PINURI ni Senador Win Gatchalian ang investment grade rating na ibinigay ng Standard & Poor’s sa Pilipinas na BBB+ at ang pag-upgrade sa outlook nito na “positive” mula sa dating “stable.” Sabi ni Gatchalian, ito ay sumasalamin sa pangako ng gobyerno na fiscal discipline at paglago ng ekonomiya.
“Sa kabila ng mga tensiyon sa pulitika, tiwala ako na ang credit rating outlook ay higit na magpapahusay sa competitiveness ng bansa bilang isang destinasyon ng mga dayuhang mamumuhunan na siyang susuporta sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho para sa kapakinabangan ng ating mga kababayan,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Kabilang ang epektibong policymaking, fiscal reforms, at above-average growth potential sa mga dahilan na binanggit sa credit rating outlook.
Ayon sa mambabatas, ang pagsasabatas ng Republic Act 12066 o ang Create More Act, na nagpapahusay sa global competitiveness ng tax incentives ng bansa, ay inaasahang makakaakit ng mas maraming pamumuhunan. Si Gatchalian ang pangunahing may-akda at sponsor ng Create More.
Inulit ni Gatchalian ang kanyang pangako na suportahan ang economic agenda ng administrasyong Marcos sa gitna ng pagtalakay ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa Bicameral Conference Committee ng panukalang pondo ng bansa na P6.352 trilyon para sa susunod na taon.
“Ang kasalukuyang administrasyon ay nakagawa na ng makabuluhang hakbang sa pagsusulong ng pag-unlad ng ekonomiya sa nakalipas na dalawang taon. Patuloy nating susuportahan ang batas na magsusulong sa economic agenda ng gobyerno,” aniya.
“Umaasa tayong tuloy tuloy ang paglago ng ekonomiya sa mga darating na panahon para sa pakinabang ng ating mga kababayan,” dagdag ni Gatchalian.