuation centers upang hindi mahirapan ang mga ililikas na pamilya.

As of 6:00 PM ng November 11, 2024, nasa 309 na pamilya na ang inilikas sa Cordillera batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development-CAR.

Ang naturang bilang ay patuloy na nadaragdagan. Ang mga apektadong pamilya ay nahatiran na ng tulong mula sa mga kaukulang LGU at sa DSWD.

Siniguro naman ng iba pang ahensiya ang kanilang kahandaan sa rumesponde at magbigay ng suporta sa mga apektado ng bagyo. (DEG-PIA CAR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -