SINABI ni Senador Win Gatchalian na mahalaga ang pagtatatag ng regulatory framework para sa nuclear energy upang matiyak ang kaligtasan at pangmatagalang gamit nito, at matugunan ang anumang agam-agam kaugnay ng potensyal na paggamit nito sa bansa.
“Mahalaga ang isang komprehensibong regulatory framework, lalo na’t patuloy na tumataas ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya,” ayon kay Gatchalian. Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng pag-apruba ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang batas na naglalayong lumikha ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority.
Batay sa panukala, magkakaroon ang ahensya ng kapangyarihang mag-regulate sa lahat ng pinagmumulan ng ionizing radiation, kabilang na ang mga nuclear at radioactive materials at radiation devices. Si Gatchalian, vice-chair ng Senate Committee on Energy, ay isa sa mga may-akda ng panukala.
Tinutukoy ng panukalang batas ang mga parusa para sa hindi awtorisadong paghawak o maling paggamit ng nuclear materials at binibigyang-prayoridad ang kalusugan ng publiko, kaligtasan, at pangangalaga sa kapaligiran, gayundin ang pagsunod sa mga internasyonal na pamantayan upang mapalakas ang tiwala ng publiko.
“Sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang komprehensibong regulatory framework para sa nuclear technology, matitiyak natin na ang mga agam-agam tungkol sa paggamit nito ay matutugunan at lalakas ang kumpiyansa at tiwala ng publiko,” dagdag ni Gatchalian.