INILABAS ng Department of Budget and Management (DBM) ang Circular Letter No. 2025-3 na nagtatakda ng mga guidelines o panuntunan sa pagbuo ng mga tanggapan, hiring ng mga tauhan, at paglalaan ng pondo para matiyak ang maayos na operasyon ng Negros Island Region (NIR).
Ito ay batay sa Seksyon 4 ng Republic Act (RA) No. 12000 o NIR Act, na nagmamandato sa pagtatayo ng regional office ng ilang mga kagawaran/ahensya upang mapabuti ang serbisyo ng gobyerno sa nasabing bagong-likhang rehiyon.
“With the NIR Act designed to speed up public service delivery in the local community, the DBM ensures its success by providing clear guidelines on how offices should be organized and operated effectively,” paliwanag ni DBM Secretary Amenah “Mina” Pangandaman.
Alinsunod sa Seksyon 4 ng Republic Act No. 12000, magkakaroon sa Negros Occidental ng mga tanggapan ng gobyerno na may kaugnayan sa agrikultura, lupa, peace and order, seguridad, at pamamahala. Samantala, nasa Negros Oriental naman ang mga tanggapan na nakatuon sa human development, imprastraktura, at industriya at paggawa.
Ang pondo para sa pang araw-araw na operasyon at pangangailangan sa imprastruktura ng mga tanggapan ng NIR ay manggagaling sa mga existing budgets ng mga kinauukulang kagawaran sa Rehiyon VI at VII. Maaari ring maglaan ng karagdagang pondo ang mga ahensya kung kinakailangan.
Nakasaad rin sa Circular ang mga mekanismo sa pagtatatag ng organizational structure at staffing pattern sa mga tanggapan ng NIR, kabilang ang paglilipat o pag-detail ng mga kasalukuyang kawani, pagtatalaga ng interim heads, at procedures sa pagpuno ng mga natitirang posisyon. Gayunpaman, dahil sa darating na 2025 National and Local Elections, ang lahat ng staffing actions at personnel movements ay susunod sa mga probisyon ng Omnibus Election Code.
Naipasa bilang batas noong Hunyo 11, 2024, ang NIR Act ay nag-uugnay sa mga lalawigan ng Siquijor, Negros Oriental, at Negros Occidental, upang itaguyod ang decentralized na administrasyon, palakasin ang local autonomy, at pabilisin ang economic, cultural, at social development. Sinusuportahan din ng batas ang istilo ng pamamahala sa ilalim ng Bagong Pilipinas, na binibigyang-prayoridad ang pagkakaroon ng ingklusibo at pangmatagalang kaunlaran sa buong Pilipinas.