30.2 C
Manila
Linggo, Mayo 11, 2025

Kawalan ng anti-drone tech sa airports at ilang establisyimento sa gobyerno, ikinabahala ni Tulfo!

- Advertisement -
- Advertisement -

IKINABAHALA ni Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo ang kawalan ng anti-drone technology sa mga paliparan at iba pang kritikal na mga establisyemento ng gobyerno sa bansa.

Larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines

Sa hearing ng komite nitong Feb. 11, inamin ni Capt. Ian Michael del Castillo mula sa Flight Operations Department ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na wala pa rin silang ipinapatupad na counter-drone measures sa bansa dahil na rin sa kamahalan ng subscription para dito.

Binigyang-diin ni Sen. Idol na posibleng maging seryosong banta ito sa ating national security lalo pa’t malaya ang sinuman na makabili at makapagpalipad ng drones sa Pilipinas dahil na rin sa maluwag na regulasyon.

Dagdag pa ni Sen. Raffy, maaaring magamit sa terorismo ang drones dahil pwede itong kargahan ng high explosive bombs at ibangga sa mga eroplano o dili kaya ay ibagsak sa matataong lugar. Gayundin ang posibilidad na magamit ang drones para puntiryahin ang mga kampo o vital military installations ng AFP at PNP.

Ayon kay Capt. Castillo, wala raw expertise ang CAAP sa ganitong mga bagay at pang-civil aviation lang daw sila. Hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa rin daw nila ang pagkuha ng isang anti-drone technology solution na aabutin daw ng $1M USD ang subscription o tinatayang ?58M kada buwan.

Dito ay nag-init ang ulo ni Sen. Idol dahil lumalabas na dahil namahalan ang CAAP sa gastusin ay hindi na ito nag-iisip ng paraan para protektahan ang buhay ng milyon-milyong pasahero at mga sibilyan na maaring maapektuhan kapag nagamit ng masamang loob ang drones.

Kinontra naman ni Billy Pascua, isang eksperto sa anti-drone solutions, ang pahayag ni Castillo at sinabing may mura at epektibong paraan pa rin naman para magkaroon ng anti-drone measures sa airports gaya ng paggamit ng mga highly trained-birds na talagang sinanay para humabol at magpabagsak ng drones.

Sinang-ayunan ito ni Sen. Raffy at sinabing base sa kanyang pananaliksik ay gumagamit na nga rin ng mga agila ang mga bansang Netherlands at France. Dagdag pa ni Pascua, ginagamit na rin ang naturang low-cost approach sa mga paliparan sa Ireland.

Iminungkahi naman ni Sen. Tulfo na pag-aralan ng CAAP ang posibilidad na pag-obliga sa commercial airline companies ng kontribusyon para masubsidize ang kukuhaning anti-drone solution dahil ang mga eroplano rin naman nila ang layon nitong maprotektahan.

Nangako si Sen. Idol na tututukan niya ang aksyon ng CAAP hanggang sa magkaroon na ito ng kongkretong solusyon para magpatupad ng epektibong counter-drone measures at mapagtibay ang mga regulasyon para sa responsableng paggamit ng drones sa bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -