34.5 C
Manila
Lunes, Mayo 19, 2025

Sino ang magdadala ng pagbabago? Kilalanin ang 12 bagong senador

- Advertisement -
- Advertisement -

OPISYAL nang ipinroklama ng Commission on Elections (Ccmelec) ang 12 nanalong senador para sa ika-20 Kongreso ng Pilipinas nito lamang Mayo 17, 2025. Ang proklamasyon ay isinagawa ng National Board of Canvassers (NBOC) sa Manila Hotel, matapos ang pagtatala ng 175 Certificates of Canvass.

Ang resulta ng halalan ay malinaw na sumasalamin sa umiigting na sigalot sa pagitan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Ang mga kandidatong inendorso ng magkabilang kampo ay parehong nakapasok sa Magic 12.

Samantala, ang NBOC (National Board of Canvassers) ay isang katawan ng mga opisyal na itinatag ng Commission on Elections (Comelec) sa Pilipinas upang magsagawa ng canvassing ng mga boto sa mga pambansang halalan, tulad ng para sa mga senador, kinatawan, at iba pang posisyon.

Ang NBOC ang responsable sa pagkuha, pagsusuri, at pag-audit ng mga resulta ng halalan mula sa mga iba’t ibang lugar sa bansa, at pagkatapos nito, sila ang nagdedeklara ng mga opisyal na resulta, tulad ng mga nanalong kandidato para sa senado.


Magic 12 ng Senado

Narito ang opisyal na tala ng mga nanalong senador at ang dami ng boto na kanilang natanggap:

  1. Bong Go – 27,121,073
  2. Bam Aquino – 20,971,899
  3. Ronald “Bato” dela Rosa – 20,773,946
  4. Erwin Tulfo – 17,118,881
  5. Francis “Kiko” Pangilinan – 15,343,229
  6. Rodante Marcoleta – 15,250,723
  7. Panfilo “Ping” Lacson – 15,106,111
  8. Vicente “Tito” Sotto III  – 14,832,996
  9. Pia Cayetano – 14,573,430
  10. Camille Villar – 13,651,274
  11. Lito Lapid – 13,394,102
  12. Imee Marcos – 13,339,227

Pagkakahati ng mga suporta 

Ang bagong set ng mga senador ay nahati sa suporta sa kampo nina Marcos at Duterte at mga nagbabalik na galing sa kampo ni dating Bise Presidente Leny Robredo.

- Advertisement -

Limang senador ay hayagang kaalyado ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Marcos Jr.:  Erwin Tulfo, Panfilo “Ping” Lacson, Vicente “Tito” Sotto III,  Pia Cayetano at Lito Lapid.

Samatala, sina Bong Go, Ronald Dela Rosa, Rodante Marcoleta at Imee Marcos ay tahasang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte samantalang si Camille Villar ay inendorso ni Vice President Sara Duterte nitong mga huling araw ng kampanya.

Ang dalawang sorpresang kandidato na pumasok sa unang limang post ay sina Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan.

Mga mahalagang personalidad sa Magic 12

  1. Bong Go

Kilala bilang dating executive assistant ni Rodrigo Duterte, si Bong Go ay matagal nang itinuturing na kanang kamay ng dating Pangulo. Bilang senador, inakda niya ang Malasakit Center Act at ang Department of Migrant Workers Act. Ang Malasakit Centers ay mga one-stop shop sa pampublikong ospital kung saan maaaring humingi ng tulong pinansyal ang mga mahihirap.

  1. Bam Aquino

Isang kilalang social entrepreneur at dating senador noong 2013-2019 at dating Senate Minority Leader noong 2017-2019, muling bumalik sa Senado si Bam Aquino. Miyembro ng Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino (KANP), isa siya sa mga nagsulong ng Go Negosyo Act, na naglalayong suportahan ang maliliit na negosyo. Si Bam ang principal sponsor ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

- Advertisement -

3, Ronald “Bato” dela Rosa

Dati ring hepe ng Philippine National Police (PNP), si Dela Rosa ang naging mukha ng madugong “war on drugs” ni Duterte. Sa Senado, isinusulong niya ang pagbabalik ng death penalty para sa mga kaugnay sa droga. Ang death penalty ay parusang kamatayan para sa mga mabigat na krimen, na na-abolish na ngunit isinusulong muli ng ilang mambabatas.

  1. Erwin Tulfo

Dati ring kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), si Erwin Tulfo ay kapatid ni Senador Raffy Tulfo. Kilala siya sa kaniyang mga public service radio programs at masinsinang pagharap sa mga isyu ng mamamayan.

  1. Francis “Kiko” Pangilinan

Isang abogadong matagal nang nagsusulong ng food security, si Pangilinan ay dating kandidato sa pagka-bise presidente noong 2022. Isa siya sa mga bumuo ng Sagip Saka Act, na tumutulong sa mga lokal na magsasaka.

6. Rodante Marcoleta

Isang kontrobersyal na mambabatas, si Marcoleta ay kilala sa pagtutol sa prangkisa ng ABS-CBN at sa pagsulong ng paggamit ng ivermectin kontra Covid-19 kahit walang sapat na siyentipikong ebidensya. Isa rin siyang kilalang tagasuporta ng kampo ni Duterte.

7. Panfilo “Ping” Lacson

Dati nang senador at hepe ng PNP, kilala si Lacson sa mga batas gaya ng Anti-Terrorism Act at National ID Law. Isa siya sa mga inendorso ni Pangulong Marcos sa 2025 halalan.

  1. Tito Sotto

Dating Senate President, si Sotto ay mula sa kilalang pamilya ng mga artista at politiko. Kilala siya sa mga panukalang may kinalaman sa droga at kabataan.

  1. Pia Cayetano

Isang abogada at tagapagtaguyod ng mga batas ukol sa kababaihan at kalusugan, si Cayetano ang unang babaeng namuno sa Blue Ribbon Committee, isang makapangyarihang komite sa Senado.

  1. Camille Villar

Kasalukuyang deputy speaker at mula sa makapangyarihang Villar clan, si Camille Villar ay may hawak ding posisyon sa ilang negosyo ng kanilang pamilya gaya ng PrimeWater.

  1. Lito Lapid

Dating action star at kasalukuyang senador, si Lapid ay tagapagsulong ng mga makataong panukala gaya ng pagbawas ng timbang ng school bags ng mga estudyante at pagkakaroon ng tamang upuan para sa mga kaliwete.

  1. Imee Marcos

Anak ng yumaong Ferdinand Marcos at kapatid ng kasalukuyang Pangulo, si Imee ay kilala sa mga kontrobersyal na isyu ukol sa kanyang edukasyonal na background at umano’y pakinabang sa yaman ng Ilocos Norte.

Ang mga magkakapatid sa Senado

Kapansin-pansin ang presensya ng magkakapatid at magkamag-anak sa bagong Senado.

Si Pia Cayetano ay kasama ang kanyang kapatid na si Alan Peter Cayetano. Si Camille Villar ay papalit sa puwesto ni Cynthia Villar at kasama ang kapatid na si Mar. Si Erwin Tulfo ay sasama sa kapatid na si Raffy Tulfo. Samantalang ang magkapatid na JV Ejercito at Jinggoy Estrada ay nasa Senado rin.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -