NILAGDAAN ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma ang Department Order (DO) No. 249, series of 2025, noong February 7, 2025. Inamyendahan ng nasabing DO ang Department Order No. 151, series of 2016, na nagsilbing implementing rules and regulation ng Single Entry Approach (SEnA)Program, kung saan gagawing institusyonal ang mandatory conciliation-mediation law o Republic Act 10396.

Naglalaman ang bagong alituntunin ng mga programa na magbibigay ng mabilis, walang kinikilingan, mura, at madaling paraan ng conciliation-mediation para sa mga isyu sa paggawa at trabaho. Sumailalim ang bagong alituntunin sa serye ng pagpupulong at konsultasyon mula sa mga tagapagpatupad na tanggapan ng DOLE at ng mga tripartite stakeholders. Tiniyak ng DOLE na tinutugunan ng mga rebisyon ang mga isyung kaugnay sa implementasyon ng programa at bibigyang-prayoridad ang kalidad ng kasunduan sa bawat Request for Assistance (RFA).
Patuloy na pinalalakas ng DOLE ang conciliation-mediation sa ilalim ng SEnA bilang isang mabilis at epektibong paraan upang malutas ang mga hinaing na nagmumula sa relasyon sa pagitan ng employer at ng kanilang empleyado. Noong 2024, mahigit 83,836 hiling na tulong ang prinoseso ng DOLE, National Conciliation and Mediation Board (NCMB), at National Labor Relations Commission (NLRC). Nagresulta ito sa pagbabayad ng employer ng kabuuang P2.9-B benepisyong-pinansiyal para sa 58,212 manggagawa.
Isinama ng DOLE ang mga probisyon na nagpapahintulot na ihain ang RFA sa pinakamalapit na tanggapan kung saan nakatira ang partido na humihiling ng tulong. Ang opsyong ito, na dating pinakikinabangan lamang ng ilang partido na humihiling ng tulong, ay iaalok na ngayon sa lahat ng taong nangangailangan ng tulong sa paglutas ng mga isyu sa lugar-paggawa. Inilatag ang mga alituntunin sa pagtugon sa mga RFA na kinasasangkutan ng mga contractor o subcontractor, platform at gig workers, at iba pang non-standard form ng work arrangement, kung saan binibigyang pagkilala ang tumataas nilang bilang sa mundo ng paggawa.
Inamyendahan din ang probisyon sa representasyon at isinama ang iba’t ibang kondisyon kung saan ang mga partidong humihiling ay maaaring pahintulutan ang kanilang kinatawan na mag-sumite para sa kanila. Inaalis ng rebisyon na ito ay maging ‘exclusionary’. Nakasaad sa patakaran ang mga kinakailangan para sa pagbibigay ng awtorisasyon upang mapangalagaan ang pagiging patas ng programa.
Tampok din sa patakaran ang online processing sa pangangasiwa ng mga isinumiteng RFA. Sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, gagamitin din ang digital na pamamaraan sa paghahain at pagsasagawa ng kumperensya, at dahil dito mas mapapalawig ang serbisyo ng DOLE sa mas maraming stakeholder at makapagbibigay ng angkop na tulong sa kanilang mga suliranin na nagmula sa relasyon ng employer at kanilang empleyado.
Ang paggamit ng online processing sa conciliation-mediation ay naaayon din sa inisyatiba ng DOLE na pagsamahin ang iba’t ibang sistema ng mga tanggapan at ahensya nito sa pamamahala sa pagresolba ng mga kaso ng hindi pagkakaunawaan. Sa pamamagitan ng bagong teknolohiya, nagkaroon ito ng kakayahang makapagbigay ng bagong pamamaraan na magsagawa ng kumperensiya anuman ang lokasyon. Binago ng virtual meeting platform ang pamamaraan ng komunikasyon at pangangasiwa ng mga hindi pagkakaintindihan.
Ang lahat ng ito ay Isinaalang-alang at isinama sa bagong inilunsad na online system para sa SEnA, ang DOLE Assistance for Request Management System (ARMS). Ang DOLE ARMS ang unang yugto ng Integrated Case Management System (ICMS) ng DOLE at pagsasamahin nito ang pagtanggap at pag-monitor ng mga RFA na inihain sa buong bansa.
Sa usapin ng accessibility, maaaring gamitin ang DOLE ARMS anumang oras at lugar para sa sinumang gustong makatanggap ng programa. Sinisikap ng DOLE ARMS na tugunan ang mga isyu sa pagpapatupad ng programa tulad ng decentralized database, duplicate at multiple filing, hindi pormal na referral system, at manu-manong pagbuo ng mga report.
Layunin sa mga pagbabagong ginawa sa alituntunin ng SEnA na tuparin ang mandato ng DOLE na itaguyod at panatilihin ang kapayapaan sa industriya. Nakatuon ang programa ng SEnA upang gamitin ang conciliation-mediation sa pag-aayos ng mga hindi-pagkakaunawaan sa pagitan ng employer at ng kanilang empleyado.
Magiging epektibo ang Department Order No. 249, series of 2025, 15 araw matapos itong mailathala sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon o Official Gazette. Mababasa ang buong teksto ng kautusan sa opisyal na website ng DOLE sa www.dole.gov.ph.