KAMAKAILAN ay tinanghal na awardee si Dr. Brent Viray sa 2004 The Outstanding Young Men (TOYM), isang prestiyosong pagkilala na iginagawad sa Pilipinong edad 40 pababa na may mahalagang kontribusyon sa lipunan. Kinilala siya sa larang ng Rural Medicine at Surgery. Ilang taon na ang nakararaan mula nang personal kong makilala si Dr. Viray sa isang book signing event sa Manila International Book Fair. Sinadya niya akong puntahan sa booth kung saan idinaraos ang isang ‘meet and greet’ sa mga book fair visitors at book readers.

Kalalathala lamang noon ng kanyang aklat – isang memoir o aklat-gunita – tungkol sa kanyang pinagdaanan nang siya ay sumuong sa sakit na stroke. Pinamagatang ‘The Person with tHis Ability’ (Rehabilitation from Prehabilitation), ang naturang aklat ay tumalakay sa ‘pambihirang kakayahan na tinataglay ng isang tao upang malampasan ang anumang pagsubok.’ Paano nga ba kung ang manggagamot mismo ang naging pasyente? Paano ba haharapin ng isang tao, lalo na ng kagaya niyang mediko, ang karamdamang dumapo sa kanya?

Nagkita kami ni Dr. Joti Tabula, ang internist na isa ring book publisher, sa katatapos na Philippine Book Festival sa SM Megamall. Binigyan niya ako ng kopya ng aklat na ito na inilathala mismo ng kanyang publishing house na Alubat Publishing noong 2022. “Maganda ang aklat na ito. Tiyak na magugustuhan mo. Inspirational,” aniya. Naisip ko, bihira nga ang aklat ng memoir na tumatalakay sa pagkakasakit, rehabilitation, at recovery, dito sa Pilipinas.

Nagsasanay daw noon si Dr. Brent Viray bilang resident physician sa field ng General Surgery sa Philippine General Hospital (PGH). Hindi niya inaasahang magkaroon siya ng hemorrhagic stroke sa kalagitnaan ng pandemyang Covid-19. Sa isang iglap, ang doktor na lagi nating iniisip na may kontrol sa mga payenteng may karamdaman ang naging pasyente. Sa halip na siya ang may hawak ng stethoscope at iskalpel, siya na ang kailangang sumuong sa operasyon. Siya na ang ginagamitan ng istetoskop at iskalpel. Nabaligtad ang papel ng doktor at pasyente. Nalampasan kaya niya ito?
Sa kanyang introduksiyon sa aklat, binanggit niya na halos sukuan na siya ng pag-asa. Pakiramdam daw niya ay maaari na siyang mamatay noon. Pero kumapit siyang maigi sa kanyang pananampalataya na itatawid siya ng Panginoon. Kapag nasa sitwasyon tayong ganito, kakapitan natin ang kahit katiting na pag-asa. Nang nasa stretcher na siya patungo sa Operating Room, nausal niya ang ganito: ‘Your will be done, Lord.’
May ibang plano ang Panginoon kay Dr. Viray. Gumaling siya sa naturang karamdaman at naka-recover. Oo, sumuong siya sa rehabilitation, gaya ng ibang pasyenteng sumuong din sa stroke. Ninais niyang isulat ang aklat na ito bilang dokumentasyon ng kaniyang sinuong mula sa pagkakasakit at muling pagbangon mula rito.

Noong una raw, ang kuwentong ito ay nais niyang isulat bilang case report. Pero naisip niya na kung ganoon daw, ang kuwento niya ay mababasa lamang ng mga taong nasa akademya at mga mananaliksik. Nais niyang makaabot sa marami ang kaniyang kuwento upang magsilbing paalala na posibleng malampasan ang ano mang pagsubok sa kalusugan at pangangatawan.
Sabi pa ni Dr. Viray, “this is a story of hope, being relentless and limitless in transcending adversities. This book will tell my remarkable persistence to be a high-functioning and responsible member of society, and as a father, husband, friend, doctor, researcher, and public health practitioner… You are as much a person with tHis ability as I am.”
Hindi madali ang ginawang detalyadong paglalahad ni Dr. Viray ng kanyang sinuong na karamdaman. Madalas, mas gusto ng nakararaming may karamdaman na hindi na ito pag-usapan pa o di kaya’y ilihim, lalo na nga kung doktor mismo ang nakaranas nito. Pero naging bukas ang loob ni Dr. Viray na pag-usapan ito sa pamamagitan ng kanyang memoir. Sa kanyang ginawang pagbabahagi, inaasahan niyang ang mga taong makababasa nito ay magkakaroon ng panibagong pag-asa. Makatutulong ang aklat sa paghilom ng ano mang dinaramdam sa katawan.
Maibibilang na isang materyal para sa bibliotherapy ang nasabing aklat. Sa bibliotherapy, o ang ‘healing through books and stories,’ gumagamit tayo ng mga salaysay at aklat upang makatulong sa paghilom ng mga may dinaramdam, pisikal man o emosyonal. Kapag naka-identify ang mambabasa sa tauhang binabasa sa aklat/kuwento, at nakita nitong nakaigpaw ang tauhan sa dinaanang pagsubok, nakikita ng mambabasa na kaya rin niyang malampasan ang kanyang kondisyong pinagdaraanan. Ganoon ang layon ni Dr. Viray sa kanyang aklat – ang ma-empower ang mga mambabasa na makaigpaw mula sa kanilang medical condition sa pamamagitan ng halimbawang ipinakita niya.
Sa bahaging extro ng aklat, ganito ang iniwang mensahe ni Dr. Brent Viray: “Prehabilitation is a modifiable phase based on the motivation of the patient. I urge you to consider this tested albeit unsolicited advice to modify your lives and become more resilient to life’s endless challenges. Prehabilitation is preparing onself to have a better fighting chance in life. You are a person with ‘tHis ability.’ Harness your instrinsic potential of fortitude, persistence, and resilience to become unbreakable in the inevitable onslaught of the future.” Napakagandang paalala nito mula kay Dr. Viray.
Sa loob ng 90 pahina ng naturang aklat ay makapupulot tayo ng inspirasyon sa kanyang mga salaysay. Kung may panahon tayong magbasa ng mga nobela, kuwento, at iba pang literary books, maipapayo kong isama ninyo ang librong ito ng mga ‘personal na salaysay’ sa kung paano patatagin ang sarili sa gitna (at matapos) ng pagkakasakit. Ngayong paparating ang Semana Santa at ang lahat ay pansamantalang mamamahinga, isa itong aklat na magandang basahin at pagnilayan.
“By serendipity, stroke does the right thing,” pagbabahagi pa ni Dr. Brent Viray.
Habang umaakyat sa entablado si Dr. Viray sa Conrad Hotel upang magbigay ng acceptance speech matapos na parangalan sila ng TOYM Foundation bilang isa sa ‘The Outstanding Young Men’ ng bansa nitong Pebrero 27, malakas ang aking pagpalakpak. Nandun ang lubos na paghanga sa isang kapwa-manggagamot at kapwa-manunulat. Sa isip-isip ko, hihintayin ko pa ang iba pa niyang isusulat na aklat tungkol sa kanyang karanasan bilang siruhanong may puso para sa mga mahihirap nating kababayan.
Nagtapos si Dr. Viray ng Medisina sa UP College of Medicine noong 2012 at naging kabahagi ng Doctors-To-The-Barrio (DTTB) program ng Department of Health. Bukod sa kaniyang adbokasiya sa Surgical Heath, isa rin siyang propesor sa medical school, at clinical research mentor sa mga doktor na nagpapakadalubhasa sa General Surgery.
(Sa mga nais bumili ng aklat, maaaring kumontak sa: Alubat Publishing FB Page @alubat publishing; o sa Lazada: Alubat Publishing https://s.lazada.com.ph/s.qtRSZ; o sa email na [email protected])