29.6 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Desisyon ng Court of Appeals sa petisyon vs. De Lima

- Advertisement -
- Advertisement -

TULOY na tuloy pa rin ang pagbabalik ni Atty. Leila De Lima sa pagseserbisyo publiko bilang kinatawan sa Kongreso sa kabila ng desisyon ng Court of Appeals na pumapabor upang kwestyunin ang desisyon ng Regional Trial Court sa Muntinlupa dahil sa hindi maliwanag na dahilan ng pagpapawalang-sala sa kanya sa kasong may kinalaman sa droga na isinampa sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matapos  mabasa ang desisyon ng CA, sinabi ni De Lima na iaapela nila ito kahit pa makarating sa Korte Suprema kung kinakailangan bagama’t hindi na rin naman, aniya, siya makukulong pa sa bisa ng prinsipyo ng double jeopardy.

“Nabasa na namin ang decision ng Court of Appeals na ibalik sa Regional Trial Court  ang isa sa mga kaso kung saan na-acquit na ako. Kataka-taka itong desisyon na ito na mistulang pinapaulit ng CA ang pagkasulat ng desisyon ng RTC dahil daw hindi ito masyadong malinaw,” aniya.

“Naniniwala rin kami na lahat ng sagot sa mga tanong ng CA sa decision nila ay maaring makita sa records ng kaso. Baka kailangan lang namin iturong muli sa kanila sa aming Motion for Reconsideration ang mga specific na portions ng records kung saan makikita ang mga sagot sa kanilang mga katanungan,” dagdag pa niya.

Ayon sa bagong halal na party-list representative, hindi nangangahulugan na wala nang bisa ang kaniyang acquittal. “Final and unappealable ang aking acquittal dahil sa prinsipyo ng double jeopardy, habang appealable pa naman hanggang Supreme Court ang desisyon ng CA. Sa ngayon, mas matimbang pa rin ang pagpapawalang-sala sa akin ng RTC,” aniya.


Double jeopardy

Ano ang prinsipyo ng double jeopardy? Ito ay ang pagtitiyak ng Konstitusyon na hindi na maaaring hatulan o parusahan pa ang isang tao sa ikalawang pagkakataon para sa parehong kaso.

Binuno ni De Lima, ayon sa artikulo ng amnesty.org ang 2,454 araw o halos pitong taon sa kulungan para sa mga kasong isinampa sa kanya ng administrasyong Duterte.

Desisyon ng CA

- Advertisement -

Pumapatungkol sa kasong hinawakan ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang desisyon ng Court of Appeals kung saan nitong nakaraang taon, Mayo 2023, pinawalang sala si De Lima ng pakikipagsabwatan upang isagawa ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Pinayagan ng CA, sa desisyon nito, ang petition for certiorari na isinampa  ng Office of the Solicitor General, kung saan kinontra nito ang desisyon ng korte sa Muntinlupa  dahil sa kakulangan ng paliwanag kung bakit nito nasabing hindi sapat ang ebidensiya ng prosekusyon laban kina De Lima at Ronnie Dayan.

Sa pamamagitan ng petition for certiorari, maaaring kwestyunin ang mga desisyong ginawa na sobra o kulang ang hurisdiksyon o may labis ng pang-aabuso sa diskresyon.

Nagdesisyon ang RTC “on the ground of reasonable doubt” isang taon matapos bawiin ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos ang kaniyang sinabi na inabutan nya ng drug money si De Lima noong 2012.

Ayon sa report ng ABS-CBN.com, kinukwestyon ng CA ang desisyon dahil bagama’t kwestyonable ang mga ebidensya para sa sabwatan, hindi umano ibig sabihin na kung walang sabwatan hindi ginawa ang krimeng ibinibintang.

“The public respondent’s decision to acquit the private respondents appears to rest predominantly on the purported failure to prove the existence of conspiracy. It must be emphasized, however, that conspiracy, within the context of the present case, is not an independent offense but merely a mode of perpetrating the crime charged,” saad ng CA.

- Advertisement -

Nararapat umanong kilalanin at eksaminin ni Judge Abraham Alcantara ng RTC Branch 204 ang mga elemento ng krimen at alamin alin ang naapektuhan ng pahayag ni Ragos.

“In the absence of such a substantive analysis, the public respondent’s disposition is bereft of both factual and legal justification,” ayon sa CA.

“The public respondent acquitted the private respondents on the sole basis of the recantation of Ragos but was made with neither analysis of the entire evidence on record nor reference to the legal bases for his conclusion on the supposed resulting inefficiency of the rest of the prosecution’s evidence, in stark violation of the Constitution,” ayon dito.

“Accordingly, a court decision lacking in factual and legal bases is void and produces no legal effect,” dagdag pa nito.

“In order for a judgment or decision in a criminal case to have a legal and binding effect, it must conform to the standards of clarity, transparency, and reasonableness as mandated both by the Constitution and the Rules of Court,” saad ng desisyon.

“However, in this case, We find that both the assailed Decision and Order failed to meet these required standards,” ayon pa dito.

Pagbabalik

Sa kabila ng pangyayaring ito, inihayag ni De Lima na hindi nito maaapektuhan ang pagbabalik nya sa serbisyo publiko.

“Gayunpaman, hindi ito magiging hadlang sa pagbabalik ko sa serbisyo-publiko at ipagpapatuloy ko ang aking preparasyon sa pagsulong ng Hustisya at Reporma sa Kongreso,” sabi ni De Lima.

First nominee si De Lima ng ML Party-list at kamailan lamang, tinanggap nya ang alok na sumali sa prosecution team ng House of Representatives laban kay Vice President Sara Duterte.

Prisoner of conscience

Ayon sa website ng Amnesty International, isang demokratikong samahan na ipinaglalaban ang karapatang pantao, inaresto ng mga awtoridad si De Lima matapos niyang paimbestigahan ang mga paglabag sa pagsasagawa ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot mula 2016 hanggang 2022, kabilang ang mga pagpatay sa libu-libong suspek sa paggamit o pagbebenta ng droga.

Sinabi rin dito na maraming pagkaantala, mga di pagsipot ng saksi ng prosekusyon sa korte na nagsabi ang ilan na tinakot sila ng mga dating opisyal upang gumawa sila ng mga alegasyon laban kay De Lima, at pagpapalit ng hurado ang naganap sa loob ng mahigit anim na taong pagkakakulong ng abogada.

Noong 2018, ayon pa sa Amnesty International, sinabi ng UN Working Group on Arbitrary Detention na hindi makatarungan ang pagkukulong kay De Lima dahil sa kawalan ng sapat na legal na basehan at hindi pagsunod sa international norms para maipatupad ang kanyang karapatan sa patas na paglilitis.

Itinalaga sya ng Amnesty International na isang “prisoner of conscience” na nakulong dahil lamang sa lehitimong pagtatrabaho nya para sa karapatang pantao.

###

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -