PINURI ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagpirma ng Pangulo sa bagong batas na naglalayong palakasin ang Early Childhood Care and Development (ECCD) o maagang pangangalaga at edukasyon sa mga bata.
“The highest return on investment is in early childhood,” pahayag ni Cayetano.
“By focusing our efforts on the formative years, we lay a solid foundation for our children’s future and, consequently, for our nation’s progress,” dugtong niya.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12199 o ‘Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act’ noong May 9 na tutugon sa mga kakulangan sa ECCD na nakita sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Pangunahing layunin ng batas ay pababain ang child mortality, linangin ang lahat ng aspeto ng pag-unlad ng batang Pilipino edad 0 hanggang walo, ihanda sila para sa pormal na edukasyon, at bigyang ng maagang interbensyon ang mga batang may special needs.
Para magawa ang mga ito, kabilang sa mga hakbang ng bagong batas ay ang pagpapataas ng bilang ng mga Child Development Workers (CDWs) at Child Development Teachers (CDTs), pagpapalawak ng ECCD framework, at mas pinaigting na pangangasiwa ng ECCD Council.
Pangunahing tagapagpatupad ng ECCD programs ang mga lokal na pamahalaan, na bibigyan ng pondo mula sa Local Government Support Fund.
Matagal nang nagbabala si Cayetano, na co-chair ng EDCOM 2 at isang tagasulong ng mga programa kontra stunting o pagkabansot, ukol sa pangmatagalang epekto ng kakulangan sa early child care sa pagkatuto ng bata.
“Unlike cases of malnutrition, where intervention can help a child recover, stunting is often permanent,” wika ni Cayetano.
“Aanhin natin ang P6 trillion national budget kung one-third of our young population is unable to grow properly and succeed?” dagdag niya.
Sa ulat ng EDCOM 2, lumabas na 84 porsyento lamang ng mga batang Pilipino ang may access sa pre-primary education, malayo sa ideal na 94 porsyento.
Sa 240,000 na kinakailangang ECCD professionals, 6,788 lamang ang accredited.
Nasa 25 porsyento lang din ng mga batang Pilipino ang naaabot ang kanilang Recommended Energy Intake.
“Whatever we do now, that is what we will see in 2035, 2045, and 2050. And this law is a significant step toward securing a better future for generations to come,” wika ni Cayetano.