29.6 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

‘Joke ba ‘to?’– Sen Pia Cayetano, binanatan ang 18% coverage target ng PhilHealth

- Advertisement -
- Advertisement -

MARIING kinondena ni Senadora Pia Cayetano ang plano ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tanging 18% lamang ng gastusin sa ospital ang sasagutin nito para sa mga miyembro nito sa taong 2025. Tinawag niya itong isang “joke” o biro, at taliwas sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Law na magbigay ng sapat at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng PhilHealth.

Sa ginanap na oral arguments kamakailan sa Korte Suprema tungkol sa paglipat ng sobrang pondo ng PhilHealth sa national treasury, kinuwestiyon ni Associate Justice Jhosep Lopez si PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco, Jr. tungkol sa coverage target ng ahensya. Dito ibinunyag ni Limsiaco na target ng PhilHealth na sagutin ang 18% ng gastusin sa ospital sa 2025, at inaasahang tataas ito sa 28% pagsapit ng 2028.

Hindi naman napigilan ni Senadora Cayetano ang kanyang pagkabigla at pagkabahala sa napakababang target ng PhilHealth. Aniya, paano makatutulong ang ganitong klaseng coverage sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga kapos sa buhay at nasa lower-income bracket? Mula 2014 hanggang 2024, mahigit P534 bilyon ang natanggap na pondo ng PhilHealth mula sa sin tax revenues — kaya’t lalong hindi makatwiran na 18% lang ang kayang sagutin ng ahensya para sa mga pasyente.

“How do you expect the poor, even the middle class, to afford healthcare when PhilHealth only plans to cover 18% [Paano natin aasahan na kayanin ng mahihirap, kahit ng mga nasa middle class, ang magpagamot kung 18% lang ang kayang sagutin ng PhilHealth]?” tanong ng Senadora. “People are already struggling to make ends meet. What more when they face unexpected illness? [Hirap na nga sila sa panggastos pang-araw-araw. Paano pa kapag may nagkasakit sa pamilya]?”

Para ipakita ang epekto ng planong coverage ng PhilHealth, nagbigay ang Senadora ng mga halimbawa.

“Mismong si Justice Lopez, ginawa niyang halimbawa ang sarili niya. Sa sakit niya, inabot siya ng P7 million. Ang sinalo lang ni PhilHealth ay nasa 2 percent,” ibinahagi niya sa kanyang panayam sa Cebu media.

“Another example. May nanay na pumunta sa opisina namin at humingi ng tulong dahil ang baby niyang three months old ay nagkasakit ng pneumonia, nasa ospital. Ang bill nila ay P1 million. Alam niyo kung magkano ang tinulong ng PhilHealth? P25,000. Even assuming na hindi inabot ng P1 million ang bill, kung P100,000 lang. Saan kukuha si nanay ng P75,000?” dagdag niya.

“We can have a thousand hearings, but if PhilHealth doesn’t have the common sense to understand that we must aim for the least out-of-pocket expense for patients, then all these discussions are useless [Pwede tayong magkaroon ng libo-libong pagdinig, pero kung walang common sense ang PhilHealth para unawain na dapat ang layunin ay bawasan ang gastos na lumalabas sa bulsa ng mga pasyente, wala ring silbi ang lahat ng ito],” ani Cayetano, na nagsilbing Chairperson ng Senate Committee on Health sa loob ng siyam na taon at siyang humahawak ng pondo sa kalusugan nitong nakaraang limang taon.

Hinimok ng Senadora ang PhilHealth na muling pag-aralan ang kanilang coverage targets at tiyaking nakahanay ito sa layunin ng UHC Law — na mabigyan ng sapat na serbisyong pangkalusugan ang lahat ng Pilipino, anuman ang katayuan sa buhay, nang hindi sila mababaon sa mga gastusin.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -