HANGAD ng World Health Organization (WHO) na hindi na maikonsider ang mga epidemya ng sexually transmitted infections (STIs) bilang malaking banta sa kalusugan ng publiko pagsapit ng 2030. Bilang isa sa apat na pangunahing non-viral at nagagamot na STIs, ang trichomoniasis ay patuloy na lumalaganap, kung saan 156 milyon mula sa 376 milyong tao na may edad 15–49 ang naapektuhan noong 2016. Dahil 70–85% ng may trichomoniasis ay walang nararamdamang sintomas, mahalagang magkaroon ng mabilis, eksakto, at abot-kayang paraan para matukoy ang Trichomonas vaginalis, ang parasite na nagdudulot ng impeksyon.

Si Dr. Christine Aubrey Justo at Dr. Windell Rivera mula sa Institute of Biology ng University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS IB), kasama ang mga kasamahan nila mula sa Spain, Belgium, at Democratic Republic of the Congo, ay nakabuo ng alternatibong paraan para matukoy ang T. vaginalis. Sa halip na gumamit ng antibodies, ginamit nila ang aptamers—mga maiikling DNA strands na may kakayahang bumuo ng 3D na hugis at dumikit sa partikular na target, sa kasong ito, mga protinang konektado sa T. vaginalis.
“In this research, we conducted a series of sandwich enzyme-linked aptamer-based assays (ELAAs) to determine which of the ten aptamers that were previously selected in another study, can be paired to detect low concentrations of the parasite,” paliwanag ni Dr. Justo. Ang sandwich ELAA ay isang multi-step process na kayang suriin ang maraming samples nang sabay-sabay. Base sa resulta ng kanilang pag-aaral, nakita nilang ang kombinasyon ng isang maikling aptamer (A1_14mer) at isang mahabang aptamer (A6) ay maaaring gamitin sa prosesong ito para matukoy ang T. vaginalis sa clinical samples. Dahil dito, maaari na ngayong i-adapt ng researchers ang sandwich ELAA para makabuo ng mas abot-kaya, madaling gamitin, at mabilis na tests para sa detection ng parasite. “With the flexible and amplifiable nature of aptamers (unlike antibodies), many more aptamer-based POCTs for trichomoniasis can be created. However, funding and attention to trichomoniasis is very limited. Additional financial and clinical partners are needed before we can start implementing them in healthcare units,” pagtatapos ni Dr. Justo.
Gamit ang kaalamang nakuha mula sa sandwich ELAA study, maaaring makabuo ng iba’t ibang aptamer-based tests para punan ang kakulangan sa murang at mabilis na tests para sa trichomoniasis—isang research priority ng WHO para sa STIs. Ang pagkakaroon ng access sa mabilis at abot-kayang tests para sa T. vaginalis ay makakatulong sa mas maayos na pagtukoy ng epekto ng trichomoniasis at sa pagbuo ng epektibong mga estratehiya para mapigilan ang pagkalat nito, mapamahalaan ang mga komplikasyon, at magamot ang impeksyon.
Ang kanilang research paper na may pamagat na “Sandwich Enzyme-Linked Aptamer-Based Assay for the Detection of Trichomonas vaginalis” ay na-publish sa international journal na Analytical Biochemistry: Methods in the Biological Sciences. Ang journal na ito ay naglalathala ng siyentipikong pag-aaral tungkol sa iba’t ibang pamamaraan sa larangan ng biology, kabilang ang biochemistry, molecular genetics, cell biology, proteomics, immunology, at bioinformatics. Eunice Jean C. Patron,