IPINALIWANAG ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Sabado ang kahalagahan ng patas na proseso sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Aniya, hindi ito tungkol sa politika kundi sa pagpapanatili ng hustisya at pagsunod sa batas.
“Ang tama ay tama, at ang mali ay mali,” wika ni Cayetano sa isang Facebook Live nitong March 15, 2025.
“‘Pag tama ang ginagawa ng gobyerno, I not only agree but support. Pero ‘pag mali, I try to do my best na iparating that we can do it better,” dagdag niya.
Binigyang diin ng senador na ang pangambang dulot ng proseso ng ICC ay maaaring makaapekto hindi lang kay Duterte kundi pati sa iba pang opisyal ng gobyerno.
“Can you imagine if they issue a warrant tapos bigla na lang you don’t have a remedy of going to court? Biglang 20 generals, 20 lieutenants, 50 colonels, at ilang Secretary ng gobyerno ang biglang dadalhin doon. That’s a possibility,” wika niya.
Pinuna rin niya ang kakulangan ng sapat na panahon para maipagtanggol ni Duterte ang kanyang sarili sa harap ng korte.
“He did not have a chance to confront his witnesses, the witnesses against him. He does not know when he got there, kung ano ang kaso, at ano ang mga evidence,” wika niya.
Hinimok din ng senador ang mga Pilipino na maging mapanuri at ipaglaban ang due process at soberanya ng bansa, hindi lang dahil sa isang personalidad kundi para sa lahat ng mamamayan.
“The more we show them na better ang human rights sa Pilipinas, better ang case natin na mali na isinakay na lang siya sa eroplano at dinala doon [sa Netherlands],” wika niya.
“This is such a big injustice — not to him but to the Filipino people,” dagdag niya.
Senado dapat ipagtanggol ang due process sa gitna ng ICC warrant issue
Iginiit din ni Sen Cayetano nitong Biyernes ang papel ng Senado bilang tagapagtanggol ng legal na karapatan at angkop na proseso o due process sa gitna ng usapin hinggil sa warrant ng ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam nitong March 14, 2025, binigyang diin ni Cayetano na dapat panatilihin ng Senado ang integridad nito habang sinisiguro na nasusunod ang mga legal na proseso.
Nagbabala rin siya laban sa anumang hakbang na maaaring magdulot ng constitutional crisis, lalo na’t patuloy pa ring pinagtatalunan ang hurisdiksyon ng ICC sa bansa.
“You know my personal stand — I’m avoiding politics, I’m avoiding partisanship. But y’ung pinaka-basic is due process and being able to seek legal remedies,” wika niya.
Ipinaliwanag ni Cayetano na bago maisakatuparan ang anumang foreign warrant sa Pilipinas, kinakailangan muna itong dumaan at mapagtibay sa lokal na hukuman, alinsunod sa 1987 Constitution at mga umiiral na batas.
Pinuna rin niya kung paano ipatutupad ang ICC warrant, at iginiit na dapat munang desisyunan ng korte sa Pilipinas ang anumang hakbang bago pa man dakpin ang isang indibidwal at ipadala sa ibang bansa.
“Can they just come here, get a warrant, hulihin mo, at isakay mo sa eroplano?” wika niya.
“My view is no, you bring the warrant to the DOJ or the police, they bring it to court, the court validates it, and upon validation our court orders his arrest based on that foreign warrant of arrest and based on the treaty,” dagdag niya.
Higit pa sa isyu ng ICC, binigyang diin din ni Cayetano ang mas malawak na papel ng Senado sa pagtatanggol sa mga karapatan ayon sa Konstitusyon at sa pagpapatupad ng patas na legal na proseso.
Aniya, dapat pantay ang aplikasyon ng batas anuman ang partidong kinabibilangan ng isang tao. Nanawagan din siya para sa isang makatarungan at balanseng pagharap sa mga legal na usapin.
“The Senate’s role is not to favor one political side or another. It is to uphold what is right. If we allow shortcuts now, it could set a dangerous precedent for any Filipino in the future,” wika niya.
Habang nagpapatuloy ang diskusyon sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas, hinimok ni Cayetano ang Korte Suprema na magbigay ng malinaw na gabay upang matukoy ang tamang legal na hakbang ng bansa.
“It’s the confusion that’s the killer. The Supreme Court’s guidance will be crucial so we all know the proper course of action,” wika niya.