26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Mali ba ang ‘natutuNan’?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

IKAW ba ay isa sa mga gumagamit ng salitang natutuNan at nasabihang sub-standard naman ang word choice mo? O natutuHan ang gamit mo?

Sabi ng iba, mali ang natutuNan dahil natutuHan ang tamang anyo.

Kung Department of Education (DepEd) ang tatanungin, ang standard na anyo ay natutuHan. Mali ang natutuNan, o kung di man mali, variant ito o ibang anyo at ginagamit lamang sa probinsya. Kaya kung awtor ka o editor ng mga teksbuk, at gusto mong gamitin ng DepEd ang libro mo, kailangang burahin mo ang lahat ng natutuNan at palitan ito ng natutuHan. Ito ang katanggap-tanggap.

Nasabi na sa aking kolum nang nakaraang Miyerkoles (Nobyembre 20) na walang hulaping –HAN at –HIN (panlaping nasa hulihan ng salita) . –AN at –IN lamang ang hulapi. Lumilitaw sa mga salita ang H kapag nilagyan ng hulapi ang salita. ito ay dahil bahagi ng salitang ugat ang nasabing H pero hindi halos naririnig at walang representasyon sa ispeling, o hindi isinasama sa pag-ispel ng salita.

Kung gayon, saan nanggaling ang huling pantig na NAN sa natutunan?


May iba pang mga salita na ang huling pantig ay NAN o NIN: antabayanan, kuhanan/kunan, kuhanin/kunin, hangganan, kayanin, kakayanan, makayanan, katotohanan, totohanan, totohanin, ulunan, at iba pa.

Narito ang salitang ugat ng mga nabanggit: antabay, kuha, hangga, kaya, totoo, ulo. Pawang nagtatapos sa patinig na walang impit na tunog. Kaya ang hulapi ay dapat na –AN pero lilitaw ang tunog na H sa dulo ng salita kaya –HAN ang idadagdag sa dulo. Maliban sa antabay (nangangahulugang maghintay o mag-abang), na kapag nilagyan ng hulapi ay magiging antabayan. Ngunit ang karaniwang maririnig natin ay hindi antabayan kundi antabayanan.

Dalawang hulapi

Bakit naging antabayanan? Dahil dalawa ang hulapi sa salitang ito. -AN + -AN: antabay +-an + -an = antabayanan.

- Advertisement -

Ganito rin ang nangyari sa iba pang mga salitang nabanggit sa itaas. Sinusudlungan o dinudugtungan ng isa pang hulapi ang isang salitang may hulapi na.

Ganito:

Salitang ugat: kuha + -an = kuhahan + -an = kuhahanan. Nakaltas ang dalawang pantig na HAHA, dahil sa pagbabagong morpoponemiko, kaya ang natira ay KUNAN. Gayon din ang naganap sa kunin: kuha + -in = kuhahin + -in = kuhahinin. Muli, may pagbabagong morpoponemiko kaya ang resulta: kunin.

Ang pagbabagong morpoponemiko ay pagbabago sa anyo at tunog ng salita bunga ng pagkakaltas ng pantig, pagdaragdag ng pantig, pagkakaltas at o pagdaragdag ng tunog. Maraming salita sa ating wika na hindi na halos makilala ang salitang ugat dahil sa naganap na pagbabagong ito.

Ganito rin ang naganap sa totohanan at totohanin. Salitang ugat: totoo + -an = totoohan + -an = totoohanan = totohanan.

Ang katotohanan naman ay ganito: ka-+totoo+an = katotoohan +-an = katotoohanan = katotohanan.

- Advertisement -

Ito ay isa lamang sa mga paliwanag kung saan nanggaling ang NAN sa huling pantig ng ilang salita. Ang isa pang paliwanag ay ito: ang H ay napapalitan ng N. Kaya ang kaya + -in = kayahin ay naging kayanin. Ang kakayahan ay may ibang anyo: kakayanan. Samantala, ang makayahan (ma-+kaya+an) ay may isa lamang anyo: makayanan. At wala kang maririnig na kayahin, kundi kayanin.

 

Alin man sa dalawang paliwanag ang suportahan mo, ang mahalaga ay maunawaan kung paano nabuo ang mga salita, at makapagbigay ng kasiya-siya at katanggap-tanggap na paliwanag. Sa gayon, mas maiintindihan at mas mapapahalagahan natin ang sariling wika.

Alin man sa dalawa: natutuHan o natutuNan ang mas gusto mo, o ang anyong nakaugalian mo, dahil ito ang ginagamit sa inyong lugar, huwag ikahiya o itakwil ang iyong preperensya. Ang totoo, sa gawing Cavite, Batangas at iba pang mga lalawigan sa Katimugang Luzon, natutuNan ang ginagamit. Maaaring gayon din sa iba pang mga probinsya sa Hilagang Luzon. Mali ba sila? Pilipit ba ang mga dila nila at dapat bang ituwid? HINDI! Sa Metro Manila, natutuHan ang preperensya kaya ito nga ang sinasabing standard. Pero huwag ka, maging dito sa Metro Manila ay lumalaganap na rin ang natutuNan kahit sa mga taal na Tagalog. Bakit kamo? Kasi, ito ay novel o naiiba sa nakagawian, kaya ginagaya na rin ng iba kahit pa mas nakasanayan na nila ang sinasabing standard na anyo.

NatututuNan din naman ang dapat matutuHan alin man sa dalawang salita ang gamitin. Ay, mali! Dalawang anyo ng iisang salita sa isang pangungusap. Dapat lang maging konsistent. Huwag paghaluin ang dalawang salita para hindi malito ang iyong mambabasa.

Hangga ngayon? Mali!

Tingnan naman natin ang salitang hangga. Kapag hinulapian, nagiging hangganan. Kapag walang hulapi, at ginamit sa pangungusap, nilalagyan ito ng pang-angkop: Hanggang (hangga + -ng) sa muling pagkikita. Ang nabubuo ay parirala (phrase) na nagsasaad ng oras o panahon: Hanggang bukas. Hanggang sa makalawa. Pero bakit kapag ngayon ang kasunod na salita, hangga ang gamit kahit ng mga bihasang manunulat, na elegante ang estilo (ayon sa kanila)? Siguro, nalito sila sa kasunod na tunog sa salitang ngayon. Magkasintunog kasi ang huling tunog ng hanggang at ngayon.

Tandaan: humanap ng katulad na anyo (parallel form) para matiyak kung ano ang tama. Dahil laging hanggang ang gamit (hanggang bukas, hanggang sa makalawa, hanggang sa isang buwan, hanggang sa isang taon, hanggang sa muli, atbp.),  hindi kailangang maiba ang anyo ng salita kapag ang kasunod ay ngayon: Hanggang ngayon.

Hanggang sa susunod na Miyerkoles.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -