HIONIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga taxpayers na samantalahin ang pinalawig na estate tax amnesty hanggang Hunyo 16.
“Umaasa ako na gamitin na ng mga qualified taxpayers ang pinalawig na programa ng tax amnesty dahil magbibigay ito sa kanila ng pagkakataong gawing legal ang kanilang pagmamay-ari sa mga namanang ari-arian at ang pagkakataong magamit ang naturang mga asset para sa layuning pang-ekonomiya,” sabi ni Gatchalian.
Ang Republic Act 11956 – kung saan si Gatchalian ang pangunahing may akda — ay nag-amyenda sa Tax Amnesty Act na nagpapahintulot sa mga tagapagmana, transferee, at benepisyaryo na bayaran ang mga buwis sa ari-arian nang walang multa o interes hanggang Hunyo 14, 2025. Gayunpaman, dahil sa Sabado ito ay pinalawig pa ng BIR ang petsa sa Hunyo 16, Lunes.
Sa ilalim ng batas, ang pagfa-file ng estate tax ay maaaring gawin nang mano-mano o sa elektronikong paraan sa anumang awtorisadong agent bank o Revenue District Office ng mga tagapagmana at benepisyaryo. Pinapayagan din ng batas ang installment payments upang hikayatin ang mas marami pang iba na magbayad ng buwis.
“May panahon pa para makapagbayad sila ng kaukulang buwis nang walang dagdag na bayad dahil hindi na nila kailangang magbayad ng penalty at interes,” dagdag niya.
Makakatulong din ang batas na palakasin pa ang koleksyon ng buwis para madagdagan ang kita ng bansa upang pondohan ang mga programang kontra sa kahirapan.