26.7 C
Manila
Martes, Mayo 20, 2025

Matapos mahalal, gaano kahalaga ang party-list sa ating pamahalaan?

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINROKLAMA kahapon, ang mga nanalong party-list groups noong nakaraang halalan ng Mayo 12, 2025 (Tingnan ang kaugnay na balita sa isyung ito).

Subalit marami pa rin ang nagtatanong, ano ba ang kahalaganan nila sa ating pamahalaan? Tunay nga bang kumakatawan sila sa mga sektor ng lipunan na nangangailangan ng boses sa pagbabalangkas ng batas na naaayon sa kanilang pangangailangan?

Balikan natin kung paano nabuo ang party-list system at kung tumutugon ba ang kasalukuyang sistema sa tunay na pangangailangan o layon kung bakit ito naging batas.

Kasaysayan ng party-list

Taong 1995 nang ipasa ang RA 7941 o Party List Sytem Act. Ito ang batas na nagbigay ng karapatan na lumahok sa pambansang pulitika ang iba’t-ibang organisadong grupo gaya ng mga sectoral parties (mga manggagawa, mangingisda, magsasaka, kababaihan, maralitang taga-lungsod, kabataan, katutubong komunidad, OFWs, mga beteranong sundalo, propesyunal, mga may kapansanan,  mga matatanda, mga regional o national parties at iba pang mga organisasyon at samahan) sa Mababang Kapulungan, Kamara, Kongreso  o House of Representatives.


Ang party-list ay binubuo ng mga marginalized at under-represented na sector sa lipunan. Ito ang mga sektor na binibigyang pagkakataong magkaroon ng kinatawan sa Kamara para sa pagbabalangkas ng batas na naaayon sa kanilang pangangailangan.

2 uri ng kinatawan sa Kongreso

Ayon sa 1987 Constitution Art VI, Section VI, ang Kongreso ay binubuo ng dalawang kinatawan: ang district representative at ang party-list representative.

Ang mga district representative ay halal ng bawat distrito sa buong bansa samantalang ang party-list representative ay kinatawan ng marginalized sector na halal ng buong bayan.

- Advertisement -

Ngayong 2025, ang House of Representatives ay binubuo ng 254 na district representatives at 63 party-list representatives o 20 porsiyento ng Kongreso.

Noong una, hindi napupunuan ang mga seat ng party-list dahil hindi sapat ang bilang ng mga nanalong kinatawan ng party-list. Noong 1998, wala pang 15 ang nakaupong kinatawan ng party-list. Noong 2001, halos 16 lamang ang nakaupo samantalang noong 2004 ay kulang-kulang na 24 ang nakaupo. Taong 2007, sa simula ay 17 lamang ang nakaupong kinatawan subalit dahil sa desisyon ng Korte Suprema noong Mayo 2009, dinagdagan ang bilang na ito hanggang mapunuan ang 55 seats na nakalaan sa party-list.

Noong 2013, nagbago ito dahil sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Atong Paglaum vs. Comelec: “A party-list nominee must be a bona fide member of the party or organization shich he or she seeks to represent. In the case of sectoral parties, to be a bona fide party-list nominee one must either belong to the sector represented, or have a track record of advocacy for such sector.”

Ibig sabihin, hindi na kailangang manggaling mismo sa sektor ang kinatawan, sapat na ang pagiging miyembro ng grupo o organisasyon o pagkakaroon ng track record sa adbokasiya na kanyang kinakatawan.

Komplikadong pormula

Palaging nagbabago ang pormulang ginagamit ng Comelec para malaman kung ilan ang makakaupong kinatawan ng isang party-list. Dati, kada 2 porsiyento ng makukuhang boto ay nangangahulugan ng  upuan. Ibig sabihin, 2 porsiyento=1 seat. 4 porsiyento = 2 seats. 6 porsiyento =3 na siyang maksimum na nakatakda sa batas.

- Advertisement -

Ngunit naging masalimuot ang pormula hanggang ngayon.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong weekend,

ang proklamasyon para sa mga party-list ay naka-iskedyul kahapon o tatlong araw pagkatapos makumpleto ang tally, upang bigyang daan ang “komplikadong” computation sa mga alokasyon ng 63 party-list seats.

Sinabi ni Garcia na lumitaw ang problema dahil sa iba’t ibang interpretasyon dahil sa kakulangan ng probisyon sa Party-List System Act (Republic Act 7941) kung paano dapat kalkulahin ang alokasyon ng mga puwesto.

May kabuuang 155 party-list groups ang lumahok sa halalan ngayong taon, kung saan ang National Board of Canvassers (NBOC) ay nagtala ng kabuuang 41,658,790 boto para sa party-lists.

Sa ilalim ng RA 7941, ang mga party-list na nakakuha ng hindi bababa sa 2 porsiyento ng kabuuang mga boto ay awtomatikong makakakuha ng isang “garantisadong upuan.”

Sinabi ni Garcia na gumawa ng resolusyon ang Comelec hinggil sa party-list allocations kahapon.

Kahit iilan lang ang grupo na nakaabot sa percentage requirement, kailangang punan ng Comelec ang lahat ng 63 na puwestong nakalaan para sa party-lists.

Partikular na kinasasangkutan ng problema sa pag-compute ang mga grupong nabigong makuha ang pinakamababang 2 porsiyento.

Ang pormula ni Carpio

Ayon kay Comelec spokesman John Rex Laudiangco ang “Carpio formula,” ang parehong formula na ginamit noong 2022 polls, ang ginamit ngayong taon.

Ang Carpio formula ay isang tatlong yugto na proseso na inilatag ng retiradong si Associate Justice Antonio Carpio noong 2009.

Ang unang yugto ay may kinalaman sa pamamahagi ng “mga garantisadong upuan” sa mga party-list na nakakuha ng 2 porsiyento ng mga boto.

Sa ikalawang yugto, ang mga grupong may kinakailangang 2 porsiyento ay may karapatan sa dalawang karagdagang upuan, batay sa bilang ng mga natitirang upuan.

Ang isang party-list ay maaaring magkaroon ng maximum na tatlong kinatawan sa Kamara.

Ang proseso ay magpapatuloy sa ikatlong yugto kung may natitirang upuan mula sa 63 upuan na quota.

Nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga grupong hindi nakakuha ng pinakamababang 2 porsiyentong boto.

Isang party-list seat ang itinalaga sa bawat isa sa mga susunod na partido sa ranggo hanggang sa mapunan ang lahat ng available na upuan.

Hamon sa party list ngayong 2025

Sa kaugnay na usapin, sinabi ng Election watchdog na Kontra Daya na 55.3 porsyento o 86 sa 155 party-list groups na tumakbo ngayong taon ay hindi aktwal na kumakatawan sa mga mahihirap, underrepresented o marginalized na sektor na inaangkin nilang kinakatawan.

Sa 86 na naka-flag na party-list group, 40 ang konektado sa political dynasties, 25 ang nauugnay sa malalaking negosyo, 18 ang may koneksyon sa pulis/militar, 7 may kaso ng katiwalian, 11 may kahina-hinalang adbokasiya, at 9 ay walang sapat na impormasyon, ani Kontra Daya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -