30 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Pagtatapos sa pamantasan: Paghahanda, pangninilay at hakbang pasulong

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pagtatapos sa pag-aaral ay kolektibong tagumpay ng buong komunidad.  Itinuturing itong isang mahalagang tagpo sa buhay ng bawat mag-aaral at ng kani-kanilang mga magulang at guro. Ito ay tinatawag na commencement exercises dahil ang bawat pagtatapos ay maituturing ding pagsisimula. Bilang proseso, mahalaga na ang pagtatapos ay ganap na mapaghandaan at mapagplanuhan. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga gabay at paalala ukol sa pagtatapos bilang isang transisyon at pagpapanibagong-hubog.

  • Tiyaking tama at nakuha lahat ng kaukulang asignatura sa checklist o flow chart ng kurso sa huling enrollment sa pamantasan. Sa kontekstong ito, napakahalaga ng self-advising, peer advising at program advising. Huwag ding kalimutang i-double check ito sa Office of the College Secretary (OCS) at Office of the University Registrar (OUR) kung kinakailangan.
  • Tiyaking may pinal na grado sa lahat ng mga asignatura. Alamin kung ang lahat ng grado ay kumpletong pumasok sa online portal para maging ganap at opisyal.
  • Asikasuhin nang mas maaga ang mga bagsak at/o incomplete na grado (kung mayroon man pero sana ay wala). Kadalasan ay may palugit lamang na isang taon bago ito makumpleto.
  • Magpartisipa sa mga exit interview na isasagawa ng programa, kolehiyo o pamantasan (kung mayroon man pero sana ay may ganitong mekanismo). Mas mapaghuhusay ng kinauukulan ang serbisyo sa mga mag-aaral sa pamamagitan nito. Kasama na rito ang pagpapaunlad ng kurikulum sa kabuoan.
  • Ibalik ang mga hiniram na libro sa silid-aklatan upang mabigyan ng university clearance. Tiyakin din na mapalitan ang anumang naiwala o hindi naibalik na libro.
  • Ibahagi sa mas mga nakababatang batch ang iyong mga naipong babasahin upang kanilang mapakinabangan. Gawin itong tradisyon sa bawat kurso at academic organization.
  • Ihanda ang mga mas nakababatang miyembro ng organisasyong kinabibilangan sa pamumuno at pamamahala (academic at/o socio-civic organization man). Tiyaking may maayos na transisyon upang maging sustenable ang pag-iral at operasyon ng organisasyon sa pangmatagalan (long-term). Sumangguni rin sa artikulong ito para higit na mapalakas ang organisasyon: Gabay sa pagbuo at pagpapalakas ng student organizations – Pinoy Peryodiko
  • Tiyaking nirebisa at naipasa ang thesis o anumang capstone project nang mas maaga o sa takdang oras. Ipatupad ang mga mungkahing koreksyon ng iyong panel. Mas mainam kung may tala at paglalagom na nagtataglay ng kanilang suhestyon, iyong kaukulang tugon at maging kung saang pahina ito matatagpuan. Siguraduhin din na napirmahan ng mga kinauukulan ang approval sheet (thesis adviser, panel members, program head, department chair at college dean depende kung ano ang sinusunod na kalakaran sa inyong institusyon).
  • Tiyaking may mga backup copy ang lahat ng mga dokumento. Gamitin ang natutunan sa knowledge management theory and practice upang mas maging organisado ang pagtitipon at pagsisinop ng mga materyales.

 

  • Baunin ang mga natutunang kaalaman at kasanayan mula sa kurso. Gamitin ang mga kaalaman at kasanayang ito sa parehong disciplinal at interdisciplinal na paraan. Mas nagiging makabuluhan ang mga teorya at konsepto kapag naisapraktika sa larangan.
  • Linangin ang mga pagpapahalaga (values) na natutunan mula sa pag-aaral lalo na sa larangan ng mga pangkatang gawain. Kabilang dito ang pagiging mapagnilay, pakikipagkapwa, malasakit, team work at pagpupunyagi.
  • Tanganan ang disiplina na nalinang sa buong larga ng kurso. Ang mga komplikadong proyekto at programa sa empleyo ay higit na nangangailangan ng disiplina sa sarili dahil may mga mas mabibigat na bagay na ang nakasalalay.
  • Bumuo ng portfolio ng mga akda bilang ebidensiya ng iyong kaalaman at kasanayan sa larangan. Kabilang dito ang mga pananaliksik, artwork at audio-visual production. Kadalasan ay tinitingnan ito ng mga magiging prospective employer bilang batayan ng pagpili ng aplikante.
  • Dumalo sa mga lehitimong job fair sa loob at labas ng pamantasan. Alamin din kung ang prinsipyo ng kompanya ay alinsunod sa iyong panuntunan at paninindigan. Halimbawa, gugustuhin mo ba maging bahagi ng isang kompanya o organisasyon na nasa likod ng pandarambong ng kalikasan (ecological plunder) at paglabag sa karapatang pantao (human rights violation)? Pumili ng trabaho na hindi lumalapastangan sa kalikasan at nagtatraydor sa mamamayan.
  • Ihanda ang curriculum vitae para sa nalalapit na paghahanap ng trabaho. Alamin din ang pagkakaiba ng curriculum vitae kumpara sa mas maikling résumé. Maaari ring sumangguni rito para sa pagbuo ng CV: Gabay sa Pagbuo ng Curriculum Vitae (CV) – Pinoy Peryodiko
  • Sumali sa mga alumni association at maging aktibong kasapi. Alamin sa pamamagitan nito ang mahalagang papel na ginagampanan ng alumni: Mahalagang papel ng alumni sa programa at pamantasan – Pinoy Peryodiko
  • Panatilihin ang ugnayan sa mga dalubguro dahil makatutulong sila sa pagbibigay sa iyo ng rekomendasyon para sa aplikasyon mo sa empleyo, law school, medical school, graduate school (MA/MS at/o PhD) o maging scholarship program.
  • Tiyakin na tama ang mga impormasyon na nakasaad sa iyong yearbook (kung nanaisin mo man maging bahagi nito at magkaroon ng kopya). Siguraduhin na hindi mo pagsisisihan sa hinaharap ang anumang ipinasa mong larawan at impormasyon sa inyong batch yearbook.
  • Tiyaking mayroon kang paraan upang umugnay at maugnayan para makuha ang sariling kopya ng yearbook. Kung minsan, nakakaligtaan na ito ay kuhanin at nakakapanghinayang na natatambak lamang sa bodega.
  • Magpaalam at magpasalamat sa mga pangkaraniwang kawani ng pamantasan sa kanilang serbisyo kagaya ng mga office clerk, canteen staff, manininda, janitor, custodian at security guard. Malaki ang ambag nila sa buhay ng mga mag-aaral sa pamantasan.
  • Pahalagahan at pagpugayan ang mga ka-batch at kamag-aral. Naging bahagi sila ng isang mabungang paglalakbay tungong karunungan. Naging mabuti rin silang kasangga at katuwang sa buhay.
  • Panatilihin ang ugnayan sa mga kamag-aral, kaibigan at ka-organisasyon. Patuloy na magkita, magbahaginan at magmalasakitan. Ang nasimulan ninyong samahan ay pundasyon ng isang magiging matagal at matibay na pagkakaibigan. Huwag ito sayangin at huwag ding hayaang maging hadlang ang hindi na madalas na pagkikita kagaya ng dati.
  • Pahalagahan din ang mga manggagawang guro na nagpagal at nanatili sa propesyon sa kabila ng lahat ng hamon at pasanin, lalo na yaong piniling magretiro sa larangan.

 

  • Pagnilayan kung paano ka nabago ng karanasan sa kurso at ng pamantasan sa usapin ng karunungan, prinsipyo, damdamin, pakikitungo, at praktika.
  • Asikasuhin ang aplikasyon para sa university/college clearance, true copy of grades (TCG), transcript of records (TOR) at/o diploma.
  • Tipunin ang mga larawan na magsisilbing alaala ng nakaraan. Tiyaking may backup copies ng mga ito.
  • Pag-isipan kung magpopost ka rin ng pukaw-kamalayan at pukaw-damdaming graduation message bilang pagbabahagi ng nagdaang karanasan, pasasalamat sa lahat at pagpapatibay ng adhikain. Inaabangan ito ng marami at umaani rin ng mapusong pagkilala at balidasyon.
  • Alamin kung ano ang patakaran ng pamantasan ukol sa paggamit ng ‘preferred names’ at ‘gender-affirming attire’ o ‘gender-inclusive regalia.’
  • Tandaan na ang pagtatapos ay hindi ang dulo kundi isang pagsisimula ng bagong yugto ng buhay. Bukod sa pagiging isang selebrasyon ay okasyon din ito upang hamunin ang mga kinagisnan at kinasanayan.

 

  • Isaisip na ang pagtatamo ng karangalan ay dapat maging isang hamon na dapat mapanindigan hindi lamang sa loob ng pamantasan kundi lalo na sa labas.  Wika nga ng yumaong Senator Miriam Defensor-Santiago, ang academic excellence ay dapat tinatambalan din ng professional at moral excellence.
  • Pagnilayan ang pagtatapos bilang isang porma ng ‘conscious interruption’ ayon sa sosyolohistang si Prop. Randy David ng Unibersidad ng Pilipinas. Binibigyan tayo ng okasyong ito ng pagkakataon na magnilay sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap.  Pagkakataon din ito upang pagnilayan ang pangkalahatang kalagayan ng edukasyon sa ating bansa sa kasalukuyan.
  • Alamin ang tema ng pagtatapos at pagnilayan ito sa konteksto ng edukasyon na iyong tinamasa mula sa pamantasan.

 


  • Pakinggan mabuti ang mensahe ng recognition at/o commencement speaker para sa mga magsisipagtapos. Ito ba ay palasak o mapagpalaya.
  • Planuhin ang pagkuha ng masterado sa hinaharap. Mas mainam kung magkaroon muna nang karanasan sa larangan bago sumabak sa graduate school. Mas magiging makabuluhan ang pag-aaral kung ito ay naisasakonteksto batay sa mayabong na karanasan.

Bilang pagbubuo(d), bagama’t maraming alalahanin at konsiderasyon bago at ang mismong pagtatapos ay huwag kalimutang namnamin ang matamis mong tagumpay.  Selebrasyon ito ng iyong pagpupunyagi at dakilang layunin na mangarap nang lampas sa sarili at para sa bayan.

Mainit na pagbati at pinakamataas na pagpupugay sa aking mga kasalukuyan at naging (ka)mag-aaral! Sa isang lipunan na batbat ng ligalig at walang katiyakan, piliin nating maging makakapwa at makatarungan.

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

 

- Advertisement -

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -