29.6 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Tama ba: Ipinroklama, mga mahusay na mambabatas?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

TAMA naman, kung mahusay bang talaga ang naiproklamang mga mambabatas.

Pero teka, hindi ito usapang politika. Ang tanong pala ay kung tama ba ang posisyon ng salitang MGA.  Tama bang ilagay ang MGA bago ang pang-uring “mahusay” o dapat ay katabi ito ng “mambabatas”? Alin ba ang tama: (1) mga mahuhusay na mga mambabatas, (2) mahuhusay na mga mambabatas, (3) mga mahusay na mambabatas, (4) mahusay na mga mambabatas?

Mahirap yatang sabihin na ang isa ay tama at ang tatlo pa ay mali. Kung susuriin natin ang paggamit ng mga tagapagsalita ng Filipino, mapapansin natin na lahat ng iyan ay ginagamit ng mga nagsasalita at sumusulat sa wikang Filipino. Hindi lamang mga estudyante at baguhan pa lamang na nagsusulat/nagsasalita ang gumagamit ng mga iyan, kabilang na rin ang mga premyadong manunulat sa wikang pambansa. Dahil ginagamit naman ng marami, mahirap sabihing mali.

Kaya ang aking sagot: walang mali, mayroon lamang HINDI MASINING.

Ano ba ang MGA?


Ang MGA ay salitang ginagamit para ipakita na ang pangngalang kasunod nito ay higit sa isa. Pamparami ng pangngalan ang karaniwang tawag dito. Sa Filipino, di tulad sa Ingles at Kastila, hindi nagbabago ng anyo ang pangngalan, iisa man ito o marami. Kaya nga, kontra sa itinuturo sa elementarya, sinasabi ko na walang kailanan (singular o plural) ng pangngalan sa Filipino. Sa Ingles, dinadagdagan ng S o ES ang salita para sabihing higit ito sa isa. Halimbawa: girl (isa lang); girlS (dalawa o higit pa). Sa Filipino, para masabing higit sa isa ang pangngalang tinutukoy, gumagamit tayo ng (1) bilang, (2) salitang MGA, at (3) pang-uring nasa maramihang anyo. Mga halimbawa: (1) 20 babae, (2) MGA babae, at (3) MAGAGANDANG babae.

Samakatwid, ang MGA ay isa sa mga paraan para sabihing higit sa isa ang pangngalang binabanggit natin. Gumagamit tayo ng mga salitang PAMPARAMI para sabihin kung isahan o maramihan ang pangngalan. Pero ang mismong pangngalan ay hindi nagbabago ng anyo isahan man o maramihan, di tulad sa Ingles.

Ang orihinal na baybay ng salitang ito ay MANGA. Sa orihinal nitong baybay, agad nang makikita na binubuo ito ng dalawang pantig: ma-nga. Nagsimula itong maging MGA kasabay ng paglabas ng Balarila ng Wikang Pambansa (1939) ni Lope K. Santos. Ito na ang anyong kilala ng ating henerasyon. May nalilito kung ilang pantig daw ba ang MGA? Kasi, kung titingnan, parang isang pantig lamang ito. Pero ang pagbasehan ay bigkas, baybay lamang ang nagbago, dalawang pantig pa rin ang salitang MGA.

Mahalaga ang impormasyong ito sa mga sumusulat ng tula, lalo na kung may sukat at tugma ang tula.

- Advertisement -

Masining na pagpapahayag

Naipaliwanag ko na sa isang naunang kolum kung ano ang mga katangian ng “masining na pagpapahayag.” Matipid sa pananalita, hindi paulit-ulit, ang isa sa mga katangiang ito. Hindi masining ang “mga mahuhusay na mga mambabatas” dahil makulit. Pansinin natin na dalawang beses ginamit ang salitang MGA – di ba’t sinasabi sa atin na para mapaghusay ang ating panulat, iwasang gumamit ng magkaparehong salita sa isang pangungusap. May exception, malaking dahilan, mangyari pa, kung talagang kailangang ulitin sa isang pangungusap ang isang salita. Sa pagkakataong ito, walang matinding dahilan para ulitin ang MGA. (Pero maraming gumagamit ng ganyang pag-uulit, pasalita man o pasulat).

Pansinin din na pangmaramihan na ang anyo ng pang-uring MAHUHUSAY. Ibig sabihin, hindi lamang isa, kundi dalawa o higit pa, ang bilang ng tinutukoy na mambabatas. Kalabisan na, kung gayon, ang paggamit ng MGA.

Ang tanong naman ay kung dapat bang ilapit sa pangngalan ang MGA o puwede nang ilagay ito sa unahan ng pang-uri? Alin ang masining: (1) mga mahusay na mambabatas, o (2) mahusay na mga mambabatas? Syempre, may isa pang pagpipilian: gamitin ang pangmaramihang anyo ng pang-uri: mahuhusay na mambabatas. At hindi na kailangan ang MGA.

Sa tanong kung alin ang mas masining, (1) o (2), ang sagot ko ay (2). Mas magandang pakinggan at mas madaling unawain ang (2). Obserbahan natin ito sa iba pang mga kaso, ibang mga pagkakataon ng pang-uri + mga + pangngalan, at makikita nating tama ito.

Iba pang gamit ng MGA

- Advertisement -

Ginagamit din ang MGA kapag hindi tiyak ang bilang, ginagamit ito sa pagtantiya ng bilang. Halimbawa, Tanong: lIan ang dumalo sa pulong? Sagot: MGA sandaan. Ang MGA ay hudyat na hindi tiyak ang eksaktong bilang ng mga dumalo, kinalkula lamang ang bilang na isinagot. Maaaring ito ay 95 lamang o 105 marahil.

Tanong: Anong oras tayo magkikita bukas? Sagot: Mga alas diyes. Ang “alas diyes” ay hindi eksaktong oras, kundi “malapit sa oras na nabanggit.” Sa Ingles, “around ten o’clock.” Hindi alas diyes, kundi bago o lampas nang kaunti sa binanggit na oras.

Maaaring magkaroon ng ibang kahulugan depende sa posisyon ng salitang MGA. Halimbawa, magkaiba ang (1) mga sandaang bata at (2) sandaang mga bata. Sa (1), hindi tiyak kung sandaang bata nga ang tinutukoy, pagtantiya lamang ang sinabing bilang. Kapag (2) naman, tiyak ang bilang, sandaan ang bilang ng mga bata. Kaya lamang, sa pagkakataong ito, hindi na kailangan ang MGA dahil ibinigay na ang bilang. Sandaang bata na lamang ang banggitin. Tandaan, kapag may binanggit nang bilang, hindi na kailangan ang pamparaming MGA.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -