NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano ng pagpapatawad, paghilom, at pagbabago sa papalapit na ika-10 anibersaryo ng sakripisyo ng SAF 44.
Sa kanyang mensahe sa taunang New Year’s Thanksgiving Lunch ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Camp Bagong Diwa sa Lungsod ng Taguig nitong January 1, 2025, binigyang diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagpaparangal sa 44 na pulis na namatay sa operasyon sa Mamasapano noong January 25, 2015.

“Sa January 25, I hope we continue to honor those who gave their lives and the survivors. We continue to honor y’ung nasaktan din sa kabilang side, but we [also] learn to heal and forgive,” wika niya.
“In healing and forgiveness, we have to learn to say, ‘Hindi na dapat ito maulit,'” dagdag niya.
Binanggit ni Cayetano na kailangan magsimula ang tunay na pagbabago sa ugat ng hidwaan. Ginamit niyang halimbawa ang mga komunidad sa Marawi na hanggang ngayon ay patuloy pa ring bumabangon matapos ang giyera noong 2017.
“Marami pa ring lugar sa Marawi ang walang kuryente, walang tubig. Hanggang ngayon, y’ung mga nasabugan ng bahay, walang compensation,” sabi ng senador.
Ayon din sa senador, kahit na malalim ang nararamdamang emosyon ng bawat isa, kailangan magkaroon ng paghilom at pagpapatawad sa magkabilang panig.
“I know masakit. I know you distinguish between the terrorist and the freedom fighters. Magkaiba y’un. Y’ung lumalaban lang for their own identity, y’ung mga kapatid nating Muslim, hindi terorista y’un,” sabi niya.
“Healing has to happen on both sides, and a component of healing is forgiveness,” dagdag niya.
Pinuri ni Cayetano ang dedikasyon ng SAF sa pagprotekta sa bansa at nagmungkahi ng pangmatagalang plano para sa modernisasyon ng SAF bilang paggalang sa kanilang patuloy na pagsusumikap.
“Kung ang AFP may modernization plan na 20 years, baka y’un ang paraan para ma-honor natin ang PNP at SAF 44. Gumawa din tayo ng 10-year plan para sa SAF because in the end, you deserve to be recognized for all of your sacrifices,” sabi ni Cayetano.
Pinagtibay din ni Cayetano ang kanyang suporta sa SAF at ang pangako niyang matutugunan ang kanilang mga pangangailangan bilang paggalang sa alaala ng SAF 44.
“I hope I can be of help to you in helping Marawi and in fighting all forms of threats to our nation,” sabi niya.