ANG curriculum vitae (CV) na ang ibig sabihin sa Ingles ay ‘course of life’ ay tumutukoy sa masaklaw na kaalaman, karanasan at kasanayang taglay ng isang propesyonal o indibidwal sa kanyang larangan. Mas mahaba, detalyado at masinsin ang CV kung ikukumpara sa isang resumé na highlight o snapshot lamang ng CV ang nilalaman. Ang sumusunod ay ilang gabay at paalala sa pagbalangkas at pagbuo ng CV para sa job application, promotion, scholarship grant, leadership appointment, at career development.
- Gawing propesyonal at pormal ang pagbalangkas at pagsusulat ng CV. Maging disiplinado sa regular na pag-update ng dokumentong ito.
- Isaad ang pinakahuling panahon na sinasaklaw ng CV bilang reference period (halimbawa: CV as of January 2025). Mainam kung ito ay nakasaad din sa mismong filename para magsilbing palatandaan.
- Itampok ang kaalaman, kasanayan at karanasan alinsunod sa pangangailangan ng organisasyong nais pagpasahan ng CV. Sa kontekstong ito ay napakahalaga na maging pamilyar sa organisasyon sa pamamagitan ng paunang pananaliksik.
- Palitawin sa CV ang iyong ‘unique value proposition.’ Kritikal ito lalo na kung mahigpit ang kompetisyon sa larangan.
- Ilagay ang buo mong pangalan. Lakihan at i-bolden ito. Nasasaiyo kung bubuoin mo rin ang iyong middle name o kung middle initial lamang ang isasaad.
- Ilagay ang mahahalagang contact information kagaya ng cellphone number at e-mail address.
- I-format ang cellphone number sa ganitong paraan upang mas madaling mabasa at maiwasan ang pagkalito: 09xx-xxx-xxxx. Chunking ang tawag sa estratehiyang ito.
- Gamitin ang pormal o opisyal na e-mail address. Iwasan ding gumamit ng mga fancy o impormal na e-mail address. Nakababawas ito ng propesyonalidad.
- Maglagay rin ng alternate e-mail address para mas makasiguradong maugnayan ng kinauukulan.
- Maglagay ng buod na nagtataglay ng iyong kalakasan at karanasan bilang iskolar, empleyado at/o propesyonal.
- Maglagay ng angkop na mga section header kagaya ng mga sumusunod: education/educational background, work experience/employment history, publication, conference, speaking engagement, organizational affiliation, personal information at iba pang naaangkop.
- Unahin sa taalan ang katatapos lamang na mga gawain o gampanin (most recent). Halimbawa, unahin sa tala ang college education bago ang senior high school o high school education. Gayundin, unahin ang 2025 bago ang 2024 para sa ibang tala.
- Itala ang mga natapos na kurso at ang kaukulang pamantasan kung saan ito kinuha. Kumpletuhin ang detalye kagaya ng kurso/programa, departamento, kolehiyo, pamantasan, partikular na kampus, at ang taon kung kailan nagtapos (halimbawa: 2005). Sa ibang pagkakataon ay inclusive year ang isinasaad. Tumutukoy ito sa saklaw na mga taon kung kailan kinuha ang kurso (halimbawa: 2021-2025).
- Ilagay din ang mga kinuhang elective at cognate para mas maging malinaw sa kinauukulan ang iyong kaalaman at kasanayan sa larangan.
- Ilagay ang karangalan na natamo sa kurso kagaya ng mga sumusunod: summa cum laude, magna cum laude o cum laude. Kasama na rin ang iba pang special awards. Maaari ring itala ang mga nakuhang pagkilala kada semestre kagaya ng pagiging dean’s list, chancellor’s list, college scholar o university scholar.
- Isaad din ang titulo alinsunod sa pinagdalubhasaang larangan. Ilang halimbawa ang mga sumusunod: Master of Arts (MA), Master of Science (MS), Master of Public Administration (MPA), Master of Management (MM), Master of Public Management (MPM), Master of Business Administration (MBA), Doctor of Philosophy (PhD), Doctor of Communication (DComm), Doctor of Sustainability (DSus), Doctor of Public Health (DrPH), Doctor of Education (EdD), Doctor of Business Administration (DBA) at iba pa. Halimbawa ng professional doctorates ang DComm, DSus, DPA, DBA at EdD kung saan mas aplikasyon ang diin at kasama rin ang pagteorisa at pagproblematisa sa praktika (theorizing and problematizing practice).
- Ilista ang titulo ng thesis o dissertation katambal ng degree na tinapos. Halimbawa, isaad ang undergraduate thesis sa BA/BS degree, master’s thesis sa MA/MS degree, at dissertation sa doctoral degree. Kung walang isinagawang thesis ay maaaring capstone project o seminar paper ang isaad sa halip.
- Tukuyin din kung ikaw ay may civil service eligibility (professional at/o subprofessional level). Isaad din kung may honor graduate eligibility alinsunod sa PD 907. Sumangguni rito para sa detalye: Honor Graduate Eligibility (PD 907). Ayon sa batas na ito ay maaaring maging kahalili ang karangalang akademiko (cum laude pataas) ang pagpasa sa civil service examination.
- Isaad ang linsensiyang nakamit kagaya ng mga sumusunod: licensed professional teacher (LPT), registered pharmacist (RPh), registered psychologist (RPsy), registered psychometrician (RPm), registered social worker (RSW), registered nurse (RN) at iba pa.
- Ilista ang naging employment history. Kasamang isaad ang posisyon, departamento, organisasyon, yugto ng paninilbihan, at ang mga kaukulang gampanin.
- Ihanda ang sarili na magpaliwanag sa panayam kung sakaling may malaking patlang sa employment history o kung bakit madalas ang pagpapalipat-lipat ng empleyo. Bigyang katwiran ito sa panayam.
- Itala ang mga publikasyon. I-klasipika ang mga ito batay sa katangian: peer-reviewed publication (indexed o non-indexed), book, book chapter, textbook, feature article, opinion column at iba pa.
- Linawin kung ikaw ay ang solo author, co-author o main author sa mga publikasyon.
- Ilista rin ang iyong mga isinagawang mga pananaliksik. Gayundin, dapat isaad kung ikaw ay consultant, principal investigator (PI), co-investigator (Co-I) o research associate/assistant (RA) sa naturang pananaliksik.
- Itala ang mga creative work kung nasa larangan ng sining at ang mga imbensyon at patente kung nasa larangan naman ng agham at teknolohiya.
- Itampok din ang mga media interview kasama ang mga sumusunod na impormasyon: paksa, programang pangradyo, pantelebisyon o online, at petsa kung kailan ito umere.
- Ilista rin ang mga serbisyo publiko na naging kabahagi. Ang public service ay maaaring maklasepika batay sa mga sumusunod: service to the university, service to the profession, service to the community and nation. Naaangkop ang mga kategoryang ito sa sitwasyon at konteksto ng mga propesor o dalubguro. Kasama sa service to the university ang administratibong posisyon at mga komite na kinabibilangan. Kabilang sa service to the profession ang pagiging peer reviewer sa mga academic journal at opisyal sa mga professional academic organization. Nakapaloob naman sa service to the community and nation ang pagiging kasangguni (consultant) sa pamahalaan, komunidad at sosyo-sibikong samahan. Kabilang din sa service to the community and nation ang mga volunteer work.
- Itampok ang mga karangalang tinanggap. Isaad din ang mga organisayon na naggawad ng mga ito at ang kaukulang pesta.
- Ilista ang mga tagpo na nagsilbing tagapagsalita o resource speaker sa iba’t ibang sektor at larangan.
- Itampok ang mga komperensiya na dinaluhan at isaad ang naging partisipasyon dito (halimbawa: keynote speaker, plenary speaker, parallel session chair, paper presenter, panel evaluation member, organizer/secretariat, delegate, at iba pa).
- Itala ang mga symposium, public forum at seminar na dinaluhan at ilagay rin ang mga mahahalagang detalye. Isaad din kung ito ay online o webinar. Ugaliing ilista ang mga ito sa araw ng pagdalo upang hindi makalimutan kinalaunan.
- Isama sa mga itinatala ang mga organizational affiliation. Isaad ang posisyon, pangalan ng organisasyon at ang saklaw na panahon.
- Isama sa personal information ang mga wikang kayang unawain, gamitin at/o salitain. Isaad din ang antas ng kakayahan (halimbawa: basic level o proficient in both oral and written communication).
- Itala ang mga natanggap na fellowship at scholarship. Pagtitibayin nito ang mataas na antas ng iyong kaalaman at kasanayan sa larangan.
- Bumuo rin ng abridged version ng CV para sa aplikasyon sa mga mas espesyalisadong larangan. Halimbawa nito ang customized version ng iyong CV alinsunod sa partikular na larangan kagaya ng youth studies, development education, media research at iba pa.
- Tiyaking tama ang lahat ng impormasyong isinaad. Mas mabuti rin kung may mga naitagong sertipiko bilang means of verification (MoV).
- Patuloy na i-update ang CV linggo-linggo at/o buwan-buwan upang huwag makalimutan ang mga mahahalaga na kailangang madokumenta at maitala.
- Itampok at palitawin ang kasanayan at karanasan na iyong taglay para tumambal sa isinaad ng job description o job specification.
- Iwasang maging masyadong makulay at madisenyo ang CV dahil ang nilalaman nito ang higit na mahalaga. Tandaan na sa teksto dapat mas matuon ang pansin ng mambabasa (prospective employer, award-giving body o admission committee).
- Tumingin sa iba’t ibang halimbawa ng CV sa pamamagitan ng Google Search at humalaw ng ideya uko sa iba’t ibang pagbalangkas. May mga bullet entry ang istilo ng pagtatala at may iba naman na table format ang paraan.
- Tiyakang madaling mabasa, maintindihan at masundan ang iyong mga itinala. Iwasan ang masyadong makitid at nagsisiksikang teksto.
- Sikapin maging produktibo sa larangan upang tuloy-tuloy na may maitalang bago sa CV. Sumangguni sa babasahing ito upang patuloy na mapagyaman ang kaalaman, kasanayan at karanasan: Gabay upang pagyamanin ang kaalaman at karanasan – Pinoy Peryodiko
- Ilagay lamang ang piling impormasyon sa personal information section.
- Maglagay lamang ng character reference kung kinakailangan.
- Tandaan na bagama’t usapin ng kaalaman, kasanayan at karanasan ang itinatala sa isang CV, dapat isinasaalang-alang na mas mabigat pa rin ang timbang ng integridad, dangal, at pananagutan sa propesyon at larangan. Wika nga ng isang yumaong iskolar at mambabatas, dapat gabayan tayo ng ‘academic excellence’, ‘professional excellence’ at lalo na ng ‘moral excellence’.
Para sa inyong reaksyon, maaari rin umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]
- Advertisement -