27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Hindi ka nag-iisa, at iba pang mga salitang nagpapagunita sa EDSA 1

WIKA NGA 

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI ka nag-iisa. Tama na. Sobra na. Palitan na. Now na. Marcos pa rin.

Parang kahapon lamang, 39 na taon na pala ang lumipas mula noong 1986, nang mapatalsik ang diktadurang Marcos sa pamamagitan ng mapayapang People Power Revolution.

Kahapon, Pebrero 25, 2025, ginunita ng buong bansa ang ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power, na naganap noong Pebrero 25, 1986. Nagsimula ito Pebrero 22 at natapos nang biglang itakas ng Amerika ang pamilya Marcos noong Pebrero 25, 1986. Lakas ng nagkaisang sambayanan na nagtipon-tipon sa EDSA at humarap sa mga tangke, helicopter at baril ang nagwakas sa diktadura. Naging inspirasyon ito ng awit na naging simbolo ng EDSA 1, ang “Handog ng Pilipino sa Mundo” ng Apo Hiking Society.

Narito ang bahagi ng awit: “Di na ‘ko papayag mawala kang muli/Di na ‘ko papayag na muling mabawi/Ating kalayaang kay tagal na nating mithi/Di na papayagang mabawi muli.”

Pansinin natin ang salitang mabawi: nangangahulugan itong kunin uli ang isang bagay na naibigay na. Ang tinutukoy rito ay ang kalayaan. Ibig bang sabihin ay ibinigay ito sa atin pero hindi na tayo  papayag na kunin (bawiin) ito ng nagbigay? Kontra ito sa konsepto na likas ang kalayaan sa bawat tao at bansa, kaya hindi maaaring ibigay ng sino man. Mali  ang turo sa atin sa mga paaralan na “ibinigay” ng Amerika ang kalayaan sa atin noong Hulyo 4, 1946. Dahil atin, likas sa atin, ang maging malaya, inagaw lamang ng bansang ito ang ating kalayaan. Kaya ang angkop na salitang dapat gamitin ay kinilala ng Amerika ang ating kalayaan. Kailangan nating gumamit ng tamang pananalita sa ating kasaysayan upang maging wasto ang isip ng ating kabataan.


Isa, nag-iisa, makaisa, maisahan, magkaisa

Hindi ka nag-iisa ang mga salitang laging nababasa noon kaugnay ng pagkapaslang kay Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983. Mula sa isa, makabubuo ang iba’t ibang salita: nag-iisa (walang kasama), makaisa (makalamang o makapagsamantala sa kapwa), maisahan (malamangan ang kapwa), magkaisa (maging iisa sa isip at kilos ang maraming tao). Sabi nga sa nabanggit na awit: “Handog ng Pilipino sa mundo/Mapayapang paraang pagbabago/Katotohanan, kalayaan, katarungan/Ay kayang makamit nang walang dahas/Basta’t magkaisa tayong lahat.”

Naisahan tayo noon (nabudol na ang ginagamit ngayon) pero dahil nagkaisa ang mga tao, napatalsik ang pamilyang nang-isa sa atin.

At gayon nga ang nangyari. Nagkaisa ang mga Pilipino na wakasan ang paghahari ng mga Marcos. Ngayon, 39 taon makaraan ang makasaysayang People Power Revolution, muling nagkaisa ang mga Pilipino na magdeklara ng holiday sa araw na ito para magtipon-tipon uli sa EDSA Shrine at sa People Power Monument, para gunitain, at pahalagahan ang araw na ito. Ang makasaysayang pangyayari 39 taon na ang nakalipas na ang kahalagahan ay gustong kalimutan ng kasalukuyan.

- Advertisement -

Tama na, sobra na

Tama na. Sobra na. Palitan na. Ito ang slogan noon ng dating pangulong Corazon Aquino nang kumandidato sa pagkapangulo noong 1986.

Wasto, tumpak, sapat, korek – Ito ang kahulugan ng tama. Pero kapag may kasunod itong inklitik na NA, hindi na wasto o korek ang kahulugan kundi – itigil na, huwag nang ituloy; sa Ingles, “enough is enough.” At kapag naman, “May tama siya,” iba na rin ang sinasabi. Maaaring may “mali” sa kanya, may droga, may sayad. Kaya magkaiba ng kahulugan ang “Tama” at “May tama.” Binabaligtad din ang salitang ito – amats – na iyon din ang kahulugan.

Maraming taon na ang lumipas mula noon. Pero noong rehimeng Duterte, at kahit hanggang ngayon, muling binibigkas ng ating mga kababayan ang dating slogan, kaugnay naman ng tatlong K, kahirapan, korapsyon, kawalang pananagutan. Parang walang nagbago, napalitan lamang ang mga namumuno, 39 taon na ang nakararaan. Patuloy pa ring naghihirap ang nakararaming mamamayan, bagsak ang ekonomiya, lugmok ang edukasyon.

At ang malala, hindi na alam ng mga kabataan ang mga nangyari sa EDSA 1 – kung paanong dinakila ng buong mundo ang mga Pilipino sapagkat naibalik ang demokrasya dahil sa pagkakaisa. Hindi na rin alam ng mga kabataan ang kalupitang pinagdaanan ng ating bansa noong Batas Militar.

Isabuhay ang diwa ng EDSA

- Advertisement -

Ito ang bagong panawagan ngayon. Himayin natin ang salita. Nabuo ito sa pamamagitan ng salitang ugat na buhay at mga panlaping i- at sa-. Hindi nababanggit sa ating mga aklat ng gramatika ang sa bilang panlapi, ngunit ang totoo, maraming salitang nabubuo na may sa-. Nangangahulugan itong gawin ang isinasaad ng salitang ugat. Samakatwid, gawing bahagi ng buhay ang diwa ng Edsa, ang diwa ng pagkakaisa, sama-samang pagharap at paglutas sa mga problemang panlipunan.

Alaala, gunita, memorya

Magagawa ito kung gugunitain tuwina ang diwa ng pagkakaisa na naipagtagumpay noon. Huwag kalimutan ang mga naisagawa na.

Ano kaya ang kulang sa atin bilang bansa? Bakit bumabalik ang mga dating kalakaran gayong nagtagumpay na tayo noon sa EDSA 1? May kulang kaya sa ating sistema ng edukasyon? May kulang kaya sa ating mga kurikulum? Ang solusyon ng ating mga mambabatas sa bumababang kalidad ng edukasyon – alisin ang Filipino at panitikan, alisin ang kasaysayan sa hayskul at kolehiyo, ibalik ang English bilang tanging wikang panturo.

Mahalaga ang edukasyon sa loob ng paaralan, ngunit hindi sa paaralan lamang natututo ang mga bata. Mahalaga rin ang edukasyon sa labas ng iskul, sa bahay, sa kalye. Sa harap ng lahat ng ito, ano ang magagawa ng karaniwang mamamayan upang hindi ganap na mawala ang nakaraan, upang manatili at hindi makalimutan ang ating kasaysayan? Mahalaga ang alaala. Ito ang magpapanatili sa ating isip kung ano ang totoong nangyari na. Laging gunitain ang nakaraan, at ibahagi ito sa nakababatang henerasyon. Hindi katwiran na hindi pa tayo ipinanganak noong maganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kaya hindi natin alam ang kalupitan ng mga sundalong Hapon sa ating mga magulang. Magkuwento sa mga bata, ibahagi sa kanila ang ating mga karanasan. Panatilihin sa gunita ang mga pangyayari. Sa ganyang paraan, hindi mabubura ang kasaysayan at matututo tayo sa mga aral ng nakaraan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -