34.8 C
Manila
Miyerkules, Abril 30, 2025

Biyahero panalo sa bagong sistema ng Immigration sa NAIA

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI na kailangang tiisin ng mga pasahero ang mahabang pila at matagal na hintayan sa immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sa harap ng dagsa ng mga biyahero ngayong long weekend para sa Semana Santa, mabilis na ang daloy ng mga pasahero — isang positibong bunga ng mga dagdag na immigration counters sa paliparan.

Ang karanasang ito ay bunga ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing “convenient at safe ang travel experience ng ating mga pasahero,” lalo na ngayong peak season ng biyahe. Ipinag-utos ng Pangulo sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na magtulungan upang matiyak ang maayos at episyenteng serbisyo sa mga paliparan.

Para sa libu-libong biyaherong sabay-sabay ang pag-alis at pagdating sa mga araw na ito, malaking ginhawa ang dulot ng mas mabilis na proseso sa immigration. Bukod sa nabawasan ang stress, nakatutok na rin ang mga tauhan ng airport sa pagtulong sa mga pasahero — mula sa pagdirekta sa mga tamang pila hanggang sa pagsiguro ng seguridad at kaayusan.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, malinaw ang resulta ng pagtutulungan ng Bureau of Immigration, Manila International Airport Authority, at New NAIA Infra Corp.

“This is the result of close collaboration among the Bureau of Immigration, Manila International Airport Authority, and New NAIA Infra Corp. This is proof na pagka nagtrabaho tayo together, we can make things happen for the better,” ani Dizon.

Dagdag pa ni Dizon, personal niyang nakita ang mas episyenteng daloy ng mga pasahero sa Terminal 3 sa kanyang inspeksyon noong Martes ng madaling araw—mismong oras ng dagsa ng mga biyahero.

Sa gitna ng holiday rush, mas ramdam ngayon ng mga pasahero ang malasakit ng pamahalaan. Hindi lang ito tungkol sa dagdag na counters, kundi sa kabuuang karanasan sa paliparan: mas kaunting oras sa pila, mas maraming oras para sa pamilya, at mas magaan na biyahe.

Sa pagpapatuloy ng long weekend exodus, patuloy na iniaayos at pinagbubuti ng mga kaugnay na ahensya ang kanilang serbisyo — isang hakbang patungo sa mas maaliwalas at episyenteng sistema ng transportasyon sa ilalim ng Bagong Pilipinas. (AVS/PIA-NCR / Photo by DOTr)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -