Kontrober-siya. May gitling? Bakit?
Walang entri ng salitang kontrobersiya sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) pero may kontrobersyal/kontrobersiyal, na ang ibinigay na kahulugan ay “pinagtatalunan, mapagtatalunan.” (Tinatanggap ang dalawang baybay, ang may letrang I at ang walang I)
Ang paksa natin sa linggong ito ay ang laganap na ngunit kontrobersiyal (samakatwid, pinagtatalunan/mapagtatalunan) na paggamit ng isahang panghalip panao na siya para sa mga hayop at bagay, hindi lamang sa mga tao.
Marami nang gumagamit ng siya sa ganitong mga pagkakataon:
“Masarap siya.”
(Parang bastos, di ba, kung tao ang tinutukoy na siya. Pero mula ito sa isang komersiyal sa TV tungkol sa pamahid/palaman sa tinapay.)
“Bago mo siya pindutin, tiyakin mo munang nakasaksak na ang computer.”
(Ito ang turo ng guro sa kanyang estudyante sa computer.)
“MayniLA, Atin Siya.” (Noong mayor ng Maynila si Lito Atienza, nasa malaking billboard ito sa Quezon Bridge. May diin sa LA dahil iyon ang inisyal ng dating mayor.)
Ayon sa Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos (LKS), ang salitang siya ay isahang panghalip panao sa pangatlong panauhan. Ito ang gamit ng siya na alam ng lahat, maging guro o estudyante ng wikang Filipino. Pero ngayon, marami nang gumagamit ng salitang siya bilang panghalip ng bagay o hayop, hindi lamang tao.
Sa isang pambansang seminar na ginanap maraming taon na ang nakakaraan, naeskandalo ang mga dumalong guro sa Filipino dahil ang isa sa mga tagapagsalita ay gumamit ng napakaraming siya bilang panghalip paa sa mga salitang tulad ng seminar, kumperensiya, libro, pagkain, at iba pa, na karaniwang ginagamitan ng panghalip na ito, hindi siya.
Agad nagreklamo ang mga gurong nakarinig sa panayam na namumutiktik sa siya. Mga halimbawa:
Narito tayo dahil siya (ang kumperensiya) ay makapagdaragdag pa sa ating mayaman nang kaalaman.
Maganda ang venue, di ba? Malamig siya (ang conference hall). Masarap ang pagkain at nakabubusog siya (ang pagkain) sa ating mga tiyan habang binubusog ang ating isip ng makabuluhang mga panayam. Tiyak na siya (ang pagdalo, na galing sa sariling bulsa ng mga guro ang gastos) ay isang katangi-tanging karanasan.
Mga halimbawa lamang ito para ipakita kung paanong ginamit ang siya; hindi ito ang aktwal na pananalita ng kontrobersiyal na tagapanayam/lecturer.
Dahil maraming taon na ang nakalipas mula noon, sa ngayon ay tila hindi na ganoon ka-shocking marinig man nating ginagamit ang siya hindi lamang para sa mga tao. Ang totoo’y napakalaganap na nga.
Tinanong ko noon si Dr. Fe Otanes (SLN), ko-awtor ng Tagalog Reference Grammar kung ano ang opinyon niya sa bagay na ito. Ang kanyang sagot, mismong siya ay gumagamit na rin nito bilang panghalip hindi lamang ng mga tao kundi pati ng mga bagay.
Ito kaya ay impluwensiya ng Ingles sa ating wika? Sa Ingles kasi, hindi puwede ang pangungusap na walang paksa o subject. Sa Ingles, ganito ang pagtatanong: Please taste my spaghetti. Is it delicious? Kailangan ang panghalip na IT na ang tinutukoy ay ang spaghetti.
Pero sa Filipino, hindi na kailangan ang panghalip. Ganito lamang: “Pakitikman ang niluto kong spaghetti. Masarap ba? Maliwanag na ang spaghetti ang pinag-uusapan, kalabisan na ang siya. Gayon man, ganito ang karaniwang maririnig: “Masarap ba siya?” Na sasagutin naman ng: “Oo, masarap siya” sa halip ng mas matipid na dating sagot: “Oo, masarap.”
Ngunit napansin mo ba na hindi lamang bilang panghalip panao ang gamit ng salitang siya? Gamit din ito sa pagbubuo ng ilang salita.
Ano ang pasiya mo? (Desisyon)
Masiyahan (enjoy) kaya ang mga bisita natin sa ating handa?
O, kasiya ba sa iyo ang damit? (Kasukat)
Siyanga? (Totoo ba?)Baka naman binobola mo lang ako.
Siya nawa. (Mangyari sana)
Siya, uuwi na ako. (Parang pagpapaalam, at ang maiiwan ang bahala na muna)
Ipinakikita ng mga halimbawa sa itaas na mahalaga ang pangatlong panauhan sa ating wika, ang siya (na hindi lamang ikaw o ako). Ibig sabihin ba ay mahalaga ang pangatlong panauhan (ang siya) sa kamalayang Pilipino? Kailangan ang malalimang pagsusuri rito. Sa mga halimbawang nabanggit, ibinibigay sa pangatlong panauhan ang kapangyarihang magbigay ng hatol (pasiya), ang maging katulad ng siya, na maging maligaya o kontento (masiyahan), ang maging kasukat (kasiya) o sapat. Ang siyanga ay katumbas ng “Oo nga, talaga.” Ang huli, siya nawa, ay “amen, mangyari sana.”
“Maganda ba ang film na pinanood mo?”
“Oo, maganda.” (Sapat na sana ang sagot na ito, mauunawaan nang ang film ang sinasabing “maganda.” Pero ang karaniwang sagot ay: “Oo, maganda siya.”)
“Gustong-gusto ko ang damit na ito. Bagay na bagay siya sa akin.” (Puwede na ang “Bagay na bagay sa akin” pero isinisingit pa rin ng marami ang siya.)
Dati, sa pasalitang komunikasyon lamang karaniwang matatagpuan ang ganitong gamit ng siya. Ngunit paunti-unti na ring tumatawid ang ganitong paggamit ng siya sa pasulat na komunikasyon. Bagaman, tinatangka pa rin ng marami na makasunod sa tuntunin ng masining na pagsulat.
Isang halimbawa: Mahalaga ang kalikasan sa buhay ng tao. Pangalagaan natin siya. Sa kanya galing ang tinatamasa nating kagandahan ng kapaligiran.
May kaunti pa ring pagkakaiba ang anyo ng pasalita at pasulat na komunikasyon. Lalo na kung artikulong pang-journal ang inihahanda, kailangang sunod sa mga tuntunin ng gramatika at pili ang bokabularyo, kaya hindi gayon karami ang paggamit ng siya bilang pamalit sa mga bagay.
O, siya, hanggang dito na lang muna. Kitakits sa susunod.