LUMALABAS sa isang survey na lalong humina ang approval and trust ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. samantalang lalong tumaas naman ang kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey na isinagawa nitong nakaraang Marso 23-29 sa 2,400 respondents, bumulusok ng 42 porsyento nitong Pebrero at 25 porsyento nitong Marso ang approval and trust ratings ni Pangulong Marcos. Mahigit kalahati, nasa 53 porsyento ang di siya gusto (disapprove) at 22 porsyento naman ang neutral.
Samantala, tumaas naman ang kay Bise Presidente Duterte mula sa 52 porsyento noong nakaraang Pebrero na naging 59 porsyento nitong Marso. Nasa 16 porsyento ang di siya gusto at 25 porsyento naman ang neutral.
Sa trust rating ni Marcos, mula sa 42 porsyento noong Pebrero ito ay naging 25 porsyento nitong nakaraang Marso. Malaki naman ang itinaas ng kanyang distrust rating, mula sa 32 porsyento noong Pebrero naging 54 porsyento ito nitong nakaraang Marso.
Kabaligtaran naman ang kay Duterte kung saan umakyat ang kanyang trust rating ng walong percentage points mula sa 53 porsyento noong Pebrero na naging 61 porsyento nitong Marso.
Ayon pa sa Pulse Asia, tanging si Duterte lamang ang may umangat na trust rating sa lahat ng mga mataas na opisyal,
Isinasagawa ang survey ng Pulse Asia Research, Inc., isang enterprise na inilunsad noong 1999 ng mga eksperto sa kani-kanilang sangay ng pag-aaral.
Layunin nitong i-monitor ang mahahalagang socio-economic, politikal at kultural na issue sa isip ng Pilipinong publiko. Nakaangkla ang misyon na ito sa paniniwala na napakahalagang sangkap ang paminsan-minsang pagsusukat ng pulso ng publiko para sa ikasisigla ng demokrasya.
Naganap ang survey nitong Marso kung kailan dinakip ng mga awtoridad si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at matapos ito, dinala siya sa The Hague, Netherlands upang litisin sa International Criminal Court ICC).
Samantala, noong Pebrero naman naganap ang pag-impeach kay Bise Presidente Duterte ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kabilang sa mga dahilan ng pag-impeach sa Pangalawang Pangulo ang alegasyong balak nitong ipapatay sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Gayundin, kinukwestyon din ng Kongreso ang di-tama at maling paggamit nito ng confidential funds ng Office of the Vice President and ng Department of Education.
Isa pang kadahilan kaya sya inimpeach ay dahil umano sa kinalaman nito sa extrajudicial killing noong siya ay alkalde pa lamang ng Lungsod ng Davao.
Dahilan din ang umano’y pagpapasimuno ni Bise Presidente Duterte ng insurrection at public disorder.
Nanalo bilang magka running mate sina Pangulong Marcos at Bise Presidente Duterte sa panahon ng kampanya kung saan ibinabandera nila ang “Uniteam.”
Itinalaga ni Pangulong Marcos si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (Deped).
Makalipas ang mahigit isang taon, nagbitiw si Bise Presidente bilang myembro ng gabinete.
Kalaunan, inilantad niya ang kaniyang pagka-disgusto sa administrasyong Marcos at ang mga naging isyu niya hindi lamang sa Pangulo kundi maging sa Unang Ginang at kay House speaker Romualdez sa pamamagitan ng isang press conference.
Kinuwestyon naman sa mga pagdinig sa Kongreso ang budget ng Deped at OVP, gayundin ang confidential fund nito.
Sa isa sa mga presscon ni Bise Presidente, sinabi nito na nagpahayag ang mga tagasuporta niya ng pagkadismaya dahil sa pagboto nila kay Marcos.