27.2 C
Manila
Lunes, Hulyo 7, 2025

Pananaliksik: Konteksto at Kontradiksyon  

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pananaliksik ay hindi lamang isang pang-akademikong gawain sa larangan. Ito ay mayroon ding politikal na katangian dahil nakapaloob dito ang usapin ng kontradiksyon sa kapangyarihan at kontrol sa pagitan ng mga puwersang panlipunan. Ang mga sumusunod ay ilang tala ukol sa pananaliksik kasama ang aking repleksyon ukol sa praktika at politika nito bilang isang social practice, value proposition at communicative act.

  • Ang pagsisiyasat ay isang proseso ng paghahanap sa katotohanan. Ito ay tumutugon sa mga pukaw-kamalayan at pukaw-damdaming katanungan na nangangailangan ng mga malinaw na kasagutan. Wika nga ni Dr. JA Saludadez ng UP Open University, ‘research is knowing the unknown.’  Samakatuwid, ang pananaliksik ay dapat may pinupunoang puwang (gap, exclusion o oversight).
  • Nagsisimula ang lahat sa pamamagitan ng malalim na pag-unawa sa ating mga sarili mismo (self-awareness) at sa mas malawak na kapaligiran (social awareness). Sa pag-unawang ito uusbong ang mga mahahalagang katanungan na dapat pagnilayan, usisain at iproblematisa. Sa kontekstong ito rin, napakahalaga ang paalala ni Dr. BPG Flor ng UPLB sa pagpoproblematisa ng problema (‘problematizing the problem’) upang hamunin ang ating mga kinagisnang nosyon, disposisyon at paniniwala ukol sa mga isyung panlipunan.
  • Bilang panuntunan sa pagpili ng paksa, dapat pagnilayan ang iba’t ibang antas ng konsiderasyon: personal, institutional/organizational at societal considerations (Arugay, Solis & Lorenzana, 2023). Inaasahang sinasapul ng paksa at layunin ng pagsisiyasat ang tatlong konsiderasyong nabanggit upang ang pananaliksik ay mas maging lapat at kapakipakinabang (rootedness and relevance).
  • Sa simula’t sapul, dapat malinaw na ang pananaliksik ay may pang-akademiko, pampatakaran at praktikal na mga konsiderasyon (academic, policy and practical considerations). Inaasahang mailalatag at maitatampok ito sa bahagi pa lang ng kahalagahan ng pananaliksik (significance of the study) at lalo na sa rekomendasyon at implikasyon sa huling kabanata.
  • Ang pananaliksik ay nakaangkla sa pag-asa (‘Research is an act anchored on hope.’). Sa pagsasagawa ng pananaliksik, umaasa tayo na ito ay mag-aambag sa ating hinahangad na pagbabago (desired change) at magandang hinaharap (desirable future).
  • May mga balakid man, ang pagsasaliksik ay dapat laging hakbang pasulong. Bilang isang dakilang misyon, mahalaga ang pagpupunyagi (persistence) sa pananaliksik. Ang mga balakid sa pananaliksik ay nagkakaiba-iba batay sa katangian, dimensyon, konteksto, antas at tagal.
  • Malaki ang papel na ginagampanan ng pananaliksik sa inobasyon at panlipunang pagbabago. Ang matalas na pagsusuri at interpretasyon ng datos ay nagsisilbing batayan sa pagbuo at pagpapanukala ng bagong teorya, modelo, disenyo, teknolohiya, patakaran, plano, proseso, protocol, programa at proyekto. Samakatwid, ang lahat ng ito ay dapat maging evidenced-based at hindi lamang hinugot mula sa kawalan.
  • Ang pondong inilalaan sa pananaliksik ay indikasyon ng antas ng kaunlaran ng isang bansa. Sa isang naghihikahos na bansa, laging nakokompromisa ang research and development (R&D) bilang sektor at adyendang pangkaunlaran.  Dagdag na usapin pa rito ang laganap na katiwalian, disimpormasyon at bakuran (turfing) kung saan nagiging target at casualty ang mapagpalayang katotohanan, karunungan, kaalaman, pananaliksik at edukasyon.
  • Gayundin, mahihinuha mula sa porsyento ng badyet na inilalaan sa pagitan ng mga larangan, disiplina at programa ang pagkiling (o bias) ng kinauukulan (o naghaharing uri) pabor sa umiiral na balangkas. Dito mahalaga linawin ang ugnayan at kahalagahan ng bawat larangan sa isa’t isa upang maiwasan ang mga makikitid na pananaw, patakaran at praktika sa alokasyon ng pondo na nagtatangi laban sa agaham panlipunan at humanidades. Laging tandaan na kapwa mahalaga ang ‘human sciences and humanities,’ ‘reason and emotion,’ ‘statistics and stories,’ at ‘academic and more-than-academic learning.’
  • Tulad ng anumang pagdedesisyon, ang pananaliksik ay kinapapalooban din ng stock-taking, position-taking at action-taking. Kritikal na bahagi ng pananaliksik ang pagtataya (assessment) ng nananaig na kondisyon at mga landas na maaaring tahakin. Kaakibat nito ang matalinong pagpapasya at pagpanig ng may paninindigan at nakabatay sa prinsipyo.  Kinalaunan, ang resulta ng pananaliksik ay kinakailangang maisapraktika sa porma ng alternatibo at mapagpalayang patakaran, plano, programa at proyekto.  Sa kontekstong ito, napakahalaga ng kaakibat na communication at dissemination plan upang ipopularisa at idemokratisa ang pananaliksik.
  • Bilang mga responsableng mamamayan at iskolar, ang pananaliksik ay inaasahang mayroong maka-komunidad na oryentasyon. Sa kontekstong ito, malaki ang magiging pakinabang ng critical place-based inquiry nina Elizabeth Langran at Janine DeWitt (2020) para sa hangaring maisakonteksto at maisakomunidad ang pag-aaral. Kinakapalooban ang kanilang modelo ng apat na komponyente: (1) read the world, (2) understand how place matters, (3) leverage technology ,and (4) tell stories from multiple perspectives.  Sa pag-unawa ng kapaligiran at proseso ng pasasapook, mahalagang gumamit ng anumang taglay na teknolohiya (indigenous, intermediate at/o modern) at maitampok ang naratibo mula sa iba’t ibang posisyonalidad at punto-de-vista mula sa ibaba (narratives from below).
  • Ang pananaliksik ay isang porma ng pagpapakumbaba (act of academic humility) kung saan kinikilala ng mananaliksik ang kanyang kakulangan at limitasyon. Walang puwang ang kahambugan sa pilosopiya at praktika ng pananaliksik. Dapat lagi tayong handang matuto at mapatunayang may pagkakamali.
  • Dapat isaisip ang mahigpit na dugtungan ng pagtuturo, pananaliksik, serbisyo publiko, produksyon at propesyonal na pag-unlad. Halimbawa, kapwa mahalaga ang research-informed teaching at teaching-informed research para mapaunlad ang parehong gawain at gampanin.  Gayundin sa konteksto ng research-informed public service at iba pa.
  • Para magkaroon ng integridad, ang mananaliksik sa anumang disiplina ay dapat nagtataglay rin ng mga sumusunod: academic excellence, professional excellence at moral excellence. Ang tatlong parametrong ito ay ayon at alinsunod sa prinsipyo ni senadora Miriam Defensor-Santiago (+) na may aplikasyon din sa iba’t ibang konteksto, lipunan at larangan.
  • Ang pananaliksik ay relational at intergenerational. Wika nga ng kasabihang “we are standing on the shoulder of giants,” tayo ay nakikinabang sa pamanang kaalaman ng mga nauna sa atin.  Bahagi ito ng dinamikong proseso ng intelektuwal na kaunlaran (intellectual progress) sa larangan. Sa pamamagitan ng ating literature review, tayo ay nagiging bahagi ng kombersasyon sa pagitan ng mga nauna at kasalukuyang mananaliksik at kinalauna’y maging ng mga hinaharap. Ang pakikibahagi natin sa kombersasyon na ito sa pamamagitan ng data analysis gamit ang literature review ay pakikipagtambalan (convergence) at pakikipagtalaban (divergence) sa mga ideya ng dati at kasalukuyang mananaliksik.
  • Ang pananaliksik ay kailangang may demokratikong katangian. Ang mga mag-aaral at komunidad ay dapat itinuturing na co-learners, co-researchers at co-producers of knowledge. Samakatuwid, ang pananaliksik ay hindi dapat monopolyo ng mga iilang dalubhasa sa akademya. Sa pinaka-ideyal na kalagayan, kailangan natin ng mga organic intellectual o mga iskolar at mananaliksik na mula mismo sa hanay ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, manggagawa at maralitang tagalunsod.  Magkakaroon lamang ito ng katuparan kapag umunlad ang kanilang batayang kondisyong pang-ekonomiko at pangkabuhayan.
  • Ang pananaliksik ay repleksyon ng mga pagpapahalaga (o values) ng indibidwal at institusyon. Alinsunod dito, ang pananaliksik ay dapat maging likas-kaya (sustainable), mapagpalaya (liberating) at nakakapagpanibagong-hubog (transformative).  Bilang pampolitikang praksis, hinahamon dapat nito ang baluktot na pananaw na ang mga mananaliksik ay nakatataas sa kanilang sinasaliksik. Sa katotohanan, dapat ay itinuturing nating kamananaliksik ang komunidad kung saan  parehong tayong natututo sa isa’t isa.  Ayon kay Dr. EM Villegas (+) ng UP Manila, maaari tayong makapagbahagi ng mga salalayang kaalaman (foundational knowledge) sa teorya at proseso ng pananaliksik sa batayang sektor at mula naman sa kanila manggagaling ang mayamang kaalaman sa konteksto at karanasan.
  • Sa iba’t ibang antas at sitwasyon, ang pananaliksik ay bahagi ng ating kabuoang pag-iral. Maaaring tayo mismo ay isang mananaliksik o ka-mananaliksik. Depende sa ating personal o kolektibong karanasan, posibleng tayo mismo ay nakinabang (o napinsala) ng isang pananaliksik o ibinungang patakaran, programa at proyekto ng naturang pananaliksik. Maaari ring tayo mismo ay naging instrumento ng pang-aabuso sa porma ng symbolic violence, epistemic injustice o academic imperialism sa pamamagitan ng ating hegemonic research. Samakatuwid, ang pananaliksik, mananaliksik at nagpopondo ng pananaliksik ay hindi inosente. Bilang isang value-laden na gawain, indibidwal at institusyon, ang mga ito ay maaaring nakabubuti o nakasasama depende kung saang panig o interes sila kabilang at kumikiling. Kaya napakahalaga ng pagiging mapagnilay (o reflexivity) para tukuyin at suriin ang ating identidad sa kinakapalooban nating panlipunang konteksto (o researcher’s positionality).
  • Dapat unawain na ang anumang kaunlaran (o kabaligtaran nito) na ating nararanasan ay may kaugnayan lagi sa pagkakaroon o kawalan ng matino at responsableng pananaliksik. Sa parametrong ito, mahalagang matugunan ang tatlong magkakaugnay na pangunahing katanungan:
    (1) Mayroon bang inilaang sapat na democratic space para sa pananaliksik?
    (2) Masinsin at may pananagutan ba ang naging proseso ng pananaliksik?
    (3) Para saan at para kanino ba ang isinasagawang pananaliksik?                            Bilang pagbubuo(d), dapat tandaan na ang pananaliksik ay isa ring panata tungo sa tuloy-tuloy na pagkatuto (lifelong learning).  Patuloy na umuunlad ang larangan kaya mahalaga ang pananaliksik upang tayo ay makasabay at makaagapay. Pinauunlad tayo ng larangan at nag-aambag din tayo sa pagpapaunlad nito. Sa dialektikal ding paraan, binabago natin ang pananaliksik at binabago rin tayo nito.

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -