JUAN, buo na ba ang listahan ng mga iboboto mo sa Lunes?
Naku, Uncle, medyo nahihirapan nga ako sa pagpili.
Bakit, Juan? Dahil ba sa wala kang gusto sa mga kandidato? O may hinahanap ka na hindi mo makita sa kanila?
Uncle, una, pinag-iingatan ko lang ang boto ko. Ayokong magkamali sa pinipili ko. Pangalawa, pinag-aaralan ko talaga ang mga plataporma na inilulunsad ng mga kandidato, lalo na yung mga tumatakbo para sa Senado. At pangatlo, dahil na rin sa mga natutunan ko sa inyong mga financial literacy talks at articles, malapit sa puso ko iyong mga kandidatong may potensyal na protektahan at palawigin ang aking pinansyal na pamumuhay, lalo na kung tungkol ito sa aking ipon at investments.
Maganda yang sinabi mo, Juan. Natutuwa ako sa ginagawa mong basehan ng iyong pagboto. Ang ibig sabihin lang nyan, kung ang ating kapwa Pilipino ay ganyang mag-isip, malaki ang pag-asa na umaangat ang buhay ng bawa’t Pilipino.
Maraming nagtatanong sa akin kung ano daw ba ang kaibahan ng electoral education at financial literacy. At kung may koneksyon ba ang mga ito sa electoral turnout o ang dami ng bumoto at sa electoral outcome o ang kalidad ng resulta ng eleksyon?
Ang financial literacy at electoral literacy ay magkaibang konsepto pero sila ay konektado.
Ang financial literacy ay nakatuon sa pagtaas ng kaalaman tungkol sa personal finances at sa pagkakaroon ng abilidad kung paano ito mapangalagaan.
Ang electoral education ay binibigyang halaga ang pagbibigay ng kaalaman at kapasidad kung paano lumahok ng epektibo at tama sa isang proseso ng demokrasya tulad ng eleksyon.
Magkaiba sila pero pareho silang kritikal sa pagiging isang mabuting mamamayan o citizen ng isang bansa. Sa katunayan, ang bansang may mataas na financial literacy ay mas may positibong epekto sa pagkakaroon ng mas magandang resulta sa eleksyon. Ito ay dala ng mas malinaw na pagintindi ng mga bumoboto sa mga polisiya para sa ikabubuti ng ekonomiya at sa iba pang socio-economic na situwasyon.
Ayon sa mga pag-aaral sa political behavior o kung paano ang isang tao ay ginagampanan ang kanyang karapatan sa isang sistemang demokrasya, ang mga taong may mataas na financial literacy ay mas lumalabas para bumoto.
Mula sa pagsusuri ni La Prete (2024) kung saan tiningnan niya ang datos mula sa 91 advanced at developing na mga bansa sa mga taong 1990-2014, nakita niya na may positibong korelasyon ang pagkakaroon ng financial literacy ng bansa sa antas ng political participation.
Sa mga bansang sinuri, mataas ang political participation rate (69 porsiyento) sa mga bansang may mataas na financial literacy (71 porsiyento) tulad ng Norway, Sweden at Denmark. Malaki ang naitutulong ng economic at financial skills, na magbibigay ng abilidad para sa mga mamamayan na maintindihan ang mga trade-offs ng mga desisyon ng publiko at pribadong sektor na makikita sa mga financial indicators, sa mataas na partisipasyon sa demokrasya.
Tingnan nga natin ang financial literacy rate sa ating rehiyon.
Sa Asya, mahina ang financial literacy.
Sa Asia Pacific, isa sa tatlong adults ay financially literate. Ito ay hindi lalayo sa global average.
Pero ang financial literacy rate sa Southeast Asia ay mababa — 30 porsiyento lang ng adults ay financially literate.
At ganon din sa bansang Pilipinas na 2 porsiyento lang ang financially literate.
Ayon sa Comelec, sa kasaysayan ng Pilipinas, mababa ang voter turnout kapag midterm eleksyon kumpara sa Presidential eleksyon.
Sa rekord din nila, merong mga 5.3 milyong Pilipino ang deactivated voters o iyong mga hindi bumoto ng dalawa o higit pa na eleksyon. Kung bakit hindi sila nagparehistro, siguradong iba’t iba ang dahilan. Pero maganda naman na meron tayong mga 3 milyong bagong botante ngayong taon.
Mas may alinlangan ako sa kalidad ng botohan, partikular sa mga taong ihahalal ng publiko. Kung ganito kababa ang financial literacy rate sa ating bansa, na nangangahulugan na mahina ang ating kaalaman tungkol sa mga polisiya ng ekonomiya at pinansyal na kailangan para magkaroon tayo ng mas magandang kinabukasan, malaki ang posibilidad na mangulelat ang mga kandidato, partikular sa lokal na pamahalaan at Senado, na talagang may plano para sa ating ekonomiya, sa agrikultura, sa negosyo at teknolohiya. At manaig ang mga kandidatong mataas ang popularidad pero walang kapasidad para totoong isulong ang mga pangarap ng bawa’t Pilipino para sa kanilang mga sarili at para sa ating nag-iisang bansa.
Kaya, Juan, dasal-dasal lang tayo na magabayan ang bawa’t isa sa atin na bumoto ng tama at naaayon sa ating konsensiya sa May 12.