NOONG nakaraang linggo tinalakay ko sa kolum na ito ang magkatunggaling pananaw ng mga bansang papaunlad at mga bansang mauunlad hinggil sa kalakalan sa agrikultura. Ang matinding pagtatalo ng dalawang panig ay isa sa mga dahilan kung bakit natigil ang diskusyon at negosasyon sa Doha Round noong 2007 tungo sa pagpapalawak ng kalakalang global.
Ang isa pang matinding pagkakaiba sa pananaw ng mga papaunlad at mauunlad na ekonomiya sa negosasyon sa Doha Round ay kanilang posisyon sa produksiyon at sa paggamit ng yamang intelektwal sa ilalim ng kasunduang Trade Related Aspects of Intellectual Property Rights (TRIPS). May limang isyung pinagtatalunan ng magkakatungkaling kampo: akses sa mga pangunahing gamot, papel ng yamang intelektwal sa pagsulong ng ekonomiya, ang fleksibilidad sa ilalim ng TRIPS, ang paglutas ng alitan at ang panahon ng transisyon.
Tatalakayin ko lamang sa kolum na ito ang dalawang pinakatampok na isyu sa itaas. Ang isyu ng akses sa mga mahahalagang gamot ay nakatuon sa presyo ng mga gamot. Marami sa mga makabago at mabibisang gamot ay binungkal, sinubok, prinodyus at ibinebenta ng mga kompanyang parmasiyutikal mula sa mauunlad na bansa. Ang inirereklamo ng mga bansang papaunlad ay ang hirap sa pagbili ng mga mabibisang gamot dahil sa sobrang taas ng presyo ng mga ito. Ang mataas ng presyo ay nakaugat sa patent na ipinagkaloob sa kompanya na nagprodyus ng gamot. Ang patent ay isang dokumentong legal na nagbibigay sa nagmamay-ari ng isang isang yamang intelektwal o gamot sa halimbawang ito ng ekslusibong karapatan na magprodyus at magbenta ng gamot. Ang ekslusibong karapatan ay bunga ng mataas na gastos sa paghubog ng yamang intelektwal na dapat bawiin. Ang ekslusibong karapatan ay nauuwi kapangyarihang monopolyo sa mga kompanyang nabanggit. Dahil sa kapangyarihang monopolyo naitaakda nila ang mataas na presyo at napipigilan ang ibang kompanya na magprodyus at magbenta ng gamot.
Upang maging mura ang presyo ng mga pangunahing gamot at lumawak ang akses nito sa mga mamamayan sa mga papaunlad na bansa hinihiling ng mga papaunlad na bansa ang sapilitang paglilisensya at pahintulan ang magkahilerang pag-aangkat. Ang sapilitang paglilisenya ay isinasagawa ng pamahalaan upang bigyan ang isang local na kompanya ng lisensya o pahinulot na iprodyus at ibenta ang gamot na may patent kahit walang pahintulot ng nagmamay-ari ng patent. Dahil dito ang ekslusibong produksiyon at distribusyon ng gamot sa kompanyang pinagkalooban ng patent ay kumikitid at maaaring bumaba ang presyo ng gamot. Samantala, sa magkahilerang pag-aangkat ng pangunahing gamot umaanggat ang isang bansa mula sa mga lisensiyadong kompanya sa ibang bansa na may mababang presyo upang makipagtunggali sa isang sangay ng kompanyang humahawak ng patent sa gamot sa kanilang bansa.
Ang hiling na ito ay matinding tinututulan ng mga bansang mauunlad dahil kinakailangan ang proteksiyon ng patent upang mabigyan ng insentibo ang mga kompanyang parmasiyutikal nang sapat na tubo upang bawiin ang napakataas na gastos sa paglikha ng gamot. Magastos ang paglikha ng mga bagong gamot lalo na ang pananaliksik at pagsubok dahil ito ay gumagamit ng mga mahal na produktibong sangkap tulad ng yamang kaalaman, humaharap sa maraming panganib dahil hindi nakaseseguro na magiging matagumpay pananaliksik upang maging isang mabisang gamot. Kung ipamamahagi ang ekslusibong karapatan nitong magprodyus at magbenta ayon sa nakapaloob sa patent sa pamamagitan ng sapilitang paglilisensya bababa ang balik sa pangangapital sa paglikha ng gamot at nawawalan ng gana ang mga kompanyang parmasiyutikal na magsagawa ng napakamahal na pananaliksik, pagsubok at pagrerehistro upang makalikha ng mabisang gamot.
Sa ikalawang isyu ng papel ng yamang intelektwal sa kaunlaran ng mga ekonomiya. Tinatanggap ng dalawang kampo ang mahalagang papel ng yamang intelektwal sa mabilis na pagsulong ng mga ekonomiya dahil sa paglikha nito ng mga makabagong teknolohiya, kagamitan at iba pang produkto at serbisyong nagpapahusay sa produsiyon at nagpapataas ng kagalingan ng mga mamamayan. Ngunit ayon sa mga papaunlad na bansa ang kanilang kakayahang makalikha ng yamang intelektwal ay hinadlangan ng matinding pagpapahalaga ng TRIPS sa karaparatang pagmay-ari ng yamang intelektwal at ang kawalan ng sapat na tulong teknikal at pananalapi sa paglikha ng yamang intelektwal. Mahirap lumikha ng mga bagong yamang intelektwal dahil malawak ang hawak na mga patent ng mga kompanya mula sa mauunlad na bansa.
Samantala, ayon sa pananaw ng mga mauunlad na bansa ang susi sa pagsulong ng mga papaunlad na bansa ay ang pagpasok ng mga dayuhang capital dahil maliit lamang ang kanilang pag-iimpok upang tustusan ang napakalaking pondong kinakailangan sa pangangapital. Ang mga dayuhang kompanya ay naaakit sa bansang nagtataguyod at tinutupad ang proteksiyon ng yamang intelektwal ng mga dayuhang kapital. Maeenganyo ang mga dayuhang kompanya upang mamuhunan sa mga papaunlad na bansa kung makaseseguro sila na protektado ang kanilang yamang intelektwal. Kaya’t hindi ang sapilitang paglilisensya ng mga patent ang kompanya mula sa mauunlad na bansa ang susi sa pag-unlad ngunit at pagtupad sa proteksiyon ng patent.
Ang ganitong magkakaibang pananaw mahirap makakuha ng kasunduan. Kaya’t sa patuloy na alitan ng dalawang panig napilitang ang mga negosyador na itigil ang negosasyon sa Doha Round.