PINURI ni Senador Win Gatchalian ang mabilis na aksyon ng gobyerno sa pagsagip sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na na-recruit at naging biktima ng trafficking sa isang scam farm sa Cambodia.
“Hindi ito magiging posible kung wala ang agarang tugon ng Embahada ng Pilipinas sa Cambodia at ng DFA. Lubos akong nagpapasalamat sa kanila sa pagtulong sa ating mga kababayan na nasa mahirap na kalagayan. Ginawa lang ng aking opisina ang nararapat–makipag-ugnayan at tumulong para mapabilis ang pagdating ng tulong,” ayon kay Gatchalian.
Isa sa mga nasagip ay isang na-recruit bilang call center agent ngunit kalauna’y napilitang lumahok sa pang-i-scam ng kumpanyang pinagtrabahuhan doon.
Humingi ng tulong sa opisina ni Gatchalian ang kakambal para sa pagsagip sa kanyang kapatid.
Bukod sa pamimilit na sumali sa scam operations, inilahad ng biktima na ang mga hindi nakakatugon sa itinakdang sales quota ng kumpanya ay nakakaranas ng pisikal na pananakit.
“Kailangan natin ng matatag na regional cooperation upang labanan ang nakakabahalang pagdami ng mga scam farms na nagre-recruit ng mga Pilipinong desperado sa trabaho at pera,” babala ni Gatchalian, kasabay ng paalala sa mga Pilipino na huwag basta-basta maniwala sa mga pekeng alok na mataas na sahod.