28.2 C
Manila
Biyernes, Mayo 9, 2025

Sa halalang bayan at Simbahan, pagbabago na

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

UNA, Simbahan. Tapos, bayan. At sa kapwa halalan, pagbabago ang pupuntahan.

Noong Mayo 7, nagkulong sa Sistine Chapel ng Batikano ang 131 kardinal ng Simbahang Katolika upang pumili ng bagong papa. Paglabas ng puting usok at nakaputing papa sa kapilya, saka lamang makalalabas ang mga prinsipe ng Simbahan.

At sa Mayo 12, eleksiyon ng ating bayan para piliin ang 12 senador, mga 300 representante ng Kamara, at libu-libong opisyal ng mga lalawigan, lungsod at munisipyo.

Bakit pagbabago? Isa-isahin natin.

Si Kardinal Tagle na ba?


Sa Simbahan, bagaman milyun-milyong Katoliko ang natuwa at humanga sa mga bukang-bibig at reporma ng yumaong Papa Francisco, sa totoo lang, marami rin ang naligalig at nag-alma dahil sa diumanong paglabag niya sa mga doktrina, moralidad at patakarang umiiral nang daan-daang taon.

Noong 2016 at 2023, may mga batikang kardinal na nabagabag at nag-usisa tungkol sa mga dokumentong inilabas ni Pope Francisco hinggil sa pamilya at sa Salita ng Diyos.

Sa 2019 mga 1,500 kaparian at pantas ang nanawagan sa mga obispo na ikondena ang Papa bilang erehe o taong tumiwalag sa ating pananampalataya dahil sa mga pahayag at pagkilos niya.

May mga tumutol din sa pahintulot niya para sa pagbabasbas ng mga Katolikong sumisiping sa kapwa lalaki o babae, sa pagpapasok at pagdarasal sa Batikano ng mga estatuwang pagano mula sa Timog Amerika, at ang paglahok at pagboto sa sinoda o pulong ng mga obispo ng hindi obispo.

- Advertisement -

Ngayong yumao na si Francisco at hahalal ang mga kardinal ng bagong papa, lalong lumalakas ang pagbatikos sa mga sinabi at ginawa niya. Sa katunayan, dalawang araw pa lang pagkamatay niya, nagbabala si Kardinal Gerhard Müller ng Alemanya, isa sa mga pangunahing kritiko ni Francisco, na dapat “matatag ang doktrina” ang magiging kahalili. Kung hindi, aniya, baka mahati ang Simbahan.

Kaya naman, bagaman itinalaga ni Francisco ang 108 sa 135 kardinal sa halalan, hindi tiyak na mapipili ang kandidatong magpapatuloy ng mga reporma niya. Noong unang araw ng halalan, walang nakakuha ng 89 botong kailangan upang mahalal na papa.

Mangyari, marami sa hinirang ni Francisco, lalo na ang mga kardinal ng Asya at Aprika, hindi sang-ayon sa pagbabago ng doktrina at patakarang ginawa niya.

Kaya naman puwedeng lumabas maging mga kardinal na kontra sa pagbabago ng doktrina, gaya nina Robert Sarah ng Guinea sa Aprika at Peter Erdo ng Hungary sa Europa. Samantala, hindi na namumuro ang mga kakampi ng nasirang papa, kabilang  sina Pietro Parolin, ang opisyal na pumapangalawa sa papa, at ang ating Luis Antonio Tagle, ang tinaguriang “Francisco ng Asya.”

Sa madaling salita, sadyang hindi malinaw ang pipiliin sa Sistine Chapel. At baka ito nga ang nais ng Espirito Santong gumagabay sa halalan. Kung walang kardinal at ideolohiyang dominante, mas madali nawang mapakinggan ng mga kardinal-manghahalal ang bulong ng Panginoon.

Marcos kontra Duterte

- Advertisement -

Sa halalang bayan naman, hindi rin liyamado ang namumuno ng gobyerno, gaya ng pamunuan ng Batikano. Mangyari, nagkaroon ng mga malaking maling diskarte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. magmula pa noong simula ng termino niya tatlong taong nakararaan hanggang ngayon.

Una, pinilit ni Marcos hawakan ang Kagawaran ng Agrikultura nang 14 buwan sa kabila ng bunton ng trabaho niya bilang presidente. Tuloy, sumipa ang presyo ng pagkain hanggang ngayon, at gayon din ang mga pamilyang dumaranas ng gutom.

Ayon sa malawakang survey ng Social Weather Stations (SWS) sa Marso, naragdagan ng 7 milyong katao ang dumanas ng gutom kompara noong Disyembre. Ang 27.2 porsiyentong nagutom sa ating populasyon ang pinakamarami mula pa noong kasagsagan ng pandemya sa 2020.

Kaya naman, hindi kataka-takang bumulusok sa +25 sa 2024 mula +51 noong 2023 ang average na grado ng Pangulo kung babawasin sa nasisiyahan o “satisfied” sa trabaho niya ang porsiyentong di-nasisiyahan o “dissatisfied.”

Pangalawang sablay ni Marcos ang pag-atake sa kaalyadong si Bise-Presidente Sara Duterte, ginawa ng kampo nila ng pinsan niyang si Speaker Martin Romualdez, sa bunsod ng mga Amerikano.

Mangyari, ayaw ng Estados Unidos (US) magkaroon ng isa pang Duterte sa Malakanyang sa pangambang babawiin ni Sara ang siyam na base militar na ipinagamit ni Marcos sa Amerika noong Pebrero 2023.

Kaya noong Mayo 2023, nagsimula ang pagkontra kay Sara ng kampong Marcos-Romualdez. Pinatalsik bilang senior deputy speaker ang dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ang pangunahing tagapayo at kaalyado ni Sara. Tuloy, kumalas si Sara sa partidong Lakas-CMD na hawak ni Speaker Romualdez.

Sumunod ang paninira kay Sara sa Kongreso at media hanggang ipasa ng Kamara ang impeachment laban sa kanya. Diumano, tumanggap ng pondong pang-ayuda ang mga kongresistang sumoporta sa impeachment.

Kung hindi inatake si Sara ng kampong Marcos-Romualdez, patuloy sana ang alyansiyang Uniteam nina Marcos at Duterte, at wala oposisyong makalalaban sa administrasyon nang maraming taon. Pero dahil sa maling desisyon ni Marcos, bunsod ng US, sumigla ang mga politikong kontra sa kanya sa ilalim ng mga Duterte.

Pangatlong kamalian ni Marcos ang pag-aresto at pagpapadala kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Olanda. Akala ng kampong Marcos-Romualdez hihina ang oposisyon pagkawala ni Duterte. Subalit, sa halip, nagsilakbo ang tao laban sa administrasyon.

Ayon sa Pulse Asia, isa pang batikan sa survey gaya ng SWS, bumagsak ang suporta at tiwala kay Marcos pagkatapos ng aresto at lipad ni Duterte noong Marso 11. Sa pagtatanong-publiko noong Marso 23-26, bumagsak ang sumusuporta at nagtitiwala kay Marcos sa mula 25 porsiyento mula 42 porsiyento.

Samantala, umakyat ang suporta kay Sara sa 59 porsiyento, at ang tiwala sa 61 porsiyento. At umakyat ang mga kandidatong ng kampong Duterte sa survey ng mga kandidato para sa Senado, kung saan nilampasan si Sen. Bong Go si Erwin Tulfo.

Sa gayon, mukhang lalakas ang oposisyon sa Kongreso at mga gobyernong lokal gaya ng tinatayang pagsikat sa Batikano ng mga puwersang nagtataguyod ng doktrina, moralidad, liturhiya at patakarang malaon nang sinusunod.

Dalawang halalan, iisang hantungan: paghina ng nasa poder at pagsigla ng humahamon. Makabuti nawa ito sa sambayanan at Simbahang Pilipino. Amen.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -