HABANG milyong mga deboto ang naghahanda upang dumalo sa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo ngayong Enero 9, 2025, alamin natin ang mga kahulugan ng mga tradisyon at mahahalagang pangyayari sa pistang ito.
![](https://www.pinoyperyodiko.com/wp-content/uploads/2025/01/141228-1-1024x771.jpg)
Bakit ba nagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo?
Dinarayo ng maraming Katoliko ang Quiapo tuwing Enero 9 para ipakita ang kanilang panata sa Itim na Poong Nazareno sa pamamagitan ng pagsama sa prosesyon.
“‘Yung ideya ng deboto ay dala-dala niya ang presensya ng Diyos. Doon sa pananaw na iyon unawain ang buong debosyon. Para sa atin kasi ‘yung values, mga pagpapahalaga, ay naisasabuhay sa mga bagay na talagang nakikita, nadarama, naipapasang mga nakagawian. More than just request, it’s thanksgiving,” paliwanag ni Fr. Earl Valdez, attached priest ng Quiapo Church sa ulat ni Abby Espiritu sa “Stand for Truth.”
Itim na Nazareno
Ang Itim na Nazareno na kilalá rin bílang Poong Hesus Nazareno (Espanyol: Nuestro Padre Jesus Nazareno) ay ang gataong imahen ni Hesus na may pasan-pasan na krus na nakalagak sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila, Pilipinas mula pa noong 1787. Ito ay gawa sa maitim na kahoy at nakabihis ng maroon na bata.
Kabaligtaran sa paniniwala ng ilang mga deboto ng Nazareno na itim ang kulay nito hindi dahil sa epekto ng sunog, ito ay dahil umano sa itim ang kahoy na ginamit dito na tinatawag na Mesquite, na gaya rin ng kamagong sa Pilipinas.
“Kung ano mang materyal ‘yan, it’s meant to darken as time passes. Will it darken even further? Probably,” sabi ni Fr. Valdez.
Ayon naman sa pag-aaral ni Monsignor Sabino Vengco Jr. ng Loyola School of Theology, kailanman ay hindi ito naging kulay puti. Ang kahoy diumano na ginamit ay talagang itim at ito ay Mesquite wood.
Ang imahen ay gawa ng isang Mexican sculptor na dinala sa Maynila sa pamamagitan ng Acapilco galleon trade noong May 31, 1606.
Ayon naman sa historian na si Prof. Xiao Chua, hindi kasa-kasama ng Recollect Friars ang itim na Nazareno nang dumating sila sa Pilipinas, kundi dinala na lamang ito sa pamamagitan ng Manila-Acapulco Galleon Trade.
Nasa ilalim ang Pilipinas noon sa pamamahala ng Vice Royalty ng Mexico, kaya paniniwala ng ilan na ang Nazareno ay inukit ng isang Mexicano, na itinulad sa kaniyang kulay na kayumanggi.
“In many ways that color of the Nazareno became a magnet to Filipinos, kasi kakulay natin siya, kamukha natin. Tapos nagbubuhat ng krus, naghihirap, nagsa-suffer katulad natin. Kaya sa maraming Pilipino nagkaroon siya ng koneksyon na si Hesus, nakipag-kapwa tao ang Diyos sa atin,” sabi ni Chua.
Bukod dito, pinaniniwalaang dalawa rin ang imahen ng Nazareno noong 1700s kaya inilipat sa Quiapo Church ang isa sa mga ito. Ayon kay Chua, paniwala ng ilan na replica na lamang ang nasa Quiapo Church, ng orihinal na nasa Intramuros, na wala nang nakaaalam kung ano ang nangyari.
“Yes there is some sort of ignorance, and we cannot deny that. But at the same time I think the knowledge of faith is more than just that. Ang mas alam ng deboto, sa araw na ito, ako ay tutungo sa Nazareno bilang pasasalamat, bilang pagdedebosyon, bilang paghingi ng panalangin, bilang pagkakataon para makalapit ako doon sa imahen,” sabi ni Fr. Valdez.
Ano ang ibig sabihin ng Traslacion?
Taong 2007 lamang tinawag na “Traslacion” ang prusisyon sa Nazareno.
Ginaganap taon-taon ang Traslacion, ang tradisiyon na pagpaparada ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand, paikot sa siyudad ng Maynila, hanggang pabalik sa Simbahan ng Quiapo.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang Traslacion ay paglilipat o paglalakbay.
Aniya, ang lahat ng tao ay naglalakbay, at sa naturang paglalakbay ay hindi tayo dapat panghinaan ng loob at sa halip ay laging isaisip na kasama natin ang Panginoon at hindi Niya tayo pababayaan.
“Traslacion. ibig sabihin ay paglilipat. Tayong lahat naglalakbay din. Marami sa atin naglalakbay din,” ani Tagle.
“Ang isang mensahe sa atin tuwing Traslacion ay huwag panghinaan ng loob, dahil kasama natin si Hesus sa mga Traslacion ng ating buhay.
“Tumingin tayo kay Hesus. Kumapit sa Kanya. Sa mga Traslacion natin sa buhay, sa pagkawala natin ng landas, si Hesus ang daan patungo sa Ama,” sabi ni Tagle.
Maikling kasaysayan
Ang imahe ng Itim na Nazareno ay dinalá sa Maynila ng mga pari mula sa mga Augustinian Recollect noong Mayo 31, 1606. Ang imahen nito ay inilagak sa unang simbahan ng Recollect sa Bagumbayan (na ngayon ay parte na ng Rizal Park), at pinasiyahan noong Setyembre 10, 1606.
Noong 1608, ang pangalawang pinakamalaking simbahang Recollect na inihandog kay San Nicolas de Tolentino (Saint Nicholas of Tolentine) na natapos sa loob ng Intramuros at ang imahen ng Nuestro Padre Jesús Nazareno ay inilipat dito. Ang mga pari ng Recollect ay patuloy na isinulong ang debosyon sa Paghihirap ni Hesus sa pamamagitan ng nasabing imahen. Makalipas ang 15 taon, nabuo ang Cofradia de Jesús Nazareno at itinatag noong Abril 21, 1621. Nakatanggap ito ng Papal approval noong Abril 20, 1650 mula kay Papa Inocencio X.
Noong 1787, si Basilio Sanco Junta y Rufina, ang Arsobispo ng Maynila ay nag-utos na ilipat ang imahen sa Quiapo, sa ilalim ng pagtaguyod kay San Juan Bautista.
Ang imahen ng Nazareno ay naisalba sa iba’t ibang kalamidad at digmaan tulad noong nasunog ang simbahan sa Quiapo noong taong 1791 at 1929 gayundin ang lindol noong 1645 at 1863 at ang pambomba sa Maynila noong 1945 noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Noong 1998, isang replika ng orihinal na imahen ng Itim na Nazareno ang ipinarada dahil sa pinsalang nakamit ng orihinal na imahen at mula noon, ginamit na ito sa mga prusisyon habang ang orihinal na imahen ay nanatiling nakalágak sa loob ng simbahan.
Pahalik 2025 sa Grand Stand
Dalawang araw bago ang Traslacion 2025, mahigit 9,000 na deboto ni Jesus Nazareno ang nakiisa sa unang araw ng “Pahalik,” na ginanap sa Quirino Grandstand nitong Martes, Enero 7.
Bagama’t tinatawag na ‘Pahalik’ ang aktibidad, hinikayat naman ng mga opisyal ng simbahan at ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga deboto na huwag nang halikan ang imahe ng Itim na Nazareno at sa halip ay magdala na lamang ng panyo at tuwalya upang punasan ito.
Ayon kay Nazareno 2025 Feast Adviser Alex Irasga, dapat na mag-sanitize ng mga kamay ang mga deboto bago at matapos hawakan ang imahe upang maiwasan ang posibleng hawahan ng virus at iba pang karamdaman.
Pista ng Poong Nazareno, kinilala na ng Vatican
Inanunsiyo ni Quiapo Church Rector at Parish Priest Rev. Fr. Rufino Secson Jr na ang ngayong taong pagdiriwang sa Poong Hesus Nazareno tuwing Enero 9 ay kinilala na ng Vatican bilang national feast para sa bansang Pilipinas.
Ayon kay Fr. Secson, sila ay nagpasa sa Vatican ng proposal na gawing nationwide religious event ang pagdiriwang ng Hesus Nazareno. Sinuportahan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang ganitong proposal ng simbahan kaya naman ito ay naaprubahan na agad ng Vatican.
Ang naturang pagdiriwang ay magiging laganap na sa buong Pilipinas at mundo. Ibig-sabihin, sa araw ng Enero 9 ay maaari ng magsagawa ng misa sa iba’t ibang lugar ng bansa na may kinalaman sa paggunita rito. Gayundin ang mga Pilipino sa buong mundo ay maaaring makiisa sa pagdiriwang sa karangalan ng Poong Hesus Nazareno.
Mga paghahanda para maging ligtas at matiwasay ang Traslacion 2025
Ang Philippine Red Cross (PRC) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay naglabas na ng komprehensibong mga plano para sa taunang Traslacion.
Ayon sa PRC, magtatalaga ito ng 1,138 personnel — volunteers at staff mula sa national headquarters at chapters sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan. Itatatalaga ang mga team na ito sa prosesyon ng “Walk of Faith” routemula sa Quirino Grandstand papuntang Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno (Quiapo Church).
Para makapagbigay ng agarang tulong medikal, 17 mga istasyon ng pangunang lunas ang ilalagay sa ruta. Ang mga istasyong ito ay magiging operational mula Enero 7, kasabay ng Pahalik event sa Quirino Grandstand.
Sa Enero 9, lahat ng mga istasyon, kasama ang mga welfare desks, ay may kumpletong mga tao at mga kagamitan na.
Kabilang sa mga medical asset ng PRC ang 18 ambulansya mula sa Metro Manila chapters at 20 ambulansya mula sa Central at Southern Luzon, na naka-standby para sa augmentation. Labindalawang scooter para sa roving medical team ay partikular na idinisenyo upang mag-navigate sa makipot na kalye. Dalawang rescue boat, kasama ang iba pang mahahalagang sasakyan tulad ng rescue truck, fire truck, humvee, at service units, ay magagamit din.
Ang PRC ay magtatayo ng isang emergency field hospital na nagtatampok ng anim na kama na emergency response room para sa menor de edad na paggamot sa sugat at isang 50-bed capacity na ward upang tumanggap ng mga pasyente.
“The Philippine Red Cross is fully prepared for the Traslacion this 2025. All teams and equipment have been positioned since midnight to ensure a smooth and safe operation,” sabi ni PRC Chairman and CEO Richard Gordon.
Samantala, inihayag naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang Philippine National Police (PNP) ay magpapakalat ng 12,168 pulis para mapanatili ang kaayusan at seguridad.
Kasama sa planong panseguridad ng PNP, na binuo sa pakikipagtulungan ng Lungsod ng Maynila at iba pang ahensya, ang pamamahala sa trapiko ng Highway Patrol Group at pinaigting na pagbabantay ng Intelligence at Anti-Cybercrime Groups laban sa mga potensyal na pisikal at digital na banta.
Ang Bureau of Fire Protection ay nasa mataas din na alerto, na naglalagay ng 149 na bumbero at isang dalubhasang pangkat na sinanay upang mahawakan ang mga banta ng kemikal, biyolohikal, radiological at nuclear.
Noong nakaraang taon, mahigit 6.5 milyong deboto ang lumahok sa 5.8 kilometrong prusisyon, na binibigyang-diin ang kultura at espirituwal na kahalagahan ng kaganapan.