“Sa aking palagay, mas makabubuti kung pag-isahin na lamang natin ang AICS at ang AKAP. Sa ganitong paraan, mas malaking ayuda ang maibibigay natin sa ating mga kababayang tunay na nangangailangan,” ani Senadora Imee Marcos sa deliberasyon ng badyet ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dagdag pa niya, hindi sapat ang pansamantalang tulong. “Kailangang palawakin natin ang kanilang mga pagkakataong makahanap ng trabaho o mamuhunan sa sariling hanapbuhay. Hindi naman tamad ang Pilipino–kailangan lang nila ng tulong at inspirasyon para makabangon. Hindi lamang ayuda ang sagot, kundi tunay na pag-asa para makaahon sa kahirapan.”
Ang mungkahing pagsasanib ng AICS at AKAP ay naglalayong gawing mas epektibo ang pamamahagi ng tulong. Sa halip na hatiin ang badyet sa maraming programa, mas mainam na tutukan ang mga programang may pangmatagalang epekto. Binigyang-diin din ng senadora ang pagbibigay ng dignidad ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng mga programang magpaparamdam sa kanila na sila ay mga produktibong kasapi ng lipunan.
Ayon kay Marcos, dapat samahan ang mga social assistance programs ng oportunidad para sa self-sufficiency. “Palakasin natin ang mga programang tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Kalahi-CIDSS, at Sustainable Livelihood Program, na tumutugon na sa isyu ng kahirapan bago pa man ang AKAP.
Sa huli, hinikayat niya ang mga kapwa mambabatas na magkaisa sa layuning mas paigtingin ang kampanya laban sa kahirapan at kagutuman.