28.5 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Infographics 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

MALAKING tulong ang infographics sa pagpapalaganap ng impormasyon at kaalaman sa paraang mas madaling maunawaan ng nakararami. Kadalasan ay limitado lamang ang espasyong nakalaan para sa infographics at ganoon din ang atensyon ng mga mambabasa sa pangkalahatan kaya dapat mapagplanuhan mabuti ang lalamanin, disenyo at estratehiya sa pagbuo nito.  Ang mga sumusunod ay ilang panuntunan at paalala sa konseptwalisasyon at paglikha ng infographics.

  • Tandaan na ang pagbuo ng infographics ay isang uri ng malayuning komunikasyon (persuasive communication). Pangunahing pakay ng bumubuo ng infographics ay ang makapagbigay-alam at makapanghikayat sa pamamagitan ng biswal na paraan (visual communication).
  • Sinsinin ang paraan ng paglalahad dahil ang infographics ayon kay Turner (2021) sa kanyang akdang “10 tips for a great infographic” ay isang porma ng storytelling. Sa partikular, ayon naman kay Hartley (2022), ang infographics ay isang istilo ng visual storytelling.
  • Unawain na ang infographics ay isang estratehiya ng pagmamapa ng mga impormasyon sa pamamagitan ng pagbuo ng ugnayan at paglalagom ng mga ideya.
  • Alamin kung sino ang inaasahang mambabasa ng infographics. Tukuyin ang kanilang katangian bilang grupo o sektor. Dito ibatay ang pagbalangkas at pagpaplano sa pagbuo.
  • Mag-isip ng angkop at malikhaing titulo. Kailangang maging pukaw-atensyon ito at malinaw na nagsasalarawan sa lalamanin ng infographics.
  • Tandaan na ang dalawang elemento na unang nakapupukaw sa mambabasa ay ang titulo at disenyo ng infographics. Maaari ring itampok ang titulo sa pamamagitan ng calligram. Narito ang mga halimbawa ng calligram na maaaring maging sanggunian: Designer Turns Everyday Words Into Clever Logos With Hidden Meanings
  • Pumili ng angkop na font styles at gumamit lang ng dalawa hangga’t maaari. Isang font style para sa titulo at isa naman para sa nilalaman.
  • Pumili rin ng angkop na kombinasyon ng kulay alinsunod sa paksa.
  • Gawing epektibong instrumento ang infographics upang maging mas kauna-unawa ang mga komplikadong konsepto at ideya para sa nakararami.
  • Tambalan ng kaukulang infographics ang mga research report upang mas madali at mabilis maunawaan. Tandaan na ang pananaliksik ay kailangang mayroong communication at dissemination plan.  Isa ang infographics sa maraming paraan upang ito ay maisakatuparan.
  • Magsaliksik mabuti para sa lalamanin ng infographics. Tandaan na dapat evidence-based ang pagbuo nito.
  • Tandaan na ang pagpili at prayoritisasyon ng itatampok na impormasyon at kaalaman ay mahalagang desisyon sa pagbuo ng infographics.
  • Planuhin mabuti kung paano itatampok ang mga tinipong datos at impormasyon.
  • Ibalangkas nang maayos ang lalamanin ng infographics para maging makabuluhan at lohikal ang kabuoang latag.
  • Tandaan na ayon kina Hernandez-Sanchez et al. (2020) sa kanilang akda na pinamagatang “Twelve tips to make successful medical infographics,” ang infographics ay tambalan ng “text and image” at ito ay kinakailangang maging nakapupukaw, makahulugan at makabuluhan. Maaari ring itampok ang ilang bahagi ng nilalaman ng infographics sa porma ng acrostics kagaya nito: 42 Acrostic Poems – Examples and Definition of Acrostic Poems
  • Iwasan ang pagiging politically incorrect, culturally insensitive at gender exclusive upang hindi makasakit at makapinsala ng kapwa. Tandaan na ang isa sa mga layunin ng infographics ay makapagpataas ng antas ng kamulatan at kamalayan. Sa kontekstong ito ay mahalaga ang papel na ginagampanan ng wika.
  • Gamitan ng triangulation ang pangangalap ng datos upang higit na mapagyaman ang kaalaman at maiwasan ang paglalagay ng maling impormasyon.
  • Planuhin nang mabuti ang mga bahagi at seksyon ng infographics. Tiyaking ikokomplementa nila ang isa’t isa. Iwasang maging bulagsak sa paghahati-hati at paglalatag ng mga seksyon.
  • Tiyaking nagtatambal ang lahat ng elemento sa infographics kagaya ng mensahe, ilustrasyon, disenyo, font style, kulay at iba pa.
  • Mas lakihan ang titulo at mga subheading para mas madaling magabayan ang mga mambabasa.
  • Iwasan ang all caps sa buong infographics. Gamitin lamang ang all caps sa mga titulo, subheading at acronyms. Nawawalan ng katuturan ang paggamit ng all caps kung lahat ay all caps. Kaugnay nito ay naalala ko tuloy ang tagubilin ng aking propesor sa Philosophical Analysis na si Dr. Ma. Paula Sioco. Ayon sa kanya, “if everything is green then nothing is green.” Ganoon din kapag puro all caps ang teksto.
  • Lagyan ng kaukulang margin ang bawat panig ng infographics. Kung kakailanganin, maaari ring lagyan ang bawat bahagi o seksyon sa loob mismo ng infographics para magsilbing demarkasyon o paghahati-hati.
  • Gumamit ng angkop na color contrast para sa text at background upang mas madaling mabasa.
  • Gumamit ng mga angkop na disenyo at layout para sa binubuong infographics. Laging ikonsidera ang tema at paksa sa presentasyon.
  • Sundin ang rule of parallelism sa pamamagitan ng pagtiyak na nagtatambal ang bawat entry. Halimbawa, kung ang bullet points ay nagsimula sa pandiwa (o action word), tiyaking ganoon din ang mga susunod na entry.
  • Tiyaking gumamit ng wika at sa antas na mas mauunawaan ng nakararami.
  • Maglagay rin ng tuwirang sipi (o direct quote) mula sa isang nirerespetong indibidwal o institusyon upang pagtibayin ang mensahe.
  • Lagyan ng mga palatandaan upang gabayan ang mambabasa sa pagkakasunod-sunod ng bahagi. Maaaring ito ay sa porma ng mga numero, arrow at iba pa. Makatutulong din ang paggamit ng signposting kagaya nito: Signposting | Academic Skills Kit | Newcastle University
  • Tiyaking madaling bagtasin at sundan ang infographics sa pamamagitan ng planado, maayos at lohikal na layout.
  • Gumamit rin ng mga naaangkop na signs, symbols at icons.
  • Iwasang gumamit ng font style at size na mahirap basahin.
  • Iwasang maging text heavy sa pamamagitan ng pagtatambal sa teksto ng mga larawan at iba pang ilustrasyon.
  • Balansehin ang nilalaman ng infographics. Huwag halos puro teksto at huwag rin halos puro larawan lamang.
  • Maaari maglagay ng photo collage pero tiyaking alinsunod ito sa pangkalahatang tema at mensahe ng infographics.
  • Maaaring maglagay ng mga table at graph upang higit na pagtibayin ang mga argumento at mensahe ng infographics. Huwag kalimutan ilagay ang pinaghalawang batis (o source) ng mga ginamit na table at graph.
  • Maaari ring lagyan ng paglalagom sa bandang dulo ng binuong infographics bilang paalala ng key take-aways at pagbibigay-diin (o emphasis).
  • Imaksimisa ang espayo pero dapat iwasan na maging crowded masyado ang infographics.
  • Ikonsidera rin na gumamit ng QR code para maghain ng mga karagdagan at katambal na mga rekurso o babasahin sa publiko.
  • Huwag kalimutan ilagay ang pangalan at logo ng organisasyon na bumuo ng infographics para sa tamang atribusyon at matiyak ang pananagutan (accountability).
  • Tiyaking dumaan sa masusing editing ang nilalaman at maging ang disenyo ng infographics.
  • Subukang ipabasa muna ang binuong infographics sa target audience at humingi ng puna at rekomendasyon kung paano ito higit na mapabubuti.
  • Tandaan na ang infographics ay maaaring printed o digital. Ayon pa rin kina Sergio-Hernandez et al. (2020), naging popular na format ang infographics sa pagpapalaganap ng medical information sa pamamagitan ng Internet at social networks. Dapat mas magamit din ang potensyal nito sa iba pang larangan at adbokasiya.
  • At panghuli, huwag kalimutang aktibong palaganapin ang infographics sa iba’t ibang plataporma.

Sa panahon na laganap ang misimpormasyon at disimpormasyon ay napakahalagang ambag ang pagbuo ng infographics upang maglinaw ukol sa mga maling haka-haka at hamunin ang iba’t ibang kasinungalingan.  Sa kontekstong ito, kritikal ang papel ng truth-telling sa proseso ng demokratisasyon at pagbabagong panlipunan noon at lalo na ngayon.

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay rito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -