NALAKHAN na natin na kapag nagkukuwento ang ating mga guro, ang madalas na itinatanong sa atin ay kung ano ang ‘moral lesson’ ng kuwento. Ilang beses ko na ring nabanggit sa mga guro sa nadaluhan kong mga forum/seminar na hindi na dapat itinatanong kung ano ang “moral lesson” ng kuwento. Nag-iiba-iba naman kasi ang isyu ng pagiging ‘moral’ sa bawat tao. Maaaring ang moral sa akin ay hindi moral sa iyo o ang itinuturing mong moral ay hindi ko matatanggap na moral sa akin.
Maaaring nagsimula ang pagtutok sa ‘moral lesson ng isang kuwento’ mula sa mga kuwentong halaw kay Aesop (Aesop’s fables). Ito’y mga kuwentong ang mga tauhan ay karaniwang hayop (animals) at laging nagwawakas sa pagtuturo ng isang leksyon mula sa naging karanasan ng itinampok na hayop sa kuwento. Intensiyonal ang paglalagay ng moral lesson sa naturang mga kuwento. Dahil dito, ang karamihan sa ating mga guro ay laging nakatuon sa iiwang ‘moral lesson’ ng isang kuwento. Katunayan, nagiging restless tayo kapag wala tayong makitang ‘moral lesson’ sa binasang salaysay.
Sa pagbabasa ng aklat at mga kuwento, sadyang nabubuksan ang ating curiosity at kakayahang maging malikhain. Nakatutulong din ito upang mapagdugtong ng mga bata ang iba’t ibang ideyang pumapasok sa kanilang isip. Nagkakaroon sila ng pagkakataong mai-relate ito sa kani-kanilang buhay. Dahil dito, ang bata’y nagkakaroon ng appreciation sa kuwento at panitikan.
Ang mga aklat pambata ay mahalagang kasangkapan upang mahasa ang critical thinking skills ng mga bata. Sa pamamagitan ng kuwento, ang bata’y natututong magtanong, magtasa (mag-analyze), at magbigay ng hatol o judgment. Lahat ng ito’y mahahalagang aspekto sa paghubog ng critical thinking skills.
Ano kung gayon ang maaaring itanong ng guro sa kanyang mga estudyante na nagbasa ng kuwento o nakinig sa storytelling? Makatutulong ang mga sumusunod:
Itanong kung ano ang nakitang life lesson (hindi moral lesson) sa kuwento. Hayaang ibahagi ito ng mga bata. Tingnan kung paano n’ya ito ire-relate sa kaniyang buhay. Maganda ang mga kuwentong naghahatid ng life lesson sa mambabasa. Mas nagiging relevant kasi ang mga tauhan at plot ng isang kuwento kung naiuugnay nila ito sa kanilang buhay.
Sa paggawa nito, maaaring itanong kung ano ang ‘take away’ nila sa kuwentong binasa. Ano ang dadalhin ng bata pauwi ng kanyang tahanan? Hindi moral lesson; hindi laging tungkol lamang sa kabutihang-asal ang dapat nating hanapin natin sa kuwento. Maraming maaaring makuha sa isang kuwento. Hayaan nating mag-isip at magmuni ang mga bata matapos mabasa o marinig ang isang kuwento.
Iwasan na natin ang nakasanayang pagtatanong tungkol sa kung sino ang bida o kontrabida sa kuwento, o kung saan naganap ang kwento. Mas mahalagang alamin mula sa mga batang mambabasa kung ano ang gagawin nila sakaling malagay sila sa sitwasyong binabanggit sa kuwento.
“Kung ikaw ang nasa kalagayan ng bida sa kuwento, ano ang gagawin mo?” Hayaan lamang silang magpahayag ng kanilang pananaw. Iwasang husgahan ang bata sa kanyang mapipiling sagot. Habang nagpapaliwanag ang bata, mas lalo nating nasisilip ang kanyang mindset sa isang partikular na sitwasyon.
“Sa tingin mo ba, tama o mali ang ginawa ng bida sa kuwento?” Maganda rin itong itanong sa kanila para makita natin kung paanong sinisipat ng mga bata ang kuwentong nabasa o binasa sa kanila. Walang dapat ituring na mali sa dalawang panig na pipiliin ng batang tinanong. Tandaan natin na ang kanyang isinasagot ay batay sa kaniyang pang-unawa at pagtatasa sa sitwasyong kinapalooban ng isang tauhan.
“Kung bibigyan ka ng pagkakataong pakialaman ang kuwento at bigyan ito ng panibagong wakas, ano ang gusto mong maging kahinatnan nito?” Sa ganitong paraan ng pagtatanong, nabibigyan natin ang mga batang mambabasa ng pagkakataong magmuni-muni, mag-analisa, o manghula sa posibleng twist na mangyayari sa tauhan o sa daloy ng kuwento (plot). Dito papasok ang sinasabing ‘thinking out of the box’ na puwedeng gawin ng mga bata. Puwede rin natin silang maanyayahan na mag-isip o lumikha ng solusyon sa kinaharap nilanng plot twist o character twist.
Bagama’t ang marami sa atin ay nakatutok sa mapupulot na aral mula sa kuwento, mahalaga ring isipin na kahit ang appreciation lamang sa mga salita o pangungusap na ginamit sa kuwento ay sapat na. Ang ‘language appreciation’ ay dapat na magsimula kahit sa murang gulang pa lamang ng mga bata’t kabataan.
Nabubuksan din ng mga aklat at kuwento ang ‘problem-solving skills’ ng mga bata. Ang mga tauhan sa kuwento ay karaniwang nahaharap sa isang hamon o problema na kailangan nilang harapin o bigyan ng solusyon. Dahil dito, mas lalong nahahasa ang kanilang kakayahang magdesisyon (decision-making skills). Nabibigyan sila ng pagkakataong mapraktis ang decision-making skills sa paraang masaya at malikhain.
“Panahon na rin para lumikha at magbasa ng mga aklat pambatang whimsical lamang,” sabi minsan ng publishing icon na si Karina Bolasco. “Hindi naman puwedeng laging may mabibigat na social issues na tinatalakay o nakapaloob sa mga aklat pambata,” dagdag pa niya.
Lumikha rin tayo ng mga kuwentong ‘whimsical’: masaya, nakatutuwa, mapaglaro (playful), walang mabigat na social issues, at walang nakatanim na ‘moral lesson’ sa loob ng kuwento.