33.8 C
Manila
Miyerkules, Abril 30, 2025

Krisis sa gutom, paano tutugunan?

- Advertisement -
- Advertisement -

SA patuloy na paglaki at paglobo ng bilang ng mga nagugutom sa Pilipinas, lalung-lalo na ang mga kababaihan at mga bata, nanawagan ang Gabriela Women’s Party sa gobyerno na magpatupad ng mga konkretong hakbang upang matugunan ang krisis sa gutom.

Larawan mula sa files ng The Manila Times

Base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Marso 2025, tinatayang 27.2% ng mga pamilyang Pilipino o humigit-kumulang 7.5 milyong pamilya ay nakaranas ng “involuntary hunger” o hindi inaasahang gutom.

Ayon din sa ulat ng Ibon Foundation, dumoble ang nakaranas ng “involuntary hunger” sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula 11.6 porsiyento o 2.9 milyong pamilya noong Hunyo 2022 sa 27.2 porsiyento o 7.5 milyong pamilya nitong Marso ng kasalukuyang taon.

Tahasang sinabi ni Rep. Arlene Brosas na ang mataas na bilang ng mga nagugutom ay resulta ng mga anti-poor economic policies ng administrasyon, na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng malnutrisyon at paghihirap sa mga pook na mahihirap.

Ayon sa pahayag ng Gabriela Party-List, “Ang tumataas na hunger rate na 27.2% ay nangangahulugang milyon-milyong pamilya, partikular na ang mga kababaihan at mga bata, ay natutulog nang gutom. Ito ay isang malinaw na indikasyon ng kakulangan ng sapat na suporta para sa mga mahihirap mula sa gobyerno,” wika ni Brosas sa isang press release nitong Marso 2025.


Ang SWS Survey at mga epekto ng gutom sa mga pamilya

Batay sa pinakahuling SWS survey na isinagawa mula Disyembre 12 hanggang 18, 2024, ang bilang ng mga nagugutom ay umabot sa 25.9% ng mga pamilyang Pilipino, tumaas mula sa 22.9% noong Setyembre 2024. Ayon sa SWS, ang “severe hunger” ay umabot sa 7.2% ng mga pamilya, samantalang ang moderate hunger ay nararanasan ng 18.7% ng mga pamilyang Pilipino.

Ayon sa SWS, ang “involuntary hunger” ay tumutukoy sa estado ng pagiging gutom at kawalan ng pagkain. Isa itong seryosong isyu ng kalusugan na dapat tugunan sa lalong madaling panahon. Sa mga pook na may mataas na antas ng kahirapan, tumataas ang panganib ng malnutrisyon at iba pang kondisyon na nakaaapekto sa kalusugan ng mga bata.

Samantala, ang “severe hunger” ay tumutukoy sa mga pamilya na nakakaranas ng gutom “madalas” o “palagi” sa nakaraang tatlong buwan, samantalang ang “moderate hunger” ay nararanasan ng mga pamilya na nakaranas ng gutom “ilang beses” o “minsan lamang” sa parehong panahon.

- Advertisement -

Ayon sa survey, 6.2 porsiyento ang nakaranas ng severe hunger (laging gutom) at 21.0 porsiyento ang nakaranas ng moderate hunger (isang beses nagutom o ilang beses sa huling tatlong buwan).

Tumaas ang bilang ng mga nagutom sa lahat ng rehiyon maliban sa Metro Manila. Pinakamataas na bilang sa Visayas mula 20.0 porsiyento sa 33.7 porsiyento. Samantala, tumaas sa Luzon mula 19.1 porsiyento sa 24.0 porsiyento samantalang tumaas din sa Mindanao mula 23.3 porsiyento  sa 27.3 porsiyento.

Pagsubok sa kababaihan at mga bata

Ayon kay Rep. Brosas, ang mga kababaihan ang unang nakararanas ng paghihirap kapag ang pamilya ay walang makain.

“Sila ang unang nagtitiis kapag walang makain ang pamilya. Sila ang pumipila sa mga ayuda at nag-iisip kung paano paghahatiin ang limitadong pondo,” wika ni Brosas sa kanyang pahayag.

Ang mga kababaihan din ang madalas na nagiging tagapamahala ng budget para sa pagkain, kaya’t malaki ang kanilang papel sa pang-araw-araw na pamumuhay ng pamilya.

- Advertisement -

Dagdag pa ni Brosas, “ang gutom ngayon ay nangangahulugang stunted future para sa ating mga anak.” Binanggit niya ang patuloy na paglobo ng child malnutrition sa bansa, at ayon sa World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na rates ng stunting sa Southeast Asia. Kung hindi maagapan ang isyung ito, malaki ang magiging epekto nito sa kalusugan at kaayusan ng mga kabataan sa hinaharap.

Tugon ng gobyerno

Ayon kay Rep. Brosas, hindi sapat ang iniimplementang mga polisiya ng pamahalaan para makinabang ang mga mahihirap. “Habang ipinagmamalaki ng administrasyon ang kanilang mga tagumpay sa ekonomiya, ang mga pamilya ay patuloy na nagsusuffer mula sa matinding kahirapan at gutom,” ani Brosas.

Sa gitna ng mga ulat na ito, pinanindigan ng Department of Agriculture (DA) na walang kakulangan sa supply ng pagkain sa bansa.

“I do not see… a shortage of food. We cannot discount there is hunger, but I think that’s more of economics, not agriculture-related,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kamailan.

“We have almost everything, especially now, March, April, May and June,” dagdag niya, na tinutukoy ang panahon ng pag-aani.

“It was only during the dry season last year when we experienced problems, but under normal circumstances, we have enough supply of everything,” sabi ni Tiu Laurel sa isang panayam matapos siyang mag-inspeksyon kamakailan sa Mega Q-Mart sa Quezon City.

“Trade Secretary Christina Roque and I were just talking with vendors of pork, fish and rice. They said the demand is high as more consumers are buying because of low retail prices, especially rice,” sabi pa niya.

Nitong Pebrero, nagdeklara ang pamahalaan ng food emergeny para makontrol ang presyo ng bigas, na pangunahing pagkain ng mga Pilipino. Sa kaparehong buwan, bumaba ang inflation sa 2.1 porsiyento habang ang presyo ng gulay at bigas ay bumaba.

Makaraan ang isang buwan, noong Marso 7, nagpataw ang DA ng price cap sa baboy sa Metro Manila, subalit nanatiling mababa ang pagsunod ng mga magtitinda isang lingo matapos ipatupad ito.

Rekomendasyon ng Gabriela Party-List

Ang Gabriela Party-List ay isang progresibong partido sa Pilipinas na nakatutok sa pagpapalakas ng boses at karapatan ng mga kababaihan, pati na rin ng mga maralitang sektor sa bansa.

Itinatag noong 2001, layunin ng Gabriela na itaguyod ang mga isyu na may kinalaman sa kababaihan, karapatang pantao, at katarungang panlipunan. Ang pangalan ng partido ay mula kay Gabriela Silang, isang bayaning Pilipina na lumaban sa mga mananakop na Kastila noong panahon ng kolonyalismo.

Bukod sa mga isyu na may kinalaman sa kababaihan, ang Gabriela Party-List ay aktibong nagsusulong ng mga sumusunod na polisiya at hakbang:

  1. Pag-aalis ng VAT sa mga pangunahing pagkain – Ayon kay Gabriela Party-List Rep. Brosas, isa sa mga pangunahing isinusulong ng partido ang pagtanggal ng Value Added Tax (VAT) sa mga pangunahing pagkain tulad ng bigas, gulay, at karne. “Ang pagtanggal ng VAT sa mga pangunahing pagkain ay makakatulong sa pagpapagaan ng buhay ng mga pamilya, lalo na ng mga nasa maralitang sektor,” aniya sa isang pahayag na inilabas ng partido nito lamang huling linggo ng Marso 2025.
  2. Pagtaas ng minimum wage sa P1,200 – Isinusulong din ng Gabriela Party-List ang pagtaas ng minimum wage sa buong bansa upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Ayon kay Brosas, ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa ay hindi na kayang tumugon sa pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino, kaya’t kinakailangan ang P1,200 na minimum wage upang makatawid sa araw-araw na gastusin ng mga pook na mahihirap.
  3. Pagpapalakas ng mga programa para sa malnutrisyon at gutom – Isinusulong din ng Gabriela ang mga programa para mapabuti ang kalagayan ng mga bata sa pamamagitan ng mga hakbang laban sa malnutrisyon. Ayon sa isang SWS survey na inilabas noong Disyembre 2024, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na rates ng stunting sa Southeast Asia, kaya’t binibigyang diin ng Gabriela ang pangangailangan ng agaran at sistematikong solusyon sa problemang ito. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -